Hindi napigilan ni Nadia Montenegro ang mapaluha habang isinasalaysay ang personal na karanasang maging biktima ng pananalasa ni Typhoon Ulysses.
Alas-otso ng umaga ng Huwebes, November 12, nag-post si Nadia ng video nang pasukin ng hanggang sakong na tubig-baha ang kanilang bahay sa isang village sa Antipolo, Rizal.
Gumamit si Nadia ng "#Marikina" at "#MarcosHighway" sa kanyang social media post dahil marahil malapit sila sa boundary ng Marikina.
Makikitang gulu-gulo na ang ayos ng kanilang sofa, freezer, refrigerator, at iba pang kagamitang marahil ay nais nilang dalhin sa mas mataas na lugar para hindi tangayin sakaling tumaas pa ang baha.

Sa tapat ng kanilang bahay, lubog na ang mga gulong ng SUV at kotse na tila inanod na rin ng tubig.
Sa takot na tumaas pa ang tubig-baha, bago magtanghali ay nag-post sa social media si Nadia na nanghihingi ng saklolo.

Rumesponde ang mga malapit na kaanak at kaibigan ng pamilya ni Nadia kaya nailikas din sila mula sa lugar noong gabi ng Huwebes.
Pero hiwa-hiwalay sila ng tinuluyan dahil sa dami nila sa bahay.
Nitong alas-nuwebe ng umaga ng Biyernes, November 13, nag-Facebook Live si Nadia para ibahagi ang hirap na naranasan dahil sa kalamidad.
"WALA KAMING NA-SAVE."
Hindi raw sukat-akalain ni Nadia na magkakaroon ng flash flood sa kanilang lugar matapos bumigay ang pader ng katabing creek ng kanilang bahay.
Umabot daw ng hanggang baywang ang tubig-baha kaya ganoon na lang ang takot niya.
"Ang bilis-bilis po ng pangyayari. Kahapon, bumigay po yung wall ng creek sa tabi ng bahay namin.
"While we were trying to save the cars, nalingat lang kami, the water from the back of the house, doon po dumaan.
"And then nun nga, umabot na kaagad ng hita, umabot na kaagad ng baywang.
"In short, wala kaming na-save. Wala kaming nakuha.
"But those are all material things..."

Aminadong nanibago si Nadia dahil sanay siyang boluntaryong nangunguna sa pagtulong sa ibang nangangailangan.
"It's the morning after. We're all safe, me and the kids, although watak-watak kami.
"Wala lang ako makausap. I'm used to being on the other side helping.
"Kaya hopeless ako ngayon... Hindi ako makatulog."
Lubha mang apektado sa pagkasira ng mga kasangkapan, pilit na nagpakatatag ng loob si Nadia.
"Pero I'm so grateful to be on the other side with all the help that we are receiving, with all the love that we've been receiving from each and everyone of you.
"Pero ngayon naintindihan ko na. Kasi ngayon nangyari sa akin ito.
"I pray for those who are affected by the typhoon."

GRATEFUL FOR FAMILY'S SAFETY
Naniniwala raw si Nadia na makakabangon din ang kanyang pamilya.
"If there's one thing I wanna share, sabi ko nga sa post ko, natangay man ni Ulysses lahat, nakuha man niya lahat, pero grateful lang ako na lalong tumibay ang faith ko.
"I know God has a reason for all of this. And I just thank him na antibay-tibay ko sa panalangin ko sa Kanya.
"And my children, kahit na watak-watak kami, some are with my mom, some are in the house of our pastor and our bishop. Sila po naghintay sa amin sa labas ng gate, mga tatlo hanggang apat na oras, para ma-rescue."
Lubos ang pasasalamat ni Nadia sa mga taong sumaklolo at tumulong sa kanila.
"Ang dami kong gustong pasalamatan, pero si Lord na lang muna.
"Kasi now, I'm watching the news the morning after, I'm just grateful, and I'm praying for everyone affected kasi hindi madali."
Mas mahalaga raw na ligtas ang buo niyang pamilya kaysa sa mga gamit nilang nasira.
"Wala kaming nakuha, wala kaming nadala.
"Pero okay lang iyan, papalitan lahat iyan. Basta safe kaming lahat.
"Many lives are lost, and I ask you to please continue to pray for them.
"Matibay ang Pilipino, pero mas matibay tayo pag meron taong pananampalataya sa Diyos sa buhay natin."

"ULYSSES DIDN'T DAMAGE ME."
Hindi raw hahayaan ni Nadia na mawalan siya ng pag-asa sa buhay matapos maging biktima ng sakuna.
"I know this is just a test, a trial, a sad one, and a dark time for me.
"But my faith is so much stronger, and I feel so much love and support from all of you.
"Thank you, I'll be fine. We'll be okay."
Diin pa ni Nadia: "Ulysses didn't damage me. He affected me, but he didn't damage me."
Sa huli, nagpasalamat si Nadia sa mga nagbigay ng saklolo at tumulong sa kanilang makalikas sa kanilang binahang village sa Marikina.
"Thank you to all of you. Alam niyo kung sino kayo. Maraming-maraming salamat sa inyong lahat.
"Andrew Lopez and Sampaloc team, salamat. Ang dami niyong gusto ko pasalamatan.
"Isa-isahin ko lang kasi di ko maiisip lahat ngayon. Sorry, woke up like this.
"Praise God. Glory to God. Lord Jesus, thank you.
"Sana po, Lord, wala na pong bagyo. Take care of the Philippines."
CLEANING THE HOUSE
Pagsapit ng hapon nitong Biyernes, nakabalik si Nadia at kanyang mga anak sa kanilang bahay sa Marikina.
Humupa na ang baha, at laking pasasalamat nilang mayroon pa rin silang bahay na mauuwian at kailangan na lamang itong linisin.
Sa pamamagitan ng Instagram Story, ipinakita niya ang hitsura ng kanilang bahay ngayon.
Sabi niya sa caption, "God made a way for new things to come. Faith is greater! Hope restored!"

Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika
