Hiling ng aktres na si Angel Locsin ang mabilisang paggaling ng isang vlogger, na madalas bumatikos sa kanya.
Nagpositibo raw kasi sa COVID-19 ang vlogger, ayon sa post ng 35-year-old Kapamilya actress nitong Martes, August 18.
Sa Instagram Stories at sa Twitter nag-post si Angel at nakadirekta ito sa mga fans ng aktres. Hindi pinangalanan ni Angel ang vlogger.
Ngunit base sa mensahe ng Kapamilya actress, hindi nito nagustuhan ang reaksiyon ng iba niyang fans sa pagkakasakit ng vlogger.
Pinaalalahanan ng aktres ang fans na walang sinuman ang karapat-dapat magdusa sa COVID-19.
Post ni Angel: “I’ve been receiving messages about a vlogger who’s been habitually criticizing me and is now positive of Covid. Let’s not wish ill of him. Nobody deserves Covid.”
Sa huling bahagi ng post ni Angel, nagbigay rin siya ng mensahe sa vlogger.
Hiling niya ang agarang paggaling nito sa sakit, kalakip ang isang praying hands emoji: “Hope you get well soon.”

Sa kabila ng paalaala ni Angel, maraming Twitter users pa rin ang nagkomento na “karma” raw ng vlogger ang pagkakasakit nito.
Anila, sobra raw kasi ito kung bumatikos kay Angel.




Ilang Twitter users naman ang humiling na sana nga ay gumaling ang vlogger at magbagong-buhay na pagkatapos.


ANGEL BECOMES BASHERS, TROLLS' FAVORITE
Naging tampulan ng pambabatikos ng bashers at online trolls si Angel simula nang aktibo siyang manindigan para sa ABS-CBN.
Ito ay sa kainitan ng usapin sa franchise renewal ng kumpanya.
Karaniwang pro-government o kaya naman ay anti-ABS-CBN ang mga nambabatikos kay Angel.
Isang halimbawa ay nang akusahan si Angel na nagsisinungaling nang itanggi niya nitong July 19 ang balitang may shares siya sa Kapamilya network.
Dinepensahan noon si Angel ng kanyang fiancé, ang film producer na si Neil Arce, laban sa mga namba-bash sa kanya.
Sa huli, binigyang-linaw ng aktres na hindi niya nabayaran ang shares na nakalaan sa kanya, kaya klarong hindi niya pag-aari ang mga ito.
Noong July 2, umabot na sa puntong binantaan ni Angel ang isang online troll na tutuntunin at papanagutin ito kapag hindi tinigilan ang pagpapakalat ng mga mapanirang posts laban sa kanya.
Naranasan na rin ni Angel na tumanggap ng online death threat mula sa isang Twitter user.
May 20 nang pagbantaan ang buhay ni Angel, kasama ang iba pang Kapamilya stars na sina Coco Martin at Kim Chiu, dahil sa matapang nilang pagtatanggol sa ABS-CBN.
Nang mga panahong iyon, katatapos lang ipasara ng National Telecommunications Commission (NTC) ang lahat ng TV at radio stations ng ABS-CBN dahil sa napasong prangkisa.
Tweet ng suspek: "I will give you 200-million sa sinumang mga Duterte at GMA supporters na makapatay kina Kim Chiu, Coco Martin, at Angel Locsin."
Makalipas ang dalawang araw, sumuko sa National Bureau of Investigation (NBI) ang itinuturong suspek sa online death threat.
Giit ng suspek, wala siyang Twitter account at poser niya raw marahil ang nag-tweet ng death threat laban kay Angel at sa iba pang Kapamilya artists.
Tumanggi si Angel na kasuhan ang sumukong suspek.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika