“Hindi kita nabingwit. Hinuli kita.”
Ito ang bahagi ng mga talatang sinipi ni Ion Perez mula sa “Hindi Kami Bagay, Tao Kami” spoken words poetry ng manunulat, film director, at actor na si Rod Marmol.
Inialay ni Ion ang nasabing mga salita para sa partner niyang si Vice Ganda kaugnay ng selebrasyon ng kanilang 22nd monthsary kahapon, August 25.
Sa kanyang post sa Instagram, nagbahagi si Ion ng tatlong snippet videos ng mga masasayang eksena nila ni Vice sa It’s Showtime.
Tanging caption ni Ion sa kanyang post: “Bentedos!”
Dalawang buwan na lamang ay dalawang taon na ang relasyon nina Ion at Vice, na nabuo sa It's Showtime.
Nilapatan ni Ion ang tatlong videos ng spoken words poetry hanggo sa mga binigkas ni Marmol.
Mapapanood ito sa YouTube channel ng Utot Catalog.
Nakasaad dito, “Nabingwit lang daw kita.
“Sobrang suwerte ko raw sa’yo.
“Hindi raw tayo bagay.
“Ilang libong kaibigan na rin ang nagsabi na ibili raw kita ng helmet.
“Kasi baka raw mabunggo ka, baka matauhan.
“Mali sila, e.
“Hindi naman kasi kita nabingwit, e.
“Hindi ako gumising isang araw, namasyal sa batis upang mangisda para lang biyayaan ng Langit ng isang katulad mo.
“Hindi.
“Hindi kita nabingwit.
“Hinuli kita.”
“MALAYO PA ANG LALAKBAYIN NATIN”
Sa pagpapatuloy ng spoken words poetry na saliw pa rin sa sweet moments nina Ion at Vice, ganitong mga salita naman ang nakapaloob:
“Alam kong ordinaryong isda lang ang maaabot ng pisi sa kababawan ng batis
at hindi ko kailangan ng ordinaryo, ng sanay sa mababaw.
“Hindi kaya ng ordinaryo na intindihan ako, sa paraang nagagawa mo.
“Hindi niya ako kayang titigan nang nasisilaw sa tingkad ng pagkatao ko.
“Kaya sumisid ako patungo sa dagat para matunton ka.
"Hindi kita nabingwit. Hinahanap kita.
“Buong buhay akong lumangoy sa iba’t ibang klaseng tubig—sa tabang, sa kanal, sa irigasyon, sa alat, sa luha - lahat.
“Para lang makakita ng isang katulad mo.
“Hindi ordinaryo.
“Sanay sa kalaliman ng buhay.
“Isang tao na makikita ang puso ko at hindi ang mga pasa ko.
“Isang tao na kayang hawakan yung kamay ko sa harap ng mga sanggano at ng mga santo.
“Isang taong maniniwalang hindi man kami bagay, tao naman kami.
“Taong may tumitibok na pulso.
“Mga taong may karapatang mahalikan, mahagkan, masaktan, pangakuan sa sarili naming paraan.”
Tila pangako pa ni Ion kay Vice ayon na rin sa tula, “Ibibili ko siya ng helmet.
“Bibili rin ako ng helmet.
“Kasi malayo pa ang lalakbayin natin.
“Malayo pa ang tatakbuhin namin.
“Sa ayaw man nila o sa gusto.”
“HAPPY LANG, WALANG ENDING”
Sa kanyang panig naman, nag-post si Vice ng dalawang sets ng mga larawan nila n Ion sa Instagram.
Sa isang post, nakasulat sa caption: “Happy lang walang ending!”
“Jowa mo yan zizzzt??!!” naman ang nakasulat sa isa pa niyang post.
Sa ika-10 anibersaryo ng It’s Showtime noong October 26, 2019, opisyal na inamin ni Vice ang relasyon nila ni Ion.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika
