Nag-tweet ang Kapamilya singer na si Jona tungkol sa mga bashers na nagsasabing wala na siyang career dahil lumipat siya sa ABS-CBN.
Kilala bilang Jonalyn Viray sa GMA-7, binigla niya ang kanyang mga tagahanga noong 2016 nang lumipat siya sa ABS-CBN.
Nitong Biyernes, July 10, 2020, ibinasura ng Kongreso ang renewal ng prangkisa ng ABS-CBN Corporation.
Dahil dito, tuluyang nawalan ng pag-asa ang mga artista at empleyado na mag-operate muli ang network matapos nitong tumigil sa pag-ere noong May 6, dahil sa cease and desist order ng National Telecommunications Commission.
Sabado ng Hapon, July 11, sinagot ni Jona sa Twitter ang mga netizens na imbes na makisimpatiya sa mga gaya niyang apektado ng ABS-CBN shutdown ay kinutya pa ang paglipat nito sa ABS-CBN.
Saad ni Jona sa kanyang tweet, “Sa mga tao pong nagsasabi sa kin na ‘Mabuti nga sayo, lipat-lipat ka pa kasi, wala ka na trabaho, wala ka ng career’
“Wow...that's the kind of spirit Filipinos have? Nagsasaya sa kawalan ng iba?
“One thing i'd like to tell these people, just keep following and be updated [praying emojis]”
May isang fan naman ang sumagot sa kanya at siniguradong hindi miyembro ng Team Jona, o ng fans club ni Jona, ang nambabash sa kanya.
Sagot ni Jona dito, "Definitely hindi sila part ng Team Jona [100 points emoji] maraming maraming salamat sa encouragement niyo [three heart emojis]."
Isa si Jona sa mga nagpahayag ng kalungkutan sa hindi pagkaka-renew ng prangkisa ng ABS-CBN noong July 10.
Sabi ni Jona sa kanyang tweets, “Maraming maraming salamat po, sa mga nagparamdam ng kanilang suporta at sa mga nakisimpatya at nagdasal, sa pagpapalakas ng aming kalooban sa gitna ng hamon na ito...
“July 10 may be the saddest day of 2020 for us, our hearts are broken and shattered... but we are looking forward to a NEW DAY where we can serve all of you again...
“Hanggang Sa Muli po mga Kapamilya.”
Isa rin si Jona sa mga artistang nakilahok sa Kapamilya motorcade na ginanap sa harap ng ABS-CBN Compound kahapon, July 10, habang hinihintay ang desisyon ng Kongreso.
JONA: FROM KAPUSO TO KAPAMILYA
Nagsimula ang singer bilang Jonalyn Viray sa GMA-7 singing competition na Pinoy Pop Superstar, kung saan siya ang kauna-unahang grand champion.
Inilunsad ang Pinoy Pop Superstar noong 2004, at noong 2005 ay sumalang si Jona bilang kalahok. Siya rin ang kahuli-hulihang naging grand finalist.
Pagkatapos manalo ay naging regular na performer siya ng mga variety programs ng GMA-7: SOP, Party Pilipinas, at Sunday All Stars.
Naging bahagi rin siya ng singing group na La Diva, kasama ang iba pang Pinoy Pop Superstar graduates na sina Aicelle Santos (mula Season Two) at Maricris Garcia (mula Season Three).
Kinanta rin niya ang theme songs para sa ilang Kapuso teleseryes, katulad ng Bakekang (2006) Kung Mahawi Man Ang Ulap (2007), Darna (2009), at My Husband’s Lover (2013).
Noong February 2016, ginulat ng singer ang mga imbitadong press at panauhin sa press conference ng ABS-CBN teleseryeng We Will Survive nang ipakilala siya bilang Jona.
Siya kasi ang napili upang kantahin ang theme song ng programa.
Kabilang ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa mga nakainterbyu kay Jona sa unang paglabas niya bilang Kapamilya.
Nang tanungin kung bakit siya lumipat sa ABS-CBN, sagot ng dalaga, “Mas nabigyan po nila ako ng tiwala sa ngayon at, kumbaga, meron pong naka-line up talaga na project for me.”
Sa mga sumunod na taon ay napanood si Jona sa variety show na ASAP.
Naging bahagi rin siya ng grupong ASAP Birit Queens, kasama sina Angeline Quinto, Morissette Amon, at Klarisse de Guzman.
Nabigyan rin si Jona ng pagkakataong kantahin ang ilan pang theme songs para sa Kapamilya teleseryes, tulad ng Pusong Ligaw (2017), Asintado (2018), at Ngayon at Kailanman (2018).
Bukod rito, siya ang boses sa theme song ng mga pelikulang Barcelona: A Love Untold, na pinagbidahan nina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla (2016), at ang My Ex and Whys, na pinangunahan nina Liza Soberano at Enrique Gil (2017).
Naging interpreter rin si Jona ng mga kantang kalahok sa Himig Handog love songs, kabilang na ang kantang “Tinatapos Ko Na,” na theme song ngayon ng K-Drama A World of a Married Couple, na ipinapalabas sa Kapamilya Channel.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika
