“Bago ka sana nag-comment ng ganun, sana tinawagan mo naman ako o kaya tanong mo kay Marjorie...”
Parte ito ng mensahe ni Dennis Padilla, 58, para sa dating broadcaster na si Jay Sonza, 65.
May kinalaman ang mensahe ni Dennis sa tsismis na ikinalat ni Sonza tungkol sa anak ng komedyante na si Julia Barretto, 23.
Ayon sa fake news ni Sonza, buntis si Julia at ang ama raw ng dinadala nito ay ang rumored boyfriend niyang si Gerald Anderson.
Si Julia ang panganay sa tatlong anak ni Dennis sa dating asawang si Marjorie Barretto, 46. Ang dalawa pa nilang anak ay sina Claudia at Leon.
Bagamat hindi sineryoso nina Julia at Gerald ang maling report ni Sonza, itinanggi nila ito pareho.
DENNIS’S MESSAGE TO JAY
Sa kanyang interview sa DZMM Teleradyo ngayong Martes ng tanghali, nagbigay ng reaksiyon si Dennis sa ipinakalat na tsimis ni Sonza.
Ayon sa komedyante, may mga kapwa artista na nag-usisa sa kanya tungkol dito.
“Actually, ang unang nagtanong sa akin dito, sa set, si Ruffa Gutierrez.
"Sabi niya sa akin, ‘Kuya Dennis, totoo ba?’
"Sabi ko, ‘Hindi siguro, dahil kung totoo iyan, magti-text din naman sa akin yun, e, ‘Papa, I’m pregnant.’ Gano'n.
“E, wala, e, ‘tapos nakita ko nga yung litrato ni Julia sa Instagram niya, na wala. So, fake news talaga.”
Kasalukuyang nasa lock-in taping si Dennis para sa upcoming teleserye nina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla sa Kapamilya Channel.
Sabi ni Dennis, sana ay nakipag-ugnayan muna sa kanila si Jay at tiniyak kung may katotohanan ang inilabas nitong impormasyon tungkol kina Julia at Gerald.
“So, ang akin lang, gusto kong sabihin kay Kuya Jay—Kuya Jay, bago ka sana nag-comment ng ganoon, sana tinawagan mo naman ako.
"O kaya tanong mo kay Marjorie, o kaya mag-text ka kung sino man ang alam mo malapit kay Julia, para malaman mo kung totoo o hindi.
“Kasi parang ang pagkabitaw ni Jay Sonza, parang kaswal, parang kaswal, hindi siya news type.
“So, yun lang siguro ang kulang lang ni Kuya Jay doon—yung coordination sa mga magulang ‘tsaka doon sa bata.”
DENNIS HAS YET TO GET IN TOUCH WITH JULIA
Gaya nina Julia at Gerald, wala ring balak si Dennis na idaan sa legal na usapan ang pangyayaring ito.
“Mag-uusap na lang kami ng, yun lang, tawagan… at saka kung kailangan may mag-apologize siguro, apology lang siguro.
"Ayos lang iyon dahil kaibigan din natin si Kuya Jay,” sabi ni Dennis.
Hindi pa rin daw nakakamusta ni Dennis si Julia.
“Hindi pa kami nag-uusap. Nag-text lang kami ni Leon kahapon, pero kamustahan lang,” pagtukoy sa bunsong anak nila ni Marjorie.
Patuloy niya, “Pero I also respect the privacy of my daughter dahil she’s already 23. Adult na iyan, e.
“Si Julia, kapag merong hinihinging advice iyan, te-text lang naman sa akin iyan. So, hindi ko ibo-volunteer yung advice ko, kasi adult na siya.
“So, pag nagtanong lang siya, ‘Papa, what can I do?’ Tsaka lang ako nag-a-advice.
"Pero pag pinapangunahan, hindi ko ginagawa sa mga anak ko iyon dahil, number one, I respect them as responsible adults.
"Number two, I respect them as my children," paliwanag ni Dennis.
SORRY BUT NOT SORRY
Ngayong Martes, September 22, nag-sorry na tila hindi nag-sorry si Jay sa kanyang fake report.
Ito ang palusot ni Jay nang bawiin ang ipinost niyang fake news tungkol kay Julia: “May umamin kasi. Kaya nagalak ako."
Maangas pang sabi nito: “Pasensiya na kung napaaga ang aking Congratulations. Itatabi ko na lang muna iyong regalo ko sa kanila.”
Sa kanyang Facebook post kahapon, nabanggit ni Jay na kapitbahay niya sina Julia sa isang village sa Quezon City.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika
