Binatikos ni Mariel Rodriguez ang mga kritiko ng Manila Bay white sand project.
Sabi ng Kapamilya TV host, bakit daw noong puro basura pa ang nakatambak sa Manila Bay ay walang nagrereklamo.
Pero ngayong inayos at nilinis ito, bakit daw ang daming batikos gayong unti-unti nang pinagaganda ang tabing-dagat na dati'y puno ng basura.
Nagkomento si Mariel sa post ng asawang Robin Padilla, isang masugid na Duterte supporter, kung saan pinuri nito nang husto ang proyektong ito ng pamahalaan.
Komento ni Mariel, “Nung puro basura walang nagrereklamo ngayon na pinaganda... can you believe it?
"Ngayon sila nag reklamo?
“Ang hindi ko maintindihan is lagi natin hinahanap kung saan napunta yung tax na binabayad natin... ayan oh.. atleast yan nakikita natin diba.
“Tapos mag complain parin?”

THE CONTROVERSIAL DOLOMITE SAND
Umani ng batikos ang proyekto ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) dahil sa pangambang makaapekto sa kalusugan ng mga mamamayan ang dolomite sand o dinurog na bato upang magmukhang buhangin na itinambak sa Manila Bay.

Ayon pa sa iba, baka raw anurin ito papunta sa malalim na bahagi ng dagat kapag bumagyo at umalon ng malalaki.
Umalma rin ang marami sa inilaang budget para sa rehabilitasyon ng Manila Bay.
Tinatayang aabot sa P389 million ang gagastahin dito, kung saan ang halos P30 million dito ay para sa pagbili ng dolomite sand.
May iba pang nagsabi na dapat ay ilaan na lamang sa COVID-19 response ng gobyerno ang pondong gagamitin para sa white sand ng Manila Bay.
Binuksan sa publiko ang pinagandang bahagi ng Manila Bay noong Sabado, September 19, at Linggo, September 20, kasabay ng pagdadaos ng International Coastal Cleanup Day.

Dumagsa ang maraming tao sa lugar upang masilayan ang tinambakan ng dolomite sand na bahagi ng Manila Bay noong weekend.
Sa pagdagsa kasi ng mga tao noong weekend sa lugar, hindi nasunod ang physical distancing na isa sa mga health protocols upang hindi magkahawaan sa mapaminsalang virus.

Sa ngayon, sarado na ulit ang Manila Bay white sand project para sa pagpapatuloy ng rehabilitation dito.
Ayon sa DENR, bubuksan itong muli kapag tapos na ang pandemya.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika.
