“Kung walang pagpapahalaga si Kris sa kanyang mga katrabaho at kaibigan ay magkaiba kami ng polisiya sa buhay. Sumasalo kami ng bala para sa mga taong mahal naming nasa tama."
Ito ang bahagi ng pahayag na ipinadala ng beteranang kolumnista at showbiz talk show host na si Cristy Fermin sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ngayong araw ng Lunes, November 9.
May kaugnayan ito sa mainit na alitan ngayon sa pagitan nina Cristy Fermin at Kris Aquino.
Nakatakda sanang magsama sina Kris at Cristy—kasama sina Lolit Solis at Mr. Fu—sa isang online talk show na tatagal ng walong linggo.
Pero napurnada ang nasabing online show dahil diumano kay Kris.
Dati nang nagkasama sina Kris at Lolit sa Startalk, ang defunct showbiz-oriented talk show ng GMA-7.
Sina Kris at Cristy ay nagkasama naman sa The Buzz, ang defunct showbiz-oriented talk show ng ABS-CBN.
Sina Cristy at Mr. Fu ay nagkasama sa Juicy, ang defunct showbiz-oriented talk show ng TV5.
Sina Cristy, Lolit, at Mr. Fu ay mayroong ongoing online showbiz-oriented talk show na Take It Perminute, Me Ganun.
THE FOILED ONLINE SHOW
Sa kanyang programang Cristy Ferminute sa Radyo Singko, tahasang sinabi ni Cristy na kahit magdildil pa siya ng asin ay ayaw na niyang makatrabaho si Kris sa isang proyekto.
May petsa iyong November 4, at kasama ni Cristy sa programa ang co-host na si Rommel Chika.
Ano nga ba ang dahilan kung bakit naudlot ang online show nila nina Kris, Lolit, at Mr. Fu?
Ayon kay Cristy, kinuha si Kris at ang ka-triumvirate ni Cristy na sina Lolit at Mr. Fu upang gumawa ng isang online show, na gagastusan ng isang kilalang grocery warehouse store.
Ang konsepto ay nasa magkaibang lugar si Kris at ang tatlo during the program.
Nagkaroon daw ng initial meeting sa Obra Ni Nanay, ang pag-aaring painting gallery ni Cristy sa Quezon City.
Hindi raw nakasama si Cristy sa meeting na iyon.
Lahad niya, “Nung nag-meeting kasi, wala ako sa Obra, umuwi ako nung Martes para naman sa Cristy Ferminute.
"Bibiyahe pa ako, ang layu-layo, ang trapik-trapik, so hindi ako sumama sa meeting.
“Noong meeting nandun si Mr. Fu, Manay Lolit, ang anak-anakan kong si Chuck Gomez, at saka ang mga taga-[grocery brand], at saka si Salve Asis, ang PM [program manager] namin sa programa [Take It Perminute, Me Ganun].”
Si Chuck ang namagitan sa pagitan ni Kris at ng grocery brand at nina Cristy, Lolit, at Mr. Fu.
Sinabi na lang daw kay Cristy kung ano ang mangyayari sa programa, ang talent fee, at iba pang detalye.
THE FEUD
Hindi malinaw kung kailan sumunod na nagkaroon ng meeting, pero nasorpresa raw si Cristy nang malaman niyang kailangan umanong ilaglag si Mr. Fu sa gagawing online show kasama si Kris.
Paglalahad ni Cristy sa Radyo Singko, “Ito na, nagsalita itong isang Kris Aquino. Pinabasa sa amin ni Manay Lolit Solis ang kanyang text.
“Ang sabi ni Kris Aquino, kami lamang daw ni Manay Lolit ang gusto niyang makasama.
"Hindi raw niya kilala si Mr. Fu. at hindi namin ka-level si Mr. Fu."
Hindi nagustuhan ni Cristy ang tingin niya'y pangmamaliit ni Kris kay Mr. Fu.
Sabi pa ni Cristy, hindi ito ang unang pagkakataong tumanggi si Kris na makasama ang isang taong tingin ng dating tinaguriang Queen of All Media ay hindi nito "ka-level."
Ani Cristy, “Ito na, naalala niyo siguro nung naupo siya dito sa Cristy Ferminute nung June 2018?”
Celebrity guest noon si Kris sa nabanggit na show ni Cristy.
Pero bago magsimula ang programa, umayaw raw si Kris na makasama ang noo’y co-host ni Cristy na si Wendell Alvarez, isang showbiz reporter.
Sabi raw ni Kris, "No, I don't want you to join us. You lang. Hindi natin siya ka-level."
Bilang co-host ni Wendell, humingi raw ng pasensiya si Cristy rito.
Pero hindi raw talaga inasahan ni Cristy na pagdating ni Kris sa studio at habang bini-brief niya ito sa puwesto nilang tatlo ay magri-request ang actress-host na huwag isama sa show si Wendell.
Naunawaan naman daw ni Wendell ang sitwasyon at nagparaya ito.
Ngayon ay ayaw na raw ni Cristy maulit ang ganoong insidente sa kaso ni Mr. Fu.
Patuloy ni Cristy: “Naulit na naman po ngayon, na ayaw niya makasama si Mr. Fu dahil hindi daw niya kilala at hindi rin daw namin ka-level.
“Ako po at si Manay Lolit ay nasaktan para kay Mr. Fu.
"Kilala namin si Mr. Fu, alam namin kung paano makipagkaibigan at makisama at team player at napakasayang kasama ni Mr. Fu.
“At may naabot na rin naman si Mr. Fu sa linyang kinabibilangan."
Ang tinutukoy ni Cristy ay ang pagiging kilala ni Mr. Fu sa larangan ng FM radio.
CRISTY TURNS DOWN THE ONLINE SHOW
Ayon pa rin sa kuwento ni Cristy sa kanyang programa, pinabasa raw nina Lolit at Cristy kay Mr. Fu ang text message ni Kris.
Mas mabuti raw kasing diretsahang malaman ni Mr. Fu kung bakit hindi ito makakasali sa online show kaysa malaman pa nito sa iba.
Huminga lang daw nang malalim si Mr. Fu, pero siniguro nito kina Cristy at Lolit na walang kaso sa kanya ang pagtanggi umano ni Kris na makasama ito.
Pero ramdam daw ni Cristy ang panliliit ni Mr. Fu sa nabasa nito.
Lahad ni Cristy: "'Nanay, wag ka nang magalit. Keri ko ito,' sabi ni Mr. Fu. Pero ang boses ni Mr. Fu, parang naghihintay ng yakap.
"Parang ninakawan siya ng self-esteem. Parang minenos siya, parang minaliit.
"Na hindi na nga parang, dahil iyon talaga ang kanyang nararamdaman."
Nagpunta raw si Mr. Fu sandali sa comfort room, at paglabas nito ay napansin daw ni Cristy na tila mugto ang mga mata nito.
“Nagsumbong ang puso niya sa mga mata—umiyak yung tao," ani Cristy.
Hindi na raw napakali si Cristy simula noon.
Ayon kay Cristy, “Heto na naman si Kris. Minsan na niyang ginawa kay Wendell Alvarez, heto na naman ang pagiging power tripper niya.
"Power trip yun, e, para sa akin.”
Dito na raw nagdesisyon si Cristy na tanggihan ang online show kasama si Kris.
Sabi raw niya kay Lolit, “Lolit, ayoko nang gawin yung programa, ayoko na.”
Nanghinayang daw si Lolit dahil maaaring pangdagdag na kita na rin nila ito ngayong may pandemya.
Ang sagot daw ni Cristy, “Walang dagdag na kita para sa pandemya sa akin pagdating sa prinsipyo, Kabsat. Pasensiya ka na.”
Ang "kabsat" ay Ilocano term para sa kapatid.
Dahil sa desisyon ni Cristy, nagsabi raw si Lolit na hindi na rin nito gagawin ang online show kasama si Kris.
ALLEGED "POWER TRIP" OF KRIS
Sa paglalahad pa rin ni Cristy sa radyo, dumating siya sa puntong tahasan niyang kinuwestiyon ang "power trip" ni Kris.
Hindi man lang daw nagtanda si Kris sa karanasan nitong mahirapang magkaroon ng showbiz comeback sa telebisyon.
Pahayag ni Cristy: “Eto ako sa posisyon na, 'Oo, pinagtatanggol ko si Kris kapag nasa tama siya. Pero pinipitik ko siya kapag hindi tama para sa akin ang kanyang ginagawa.
“Ilang ulit ka nang nadapa, may kasabihan... na hindi ito kuwestiyon ng kung ilang ulit kang nadapa dahil ang pinakamahalaga ay ang pagbangon.
“Ilang ulit ka nang sinaktan ng tadhana? Ilang network na ang nilapitan mo na hindi ka tinanggap?"
Tingin ni Cristy, ang problema ni Kris ay ang pagiging self-centered umano nito.
“Bakit pati mga proyektong indibidwal na dapat gagawin mo, tulad nung sa amin, ay hindi rin natuloy?
“Dahil sa pagpa-power trip mo.
"Parang ikaw pa rin yung reyna na nakaupo sa pulbito na may trono at korona, na parang ikaw pa rin ang gitna ng mundo, samantalang isa ka lang sa mga bituin at mga planetang umiikot.
"Hindi ikaw ang araw."
Halos tumulo ang luha ni Cristy dahil nahusgahan umano agad ni Kris si Mr. Fu, gayong hindi niya ito kilala.
Dire-diretsong pahayag ni Cristy: “Bakit mo sinaktan ang kaibigan namin samantalang hindi mo naman siya kilala kung ano ang buhay niya?
“Kris, kung alam mo ang buhay ni Mr. Fu, baka lumuluhod ka ngayon na lumapit sa kanya sa pagmamakaawa na patawarin ka.
"Hindi mo alam kung ano ang papel ni Mr. Fu sa kanyang pamilya.
“Hindi mo alam kung ilang tao ang tinutulungan niya araw-araw. 'Tapos ilalaglag mo? Sasaktan mo kami?"
Sa puntong ito, iginiit ni Cristy na ayaw niyang makatrabaho muli si Kris.
“E, sabi nga ni Manay Lolit na, 'Kahit bigyan mo pa kami ng tig-isa-isang branch ng [grocery brand], hindi namin gagawin ang proyekto kung ikaw ang kasama.'
“At ako mismo, kahit ano pa ang gawin mo, kahit ano pang gawin ni Chuck Gomez na panliligaw sa akin, kay Manay, at kay Mr. Fu, hindi bale na lang.
“Magdidildil ako ng asin, Kris Aquino, huwag ka lang makasama.
"Dahil sa pananakit mo sa mga kasama at kaibigan namin na hindi mo kilala kung ano ang papel sa buong mundo.
“Hindi namin gagawin ang proyekto.”
KRIS REACTS TO FALLING-OUT WITH CRISTY
Sumiklab ang parunggitan sa pagitan nina Cristy at Kris.
Tatlong araw matapos ang matinding pahayag ni Cristy laban kay Kris, naglabas ng statement ang dating entertainment editor na si Dindo Balares.
Malapit si Dindo pareho kina Cristy, na itinuturing niyang "nanay," at kay Kris, na tinuturing niyang "anak."
Sa pamamagitan ng Instagram post noong November 7, hinimok ni Dindo ang dalawang kampo na magkaayos.
Dito bumuwelta si Kris laban kay Cristy.
Sa comments section noong November 8, pahayag ni Kris (published as is): "Dito ako papalag kuya dindo... nagsalita ba ko laban sa 'nanay' mo?
"Hinarangan ko ba ang grupo nila? Binastos ko ba ang pagkatao nya?
"Sa daming beses na pinagsalitaan nya ko ng lahat ng pinaka masasakit na below the belt na panlalait mula ulo hanggang talampakan—ni minsan ba pumatol ako?”
Hindi idinetalye ni Kris kung ano ang nilalaman ng mensahe niya kay Lolit tungkol kay Mr. Fu.
Pero ani Kris, may kopya siya ng palitan nila ng mensahe ni Lolit mula noong October 28.
Diin ni Kris (published as is): "Mag labas sila ng kahit sino mula sa side ng [grocery brand] na pwedeng mag patunay sa mga pinaratang sa kin- dahil ang client na producer ang pwedeng magbigay linaw sa lahat..."
Ayaw na raw magdetalye pa ni Kris dahil "sa dami ng problema ng mga tao at sa mga responsibilidad ko sa buhay, hindi ito ang uunahin kong asikasuhin."
Dagdag niya, "i cannot control what people will say about me or do to me, BUT i can control my reaction & subsequent actions."

LOLIT SOLIS'S SIDE OF THE STORY
Noong November 5, sa pamamagitan ng Instagram post ay ipinaliwanag ni Lolit ang natanggap niyang text message mula kay Kris.
Inamin daw ni Kris kay Lolit na hindi ito kumportable na maging co-host si Mr. Fu, kaya hiling ni Kris ay magkaroon ng trial period ang tambalan nilang apat sa online show.
Ang siste, payag daw si Kris makasama si Mr. Fu sa apat na episodes ng online show, bago ito magdesisyon kung itutuloy na kasama nila sa show si Mr. Fu.
Pero hindi raw akalain ni Lolit na magiging mitsa iyon ng alitan sa pagitan nina Cristy at Kris.
Sabi ni Lolit (published as is): "Hindi ko alam kung paano ang naging ataki kay Cristy ng paliwanag ko na hindi comfortable si Kris kay Mr Fu kaya may grace period muna siya na 4 na episode.
"Nuon tuesday, ginawa pa namin running joke iyon, na trial lang si Mr Fu at hindi siya kilala ni Kris Aquino.
"Duon ko nga napatunayan kung gaano kataas iyon EQ ni Mr Fu dahil tanggap niya iyon sinabi ni Kris."
Dagdag pa ni Lolit, "In fairness kay Kris, ang unang plano is for her to have a solo talkshow, naisip niya lang na maganda na nanduon kami ni Cristy for the banters at repartee, at maganda naman explanation niya na hindi siya comfortable kay Mr Fu dahil hindi niya masyadong kilala."
Ipinaliwanag din ni Lolit na ipinaalam niya sa grupo nila nina Cristy at Mr. Fu ang tungkol sa text message ni Kris para alam daw ng mga ito ang dahilan sakaling matanggal si Mr. Fu pagdating ng fifth episode ng show.
Sa pagkakaintindi raw ni Lolit, tila hindi raw isyu kay Mr. Fu ang kondisyon ni Kris.
Pakiramdam din daw ni Lolit ay "baka hindi naging maganda ang latag ko sa case ni Mr Fu" kaya marahil iba ang naging dating kay Cristy.
Sa kabila ng naudlot na show, umaasa raw si Lolit na, "Sana with or without this show mabalik iyon relasyon na hindi naman dapat apektado."
CRISTY STANDS BY FEELING HURT BY KRIS
Sa latest statement ni Cristy sa PEP.ph ngayong Lunes, November 9, nanindigan itong labis siyang nasaktan sa pangmamaliit ni Kris sa kasahamang si Mr. Fu.
Kaugnay ito ng buwelta ni Kris laban kay Cristy, sa comments section ng Instagram post ni Dindo Balares.
“Nabasa namin ang mensahe ni Kris kay Dindo tungkol sa isyung nanakit ng aming damdamin.
"Ang pangmamaliit niya kay Mr. Fu na ayon sa kanya’y hindi niya kilala at hindi namin ka-level ni Manay Lolit Solis.
“Tanong ni Kris ay sinaktan daw ba niya ang aming pagkatao?
"Totoo. Oong-oo. Nasaktan kami para sa aming anak-anakan at kasama sa digital show na kinukuha ng [grocery brand] para makasama siya sa isang proyekto."
Ayon pa kay Cristy, hindi niya maatim na makasakit ng damdamin ng malapit niyang katrabaho dahil lang sa "kapritso" ni Kris.
“Kung walang pagpapahalaga si Kris sa kanyang mga katrabaho at kaibigan ay magkaiba kami ng polisiya sa buhay.
"Sumasalo kami ng bala para sa mga taong mahal naming nasa tama.
"Paano namin panghahawakan ang mga salita ni Kris Aquino na mas masahol pa sa walang direksyong bagyo ang pagpapali-palit ng utak?"
CRISTY: "MAHIRAP KALABAN SI KRIS AQUINO."
Ibinalik din ni Cristy kay Kris ang hamon ng TV host-actress na tanging ang kliyente, o representative ng grocery brand, ang makakapagbigay-linaw ng dahilan kung bakit naudlot ang kanilang online show.
"Yung hindi pagkatuloy ng proyekto ng [grocery brand], huwag niyang itapon sa amin ang paglalabas ng ebidensiya kung bakit hindi yun natuloy, alam ng pamunuan ng sponsor ang dahilan kung bakit, alam ni Chuck Gomez, alam namin nina Manay Lolit at Mr. Fu."
Diin ni Cristy, "Ang dahilan ay siya."
Bahagi pa ng pahayag ni Cristy sa PEP.ph—na mababasa rin sa kanyang mga kolum sa diyaryo bukas, November 10—magaling daw lumaro si Kris para masunod ang gusto nito.
“Mahirap kalaban si Kris Aquino.
"Parang bagyo ang takbo ng kanyang utak—malikot, walang direksiyon.
“Kung ano ang gusto niyang sabihin at gawin, hari man ay mawawalan ng boses, ang kapritso pa rin niya ang mamamayani."
Sa huli, sabi pa ni Cristy, "Tapos na dapat ang isyung ito. Nailatag na namin ang aming emosyon, nakapagbigay na kami ng opinyon, namamaluktot na sana sa higaan ang kuwento tungkol sa hindi pagkakatuloy ng proyektong pagsasamahan sana namin ni Kris Aquino.”
CRISTY-KRIS RIFT IN 2007
Una nang nagkaalitan sina Cristy at Kris noong panahong magkasama pa sila sa defunct show na The Buzz.
February 2007, dalawang linggo umanong hindi nagbabatian sina Cristy at Kris dahil daw sa affair nina James Yap at Hope Centeno.
Sa dalawang magkasunod na episodes ng The Buzz, halata ang panlalamig ni Kris sa kanyang co-host at tagapagtanggol sa lahat ng isyu.
Ayon kay Cristy, hindi siya pinapansin ni Kris kahit magkasama sila sa isang frame. Ang isa pa nilang co-host na si Boy Abunda lang daw ang kinakausap ni Kris.
Dagdag pang detalye ni Cristy sa pamamagitan ng kanyang column sa tabloids patungkol dito, nais niyang "mahulog at lumusot sa entablado" sa harapang pangdi-deadma sa kaniya ni Kris.
Kung minsan din daw ay tinitingnan siya ni Kris "mula ulo hanggang paa."
Nagsimula raw ang away ng magkaibigan at co-hosts nang isinawalat ni Cristy ang lahat ng alam niya tungkol diumano sa babae ni James na si Hope.
Si Hope ay dating empleyado sa Belo Medical Group, at ito raw mismo ang lumapit kay Cristy para ikuwento ang relasyon nila in James as early as January noong 2007.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika.
