Inuulan ng batikos ang singer na si Daryl Ong, 33, dahil sa kanyang Facebook post na tila isinisisi niya sa mga nagra-rally ang pagtaas ng bilang ng COVID-19 cases sa bansa.
Trending topic si Daryl sa Twitter ngayong Martes umaga, July 28.
Ito ay matapos ibahagi ng blogger na si Keneth Quinto ang pakikipagsagutan niya sa singer sa Facebook kagabi, July 27.
Post ni Daryl: “Mukhang mag E-ECQ nanaman daw?... Ayos, rally pa more guys. [thumbs up emoji]”
Kasalukuyang nasa General Community Quarantine (GCQ) ang Metro Manila hanggang sa July 31.
Ang ECQ o Enhanced Community Quarantine ay mas mahigpit na pagpapatupad sa quarantine protocols.

Komento ng blogger sa post ni Daryl: “Tanga ka? Suportado ng WHO ang mga rally.”
Ang "WHO" ay ang World Health Organization.
Ayon pa sa blogger, maraming taong nanganib na mahawahan ng COVID-19 matapos magkaaberya ang Hatid Tulong program ng pamahalaan nitong weekend.
Kumalat sa social media ang mga larawan ng libu-libong locally stranded individuals (LSIs) sa Rizal Memorial Sports Complex.
Pero makikita sa mga larawan na hindi nagkaroon ng social distancing ang LSIs na tinatayang nasa 6,000-7,000 katao.
Sa huling ulat noong Lunes, walo o siyam na LSIs ang nagpositibo sa COVID-19.
Kalakip din ng komento ng blogger ang screenshot ng articles ng Time.com at npr.org, kung saan hinihimok at sinusuportahan ng medical experts sa U.S. at ng WHO ang layunin ng mga nagpoprotesta.
Binanggit sa mga artikulo na diskriminasyon ang diumano’y mas malalang sakit sa lipunan na kumakalat sa loob ng matagal na panahon.
Gayunpaman, nagpaalala ang medical experts, pati ang WHO, na sundin pa rin ang proper protocols kagaya ng social distancing, pagsusuot ng face mask, at pagkakaroon ng kalinisan sa katawan habang nagsasagawa ng protesta.
May lumabas ding artikulo sa Forbes.com na may titulong “Research Determines Protests Did Not Cause Spike in Coronavirus Cases,” na base sa pag-aaral ng National Bureau of Economic Research sa U.S. kaugnay ng sunud-sunod na rally doon.
NOT BECAUSE OF RALLY/DEMONSTRATIONS
Samakatuwid, wala pang sapat na ebidensiya na isisi sa mga rally at mga demonstrasyon ang pagtaas ng kaso ng COVID-19.
Pero nakipagmatigasan si Daryl sa blogger.
Banat niya, “basahin mo yung status ulit, basahin mo ng literal bago ka mag react.
“Dahil mas mukha kang tanga sa comment mo. Defensive ka masyado ulol kang tanga ka.”

Muling sumagot ang blogger. Sinabi nitong binasa niya ang post ng singer, at ang rally ang tinutumbok ni Daryl na dahilan ng pagkalat ng virus.
Pagtanggi n Daryl: “hindi, assuming ka lang talaga. Again, basahin mo. Para maunawaan mo ng maigi.
“Troll na troll kang bumibisita ka pa ng wall ng iba para magkalat. Shoo alis. Nangangamoy kalat dito.”

MIXED REACTIONS
Magkahalo ang reaksiyon ng netizens sa post ni Daryl.
Mayroong mga sumang-ayon sa kanya, pero mas marami ang bumatikos sa singer.
Kabilang sa mga sumalungat sa kanya ay personalities kagaya ng actor-commercial model na si VJ Mendoza, opinion columnist/songwriter/talent manager na si Lolito Go, at lawyer/vlogger na si Jess Falcis.
Pagpuna ni VJ kay Daryl, bilang public figure ay nararapat lang na i-filter ng singer ang kanyang sinasabi.
Aniya, “Ilang artista at katrabaho ang tinamaan at binastos mo dahil sa post mo?
“Masahol pa sa pagtawag ng ‘bobo’ o ‘tanga’ ang ginawa mo dahil you invalidated what they were fighting for na dapat pinaglalaban mo kasi nasa industriya ka din diba?”

Sinegundahan ni Lolito Go ang sinabi ni VJ na bilang public figure ay kailangan nitong maging maingat sa pagpu-post.
Hinamon din niya si Daryl na ilabas kung may basehan ang kanyang assumption na rally ang dahilan ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 cases.

Maanghang namang komento ni Atty Jess Falcis: “Ang tanga naman neto.
“Hindi dahil sa rally kaya tumataas numbers. Two months na tumataas kahit minsan lang mag rally.
“Libre po mag aral ngayon online lalo na may kaya ka naman.”
Si Atty. Jess ay nakababatang kapatid ni Nicko Falcis, ang dating managing director ni Kris Aquino.

Sa ilalim ng General Community Quarantine, pinapayagan ang pagkakaroon ng rally at demonstrasyon basta't may permit mula sa local government units, kung saan isasagawa ang mga aktibidad.
Bukas ang PEP.ph sa panig ni Daryl hinggil sa isyu.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika
