Nakahanap ng kakampi si Rabiya Mateo sa past Miss Universe winners na sina Catriona Gray, Pia Wurtzbach, at Gloria Diaz.
Si Rabiya ng Iloilo City ang itinanghal na Miss Universe Philippines 2020 sa national pageant na ginanap noong Oktubre.
Nabalot ng kontrobersiya ang grand coronation dahil sa pahiwatig ng ilang mga natalong kandidata na may dayaang naganap at may lumabag din umano sa protocols.
Ito ang dahilan kaya nasabi ni Rabiya na hindi tipikal ang kanyang pagkapanalo.
Kasabay ng pagdami ng kanyang fans, dumami rin daw ang kanyang mga kritiko.
Saad ni Rabiya, “When I started my reign, hindi siya yung typical na crowning moment na everybody is celebrating with you.
“And yun po, siguro yung kailangan kong i-adjust yung sarili ko because hindi ko inakala na with the crown, mas dadami din yung magba-bash sa ‘yo, mas madami ding ihe-hate ka, kahit hindi ka naman talaga nila kilala.”
Buti na lang daw at may words of encouragement siyang natanggap mula sa mga dating Miss Universe titleholders na sina Catriona (2018), Pia (2015), at Gloria (1969).
Sa tulong ng tatlong former titleholders, tumaas daw ang kumpiyansa niya sa sarili sa kabila ng kanyang pagkapanalong nabalot ng isyu.
Sabi ni Rabiya, “Dahil nga po nakausap ko si Miss Pia and si Catriona, sinasabi nila, 'Ganoon talaga pag beauty queen ka. People can talk about you and sometimes you can’t do anything about it. You can’t stop it.
"'Pero always remember kung bakit ka ba talaga nag-join. Is it to impress other people, or is it your purpose to make a difference in the society?'
“So, dun talaga ako nabuhayan ng loob na, sabi ko, kahit nga sila mga Miss Universe na talaga, di ba, may challenges talaga sa buhay.
“And yung nangyari sa akin, pagsubok lang talaga siya na kayang-kaya kong harapin.”
Sinabi ito ni Rabiya sa panayam niya sa ABS-CBN daytime talk show na Magandang Buhay nitong Miyerkules, November 11.
GLORIA DEFENDS RABIYA
Naibahagi rin ni Rabiya ang ginawang pagtatanggol sa kanya ng first Filipina Miss Universe na si Gloria Diaz.
“Sinabi niya talaga, kamukha ko first yung anak niya si Miss Belle,” pagtukoy niya sa aktres na si Isabelle Daza.
“Sabi ko nga, ang sarap naman sa feeling kasi yung mga Miss Universe natin pinagtatanggol ka, parang nasa side mo sila, and parang it gives me the energy to do better kasi.”
Tila nabasa ni Rabiya ang naisulat tungkol sa pagtatanggol ni Gloria sa kanya, kung saan sinabi ng veteran actress na deserve ni Rabiya manalo.
Bukod sa pagpuri kay Rabiya, may pahayag pa si Gloria sa mga paratang na may nangyaring dayaan sa pagkapanalo ni Rabiya.
Ani Gloria, “Everbody wants to win. Kaya iyong ibang natalo, sinasabi nila, nadaya sila.”
May akusasyong alam na umano ni Rabiya ang tanong sa question-and-answer portion at may bitbit umano itong glam team kahit bawal.
Pinasinungalingan ito ni Rabiya at ang mga kasamahan niya.
Samantala, umaasa si Rabiya na makakaharap nang personal sina Catriona, Pia, at Gloria.
“Gusto ko talaga silang ma-meet in the future, kasi alam nila to become a representative of our country, to carry the banner of the Philippines in an international stage.
“And gusto ko talaga silang makausap and alam kong marami pa akong matututunan sa kanila.”
STARS ALIGNED FOR RABIYA
Samantala, naniniwala si Rabiya na pinaboran siya ng mga bituin nang mag-compete siya sa Miss Universe Philippines 2020 noong Oktubre.
Ito ang kauna-unahang national pageant ni Rabiya, bagamat may sinalihan na siyang regional pageant.
Kung hindi nga raw pinalad manalo ni Rabiya ay ihihinto na niya ang pagsali sa mga pageant.
“I’m the breadwinner of the family and pag sumali ka po ng isang national pageant, ang dami mo pong kailangang i-sacrifice,” lahad ng Filipino-Indian beauty queen.
“At unang-una po sa lahat, sinacrifice ko po ang trabaho ko during the start of the competition. Kaya during the lockdown, wala talagang pumapasok na income.
“And si Mama ko din, wala din siyang trabaho. Yung kapatid ko graduating pa, so lahat talaga iyon parang nabawas siya sa savings ko.
“And sabi ko, kailangan kong ibigay lahat-lahat kasi mahihirapan na ako the next time.”
Kinumpirma niyang malaki ang ginagastos ng isang aspiring beauty queen.
“Swerte ka talaga pag may mga taong from your province, sa Iloilo City, na tumutulong sa iyo, and sa akin din po maraming tumutulong.
“Pero hindi mo talaga maiiwasan maglabas from your own pocket.”
Si Rabiya, na isang Physical Therapy graduate, ay naging lecturer sa isang review center.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika
