Hindi maituturing na blessing in disguise para sa Filipino-Spanish actor-chef na si Jose Sarasola ang paglipat niya sa GMA-7 matapos hindi mabigyan ng bagong prangkisa ang ABS-CBN.
Ayon kay Jose, matagal lang talaga niyang pangarap mapagtuunan ang pagiging celebrity chef.
Lumipat si Jose sa Kapuso network noong Hunyo 2020 matapos ang halos sampung taon sa ABS-CBN.
Isa si Jose sa contestants ng reality show ng Kapamilya network na Pinoy Fear Factor taong 2008.
Isang taong kontrata ang pinirmahan ni Jose sa GMA Network.
“At least, kahit papa'no, may Unang Hirit three times a week,” sabi ni Jose sa eksklusibong panayam sa kanya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) Miyerkules ng gabi, August 26.
Ang maituturing na malaking blessing daw ay may isang malaking network na nagtiwala sa kanya at nagpapirma ng kontrata kahit nasa gitna ng pandemya ang buong mundo.
Aniya, “Oo nga, e, ayun, happy naman. So, you know, kahit paano blessed pa rin na may guestings ako sa Unang Hirit since June. Mga two to three times a week.”
THE REASON WHY HE LEFT ABS-CBN
May mga tao raw na nagsabi kay Jose na “wrong timing” ang kanyang paglipat sa GMA-7.
Pahayag ni Jose tungkol dito, “But, you know, sabi ko naman sa ibang mga press nung in-interview din ako, well, to be honest naman, yung reason ng paglipat ko ay hindi yung problema ng ABS, kung meron man silang problema o wala.”
Ang tinutukoy ni Jose na "problema ng ABS-CBN" ay ang prangkisa ng network na ibinasura ng Kongreso noong July 10.
Paliwanag niya, “Gusto ko talaga i-pursue yung culinary career ko, na alam ko sa GMA, mas maraming shows na maka-cater sa pagiging celebrity chef ko compared sa ABS.
“Kasi, may mga palabas gaya ng MARS, Boy Logro [Idol Sa Kusina], may Unang Hirit.”
Ayon kay Jose, sa loob daw ng sampung taon, hindi siya nabigyan ng pagkakataon sa ABS-CBN na ipamalas ang kanyang kagalingan sa pagluluto.
“Purely acting lang. So, sabi ko, ‘Time to move na rin.’"
Masaya siyang kasama ang pagiging chef niya sa mga probisyon ng kontratang pinirmahan sa GMA-7.
Ngayon daw ay mas makikilala na siya “as a celebrity chef not as artista lang.”
Sa kabilang banda, aminado si Jose na malaki ang utang na loob niya sa ABS-CBN, na naghubog sa kanyang karera bilang artista.
Saad ng 34-year-old celebrity chef, “Grateful naman ako. Ten years with ABS, and it was time to move on na rin. And, you know, the timing could have been... perfect din yung timing.”
BUSINESS IS SURVIVING
Masaya rin si Jose dahil kahit walang masyadong kita ang kanyang Avenue 75 sports bar sa BF Homes, Parañaque, nanatili namang bukas kahit nitong may COVID-19 pandemic.
“Ang daming nagsasara na rin sa BF, e, mga bars and restaurants. Pero ayun, kahit papa'no, surviving naman kami. Pero, hindi ganun kalakas.”
Mayroon siyang siyam na staff sa kanyang restaurant, at lahat daw ito ay nagsisilbi sa kanyang negosyo sa loob ng halos sampung taon na rin.
“Mga nine, ten years na yung mga staff ko dun, e. So yung kanilang mga pamilya, malapit na sa akin, yung mga anak nila, inaanak ko na rin.”
Masaya rin daw siya na kahit may pagsubok ngayon ang mga negosyo, nakatulong siya sa kanyang mga tauhan nitong nag-lockdown ang bansa dahil sa COVID-19 pandemic.
Samantala, nitong nakaraang August 23 lamang ay nagdiwang siya ng kanyang ika-34 na kaarawan.
Simple lang daw ang salu-salo nila ng pamilya. “Nag-dinner lang with my mom and dad saka lola sa bahay, hindi naman puwede lumabas para mag-celebrate.”
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika
