Hindi pinalampas ng GMA-7 star na si Gabbi Garcia ang pambabatikos sa kanya dahil nakikisimpatiya siya sa ABS-CBN.
Noong May 5, ipinasara ng National Telecommunications Commission ang TV at radio broadcast operations ng ABS-CBN dahil sa napasong prangkisa ng Kapamilya network.
Noong July 10, tuluyang pinatay ng Kongreso ang application for franchise renewal ng ABS-CBN.
Exclusive star man siya ng Kapuso network, nanawagan si Gabbi sa kanyang Twitter followers na isama sa dasal ang 11,000 employees ng ABS-CBN na namimiligrong mawalan ng trabaho.
"Goodnight guys. Pakisama sa inyong dasal ang libo libong mga Pilipino na nawalan ng trabaho. wag kakalimutan," tweet ni Gabbi noong Sabado ng gabi, July 11.
Tila nagpahaging din siya sa 70 congressmen na pinaboran ang pagbasura sa application ng ABS-CBN para sa panibagong prangkisa.
Aniya, "Pakisama rin sa inyong mga dasal ang mga taong walang puso at konsensya. Lalo na sa panahon ng pandemya."

Isang basher ang nagsabing hindi big deal kung mawalan ng trabaho ang ABS-CBN employees.
Puwede pa naman daw maghanap ng ibang trabaho ang mga ito.
Sabi ng basher, "Hindi po sila pinutulan Ng paa at kamay Hindi din sila binulag para Hindi makapag trabaho o kumita Ng pangkabuhayan Nila.
"Bobo Lang!
"Idol ko lahat Ng kapuso pero Kung gusto nyo sumama sa ABS CBN Sana mapasara n din Ang GMA7."
Tinawag naman ni Gabbi na "isang walang pusong troll" ang kanyang basher.

Nasabi ni Gabbi na troll ang basher niya dahil dalawa lamang ang followers nito at kagagawa lang ng Twitter account noong April 2020.
Ang kapangitan ng mga batikos ay inaasahan na sa trolls.
Malaki ang galit ng mga ito sa sinumang dumedepensa sa Kapamilya network dahil tingin nila'y paninira ito sa gobyerno ni Presidente Rodrigo Duterte na nagpasara rito.
May naging pag-amin na ang owners ng troll farms ay may pasuweldo sa mga organisado nilang trolls para sa bawat post, lalo na kung nakaka-generate ito ng sagot at kumakalat.
GABBI IS A MEMBER OF AKTOR'S GROUP
Si Gabbi ay isa sa mga miyembro ng Aktor, ang bagong-tayong liga ng Filipino actors, na pinamumunuan ng Kapuso actor na si Dingdong Dantes.
Halong ABS-CBN at GMA-7 stars ang mga miyembro, tulad nina Angelica Panganiban, Glaiza de Castro, Mylene Dizon, Iza Calzado, Gabbi Eigenmann, at Agot Isidro.
Kasapi rin doon ang boyfriend ni Gabbi at Kapamilya star na si Khalil Ramos.
Layunin ng Aktor ang magkaroon ng iisang boses sa mga isyung "pumipigil sa malayang paglikha" ng mga artista sa telebisyon at pelikula.
At isa sa mariing tinutulan ng grupo ay ang "pagkait ng kongreso ng franchise sa ABS-CBN."
AKTOR'S STATEMENT ON VETOED ABS-CBN FRANCHISE
Sina Mylene Dizon at Angelica Panganiban ang ilan sa mga miyembrong nagbahagi ng official statement ng Aktor noong July 11.
Sabi rito: "Nakikidalamhati kami sa mga kapwa namin aktor at sa marami pang manggagawa ng network na mawawalan ng hanapbuhay dahil sa desisyon na ito.
"Nakikidalamhati kami sa milyun-milyong Pilipino na pinagkaitan ng kanilang libangan at malayang daloy ng impormasyon at balita.
"Kaisa kami sa panalangin na sana ay matapos na ang dilim na lumalambong sa ating bansa at pakinggan ng ating mga pinuno ang tinig ng mamamayan."
(Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika)
