Kabilang sina Angel Locsin, Enchong Dee, Iza Calzado, Jodi Sta. Maria, Ria Atayde, Elijah Canlas, Adrian Alandy, Kean Cipriano, at Ebe Dancel sa mga artista't mang-aawit na sumali sa pagkanta ng "Di Niyo Ba Naririnig?," ang Tagalog version ng "Do You Hear The People Sing?"
Ang "Do You Hear The People Sing?" sing ay mula sa 1985 English adaptation ng French musical na Les Misérables (1980). "À la volonté du peuple" (The People's Will) ang orihinal na French title nito.
Ang musical ay base sa may kaparehong titulo ng 1862 novel ng French novelist at poet na si Victor Hugo.
Sa musical, ang kanta ay isang panawagan para sa pag-aklas laban sa gobyernong Pranses.
Sa totoong buhay naman, mula pa nung 2011 ay nagamit nang awitin sa mga protesta sa buong mundo ang "Do You Hear The People Sing?"
Naisalin na ito sa iba't ibang lengguwahe, depende sa nasyonalidad na gagamit nito.
Nung 2017, isinalin sa Tagalog ang "Do You Hear The People Sing?" ng award-winning composer, librettist, at musical director na si Vincent de Jesus.
May titulong "Di Niyo Ba Naririnig?," una itong inawit sa pagtitipon na ginawa sa Luneta nung taong iyon, bilang paggunita sa 45th anniversary ng pagkakadeklara ng Martial Law sa Pilipinas.
Ngayon namang taon, muli itong inawit ng iba't ibang artista mula sa showbiz at teatro at mga mang-aawit bilang panawagan sa magaganap na Tinig Ng Bayan: SONAgkaisa livestream oncert na magaganap bandang alas-3 ng hapon ngayong araw, July 27, araw ng State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ang Facebook page ng media and production house na Voyage Studios ang nag-upload ng video kahapon, July 26.
Ii-stream ng Facebook page ng Ateneo de Manila campus radio station na Radyo Katipunan 87.9 ang concert na tatampukan ng iba't ibang banda at mang-aawit.
