“Next page na!!”
Ito ang natatawang sabi ni Pokwang nang matanong ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kung tapos na ba ang isyu sa kanila ng dating Pinoy Big Brother Lucky 7 housemate na si Baninay Bautista.
Matatandaang naghayag ng galit si Pokwang sa Twitter noong August 18 pagkatapos mag-upload ng vlog si Baninay tungkol sa pagkakaroon ng COVID-19.
Nagdulot ito ng nerbiyos kay Pokwang at sa mga kasamahan sa TV5 game show na Fill in the Bank dahil kaka-guest lamang ng vlogger sa kanilang programa.
Hindi kaagad nalinaw ni Baninay na “late upload” na ang nasabing impormasyon niya ukol sa pagkakaroon ng COVID-19.
Sabi ni Pokwang sa panayam ng PEP.ph ngayong araw, August 24, “Yes, Mare, and ok na lahat.
“Tama na yung chika hahahahaha, next page na hahahaha”
Bukod sa galit niya kay Baninay, nakipagsagutan din si Pokwang sa Twitter sa boyfriend ng vlogger na si Bont Bryan Oropel.
Pinuna kasi ni Bont kung bakit kailangang idaan pa ng komedyana sa social media ang pagpapakita niya ng galit sa vlog ni Baninay.
Paliwanag naman ni Pokwang, hindi nila alam ang naramdaman niya bilang isang ina at may nanay na ring senior citizen.
Nag-apologize na rin si Baninay sa kanya privately.
Saad pa ni Pokwang sa kanyang tweet noong August 19, "We already talked and settled things in private. I apologized for causing fear and ngayon po ay clear na lahat.
“Again, sorry po. Wala po talaga akong intensyon na masama.”
BUSINESS IS GOOD
Bukod sa kanyang karera bilang TV host at komedyana, abala rin si Pokwang at ang partner niyang si Lee O’Brian sa kanilang food business.
Patok sa netizens ang kanilang PokLee Food Products na kinabibilangan ng kimchi, laing, garlic aligue, espesyal suka, gourmet tuyo, tinapa, at iba pa.
Labis na ipinagpasalamat ni Pokwang na kahit papaano ay may napaghuhugutan silang pamilya noong nag-lockdown dahil sa COVID-19 pandemic.
Saad niya, “Ok ang negosyo, thank God.”
Sa ngayon, masaya si Pokwang na gumaganda ang kanyang career sa TV5 kung saan may dalawa siyang shows—ang Fill in the Bank at Chika, Besh!
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika
