Halata sa mga tweet ni Angelica Panganiban ang hinanakit kaugnay ng tuluyang pagpapasara ng kanyang home network, ang ABS-CBN.
Matapos ang ilang araw na pananahimik, nagsunud-sunod ang mensahe ni Angelica ngayong Biyernes, July 17.
Nagpaliwanag si Angelica, 33, kung bakit wala siyang kibo bago at pagkatapos lumabas ang desisyon ng Kongreso na hindi i-renew ang prangkisa ng Kapamilya network.
May nauna nang mga posts si Angelica nitong mga nakalipas na linggo at buwan bilang pagsuporta sa ABS-CBN.
Pero tweet ngayon ng aktres: "Nanahimik dahil hindi kayang buuin ng salita ang nararamdaman ko. Galit, takot, pangangamba.
"Ilang buwan nang nag iisip paano na ang kasamahan namin sa trabaho. Ang pamilya nila. At dumating na ang araw na napakahirap tanggapin."

Himutok ni Angelica, hindi makatao ang sinapit ng mga bumubuo sa ABS-CBN kaugnay ng isyu ng prangkisa nito.
"Tratuhin niyo naman kaming mga tao. Kaming lahat na nawalan ng trabaho. Nawalan ng tahanan," panawagan ng Star Magic artist.
"Paano niyo kayang sikmurain na pag tawanan ang kapwa ninyo pilipino na nawalan ng kabuhayan?
"Pilipino sa kapwa pilipino na ang naglalaban laban. Tama pa ba yon?"

ANGELICA FIGHTS FOR ABS-CBN EMPLOYEES
Noong July 10, Biyernes, nanaig ang botong "Yes" mula sa House Committee on Legislative Franchises na huwag gawaran ng panibagong franchise ang ABS-CBN.
Pitumpu ang "Yes," habang 11 lamang ang “No.”
Kasunod nito, inanunsiyo ng ABS-CBN management na sisimulan na nilang mag-lay off ng mga empleyado simula August 31, 2020.
Higit 11,000 empleyado ng TV network ang nangangamba sa kanilang employment status.
Patama ni Angelica sa Kongreso: "Serbisyo para sa bayan ang dapat na inuuna ng mambabatas natin. Sa ginawa nila, sarili nila ang inuna nila."
Ito raw ang ikinasasama ng loob ni Angelica, katulad ng kapwa niya mga artista sa ABS-CBN.
"Sa totoo lang, hindi po namin responsibilidad ang mga empleyado na nawalan ng trabaho. Pero nandito kami. Nagsasalita, para sa kanila.
"Bakit? Kasi siguro yun ang makatao."
Panghuling mensahe ni Angelica: "Hindi namin ikakamatay ang masasakit ninyong salita laban sa amin.
"Pero, ikakamatay ng marami sa kasamahan ko at ng mga pamilya nila ang gutom na mararanasan nila sa mga darating na araw.
"Tapos na ang panahon para matakot."


NETIZENS REACT
Sinumbatan ng isang netizen si Angelica na maraming tao raw ang nawalan ng trabaho ngayon.
Banat ng netizen, “Kung makapagsalita kayo parang kayo lang ang mga nawalan ng trabaho hoy buong mundo maraming nawalan ng trabaho pero hindi nagdadakdak n tulad niyo!!!!”
Matalim na sagot ni Angelica: “Bat d po kayo magsalita? Bakit niyo piniling manahimik? Masama ba dumakdak? Tara. Mag dakdakan tayo.”
Katwiran pa ng aktres, nawalan ng trabaho ang mga empleyado ng ABS-CBN hindi dahil sa pandemya, kundi dahil “pinagtulungan” ng mga nasa puwesto ang TV network.
“Magka iba ang nawalan ng trabaho dahil sa pandemya. Iba rin ang pinagtulungan para sa kani-kanilang pang sariling interes, kaya nawalan ng trabaho.”
Hirit pa ni Angelica, “Naka kabit pa ba mga ulo niyo sa katawan niyo?”


May iba pang Kapamilya stars na malakas na nananawagan at nagbibigay boses sa libu-libong empleyado ng TV network, kagaya nina Angel Locsin, Enchong Dee, at Sharon Cuneta.
Hinayag nilang labis nilang ikinalulungkot ang problemang dinaranas ngayon ng kanilang mga Kapamilya.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika
