Itinanggi ng singer-songwriter na si Paolo Santos na parte siya ng isang online concert para kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Ang tribute concert na “Singing for the President” ay itinakda sa Linggo, August 30, simula alas-dos ng hapon.
Sa isang Facebook post nitong Miyerkules, August 25, nilinaw ni Paolo, 45, na hindi totoo ang nababalitang kabilang siya sa performers na nagkumpirmang makikibahagi sa concert.
Wala raw siyang kinalaman sa tribute concert na iyon, sabi ng “Moonlight Over Paris” hitmaker.
Saad sa post ni Paolo: “To avoid any confusion and to clarify to my friends and family concerned... It has come to my attention that an announcement is going around saying I am one of the participants in a concert scheduled for Aug 30 called ‘Songs for Duterte.’
“I’d like to make it clear here that I am not participating in it and have nothing to do with it.”
PAOLO THANKS THOSE WHO “SHOWED CONCERN”
Nagpasalamat si Paolo sa mga netizens na ipinaalam sa kanya ang pagkakasama ng kanyang pangalan sa performers ng online concert.
Ayon kay Paolo, ipinu-post naman niya sa kanyang Facebook page ang schedule ng lahat ng shows at gigs niya.
Kaya kung wala siyang post tungkol sa isang nabalitang performance, malinaw raw na hindi iyon totoo.
Sabi ng post ni Paolo: “I thank those who called my attention to it and showed concern. You can catch news of my future performances and schedule on this page.”
A TRIBUTE CONCERT FOR A “VERY TIRED” DUTERTE
Ang online concert ay inisyatibo ng singer-songwriter na si Jimmy Bondoc, na kilalang masugid na tagasuporta ni Duterte.
Sa video sa Facebook page ng NDM Studios nitong weekend, sinabi ni Jimmy, 45, na naisipan niya at ng iba pang music artists na magdaos ng tribute concert para sa Presidente.
Halata raw kasi, ayon kay Jimmy, na “very tired” na si Duterte sa pagharap sa mga problemang kinakaharap ng bansa ngayong may COVID-19 pandemic.
Mensahe ni Jimmy kay Duterte sa video: “Mahal naming Pangulong Duterte, gusto po namin kayo anyayahan panoorin ang aming online concert para sa inyo. We just want to sing for you.
“To be honest, you look very tired. Kami po ay nasasaktan para sa inyo, so we want to sing for you, just like the good old days.”
CONCERT ORGANIZER UPDATES POSTER
Sa video, binanggit ni Jimmy ang pangalan ng music artists na nagkumpirma na raw na makikibahagi sa online concert: sina Dulce, Chad Borja, Mocha Uson, Njel de Mesa, Arnell Ignacio, Moymoy Palaboy, at Paolo Santos.
Kasunod ng anunsiyo ni Jimmy, kumalat sa social media ang poster ng concert, kung saan kasama sa listahan ng performers ang pangalan ni Paolo.

Sa pagsilip ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa Facebook page ng NDM Studios ngayong Biyernes, August 28, wala na roon ang video ni Jimmy.
Hindi rin matagpuan sa page ang original poster ng online concert.
Sa halip, ang naroroon ay ang “UPDATED POSTER” ng concert.
In-upload ang bagong poster nitong August 25, ang parehong araw nang itinanggi ni Paolo na kasama siya sa concert.
Naroroon nga sa poster ang pangalan nina Dulce, Chad, Mocha, Njel, Arnell, at Moymoy, pero kapansin-pansing wala na sa listahan si Paolo.
Walang paliwanag ang concert organizers kung nagkamali ba sila sa pag-anunsiyong bahagi si Paolo ng concert, o kung nagbago ng isip ang singer.
Samantala, nasa list of performers din ang singers na sina Freddie Aguilar, Tina Paner, Imelda Papin, at Anthony Castelo, gayundin ang vlogger na si Banat By.
Magtatanghal din sa online concert si Chief Presidential Legal Counsel Sal Panelo, at ang presidential appointees na sina Presidential Anti-Corruption Commission Commissioner Greco Belgica at dating Tourism Undersecretary for Advocacy and Public Affairs Kat De Castro.
CELEBRITIES-TURNED-PRESIDENTIAL-APPOINTEES
Naging presidential appointees din sina Jimmy (dating Philippine Amusement and Gaming Corporation Assistant Vice President for Entertainment), Arnell (dating Overseas Workers Welfare Administration Deputy Administrator), at Mocha (kasalukuyang OWWA Deputy Administrator).
Ang mga nabanggit na celebrities na nabigyan ng puwesto sa gobyerno ay pawang naging bahagi ng presidential campaign ni Duterte noong 2016.
Nagtanghal din si Paolo sa campaign sorties ni Duterte noong taong iyon.
Ilang buwan makaraang mahalal sa puwesto si Duterte, itinalaga si Paolo bilang board member ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB).
Miyembro pa rin ng MTRCB Board si Paolo hanggang ngayon.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika
