Nakipagsagutan ang singer-actor na si Janno Gibbs sa dalawang netizens na duda sa sinseridad ng pakikiramay niya sa pagkakabasura sa ABS-CBN franchise application.
Ang isa, diretsahang tinawag na “plastic” ang 50-year-old singer at songwriter.
Ito ay makaraang magkomento si Janno ng dalawang emojis sa litratong ipinost ng Kapamilya singer na si Regine Velasquez.
Malapit na magkaibigan sina Regine at Janno, na ilang taong nagkatrabaho sa Sunday musical-variety shows ng GMA-7.
Close friend din ni Janno ang asawa ni Regine at kapwa singer na si Ogie Alcasid.
Taong 2018 nang lumipat sa ABS-CBN si Regine upang sundan ang asawang si Ogie, na naging Kapamilya noong 2016.
REGINE, JANNO SYMPATHIZE WITH ABS-CBN
Sa picture na ipinost ni Regine, 50, sa Instagram nitong July 10, makikitang nasa harap ng ABS-CBN Millennium Transmitter ang Asia’s Songbird.
Simpleng "#proudKapamilya" lang ang caption ni Regine.
Sinamahan niya ang hashtag ng tatlong heart emojis na kulay ng network—pula, berde, at asul—at isang crying face emoji.
Nang araw na iyon, isinagawa ang botohan ng House Committee on Legislative Franchises sa rekomendasyon ng Kamara na huwag bigyan ng bagong prangkisa ang Kapamilya network.
Sa botong 70-11 ng mga kongresista, tuluyang nagtigil-operasyon ang malaking bahagi ng ABS-CBN.
JANNO ACCUSED OF LIKING AN ABS-CBN SHUTDOWN POST
Praying hands at red heart emojis lang ang komento ni Janno sa post ni Regine.
Pero dalawang netizens ang sarkastikong nag-react sa comment ng veteran singer.
All capital letters ang “TALAGA??!!” na pambungad sa pagkumpronta kay Janno ng unang netizen.
Nakita raw kasi niyang nag-like kamakailan ang singer sa isang post na pabor sa ABS-CBN shutdown.
“Bakit ngayon may pa prayer emoji ka pa??” diretsahang kastigo ng netizen kay Janno.
Ang isa pang Instagram user, tinawag na “plastic” ang singer.

Paliwanag ni Janno sa unang netizen, ang pag-like niya sa tinukoy nitong post ay nangangahulugang nabasa niya iyon.
“Like means i read it. TALAGA!” reply ni Janno.
Halatang hindi kumbinsido ang netizen sa sagot ng dating Kapuso singer. May halong pang-uuyam uli ang tono nito nang sabihing “bago” raw ang paraan ni Janno ng pagla-like sa isang post dahil lang nabasa nito iyon.
Kung hindi raw sinasang-ayunan ng singer ang isang post, hindi nito dapat i-like iyon.
Marahil para matapos na ang usapan, ni-like ni Janno ang komento ng netizen, “Just to acknowledge that i read it.”



JANNO CALLED "PLASTIC," REPLIES WITH “TANGA”
Nang hindi na sumagot ang netizen, nag-reply naman si Janno sa Instagram user na sinabihan siya ng "plastic."
Tinag ni Janno ang pangalawang netizen at tinawag itong “Tanga.”
Balik-sagot ng netizen kay Janno: “ikaw ang tanga.”
Muli, tinawag ng netizen na “Plastic” ang singer “kya wala kang masyadong projects.”
Ayon pa sa netizen, may galit naman daw talaga si Janno sa ABS-CBN dahil “hindi ka kasali sa station ID kahit boses mo lang.”


Hindi na nag-reply si Janno sa netizen.
ABS-CBN EXCLUDES JANNO FROM CHRISTMAS STATION ID
November 18, 2018 nang nagpatutsada si Janno sa ABS-CBN dahil sa hindi niya pagkakasama sa “Family Is Love” Christmas Station ID ng network ng taong iyon.
Inilunsad ang Station ID sa noon ay kare-reformat lang na Sunday musical-variety show, ang ASAP Natin ‘To.
Sa isang Instagram post, isinulat ni Janno ang sagot niya sa fans na nagtatanong kung bakit wala siya sa Station ID ng ABS-CBN.
Nang mga panahong iyon, kapipirma lang ni Janno ng kontrata sa Star Music, ang recording company ng Kapamilya network.
"Wag n'yo ko hanapin sa station id at asap nila yan," caption ni Janno sa throwback picture na ipinost niya sa Instagram.
“Throwback to Sept. 12 this year when I signed w @starmusic.ph. Naalala ko lang. Sila yata di ako naalala e.”
Kalaunan ay binura rin ni Janno ang post niyang ito.
NOT ALLOWED GUESTING ON ANY KAPAMILYA SHOW
Nang magbida si Janno sa pelikulang Sanggano, Sanggago’t Sangguwapo noong August 2019, kapansin-pansing hindi siya kasama sa mga nagpo-promote ng pelikula sa mga programa ng ABS-CBN.
Tanging ang co-stars ni Janno na sina Dennis Padilla at Andrew E. ang nakapag-promote ng kanilang pelikula sa Kapamilya shows.
Kinumpirma ni Janno sa kanyang fans na hindi siya kasama sa mga inimbitahan ng ABS-CBN para mag-promote ng kanilang pelikula sa network.
Nang mga panahong iyon, inamin ni Janno na hindi pa rin naaayos ang problema niya sa ABS-CBN, na nag-ugat sa hindi niya pagkakasama sa Station ID at pagkomento niya tungkol sa Asap Natin 'To.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika
