Ngayong pa lang ay nagpapaalala na ang ilang Kapamilya stars para sa 2022 elections.
Dahil sa posibleng tuluyang pagsasara ng ABS-CBN, may mga artista mula sa network ang nagpaalala sa kanilang followers na pumili ng mga karapat-dapat mamuno sa bansa.
Malinaw na dinidibdib nila ang walang katiyakang kapalaran ng kanilang home network, na posibleng hindi mabigyan ng panibagong prangkisa.
Inaantabayanan ngayong araw, July 10, ang magiging desisyon ng Kongreso hinggil sa franchise renewal ng ABS-CBN.
REGINE VELASQUEZ
Malalim ang hugot ni Regine Velasquez, 50, sa kanyang tweet kahapon, July 9.
Sabi ng Asia’s Songbird, ang mga artistang kagaya niya ang madalas gamitin ng mga pulitiko tuwing panahon ng eleksyon.
Paalala ni Regine sa mga kapwa artista, huwag pagamit sa mga traditional politician o “trapo” sa susunod na halalan.
Tweet ng singer (published as is): “Noon paman kaming mga artista at singers na ang ginagamit para mangumpanya.
“Gamitin natin ang implowensya natin para maihalal ang mga nararapat.
“TAMA NA SA MGA TRAPO!!!! #IbalikAngABSCBN #KapamilyaForever”
GRETCHEN HO
Sinegundahan ni Gretchen Ho, host ng Umagang Kay Ganda, ang mensahe ni Regine.
Ayon sa 30-anyos na sportscaster, ang nangyayari ngayon ay eye-opener para sa publiko pagdating sa mga pulitiko.
Malinaw na ang pinanggagalingan ni Gretchen ay ang isyu ng ABS-CBN.
Tweet ni Gretchen: “Please, in 2022, let us elect leaders who will have the public interest in mind, and not just perpetuate themselves in power.
“We see the difference clearly now. Don’t forget to register. Voting is your real power.”
May ganito pang tweet si Gretchen: “Public servants >>> Politicians”
Ang ibig niyang sabihin ay tiyakin na ang iboboto ay yung mga uunahin ang paglilingkod sa publiko.

JULIUS BABAO AND ANTOINETTE JADAONE
Halos ganito rin ang tweet ng Kapamilya broadcaster na si Julius Babao, 51, noong June 18:
“This pandemic has given us one important lesson : Who NOT to vote in the next elections.”

Maiksi subalit prangka naman ang tweet ng film at TV director na si Antoinette Jadaone, 36, noong June 29:
“HALALA 2022. ALAM NA NATIN HA.”

Karamihan sa mga proyektong idinirek ni Antoinette ay para sa ABS-CBN, kagaya ng mga teleseryeng On the Wings of Love (2015), Till I Met You (2016), at Since I Found You (2018).
SHARON CUNETA
Noon ding June 29, nagbitiw ng pahayag si Sharon Cuneta, 54, tungkol sa 2022 national elections.
Ito ay dahil na rin sa iba-ibang problemang kinakaharap ngayon ng bansa, dagdag pa ang personal na pagsubok sa kanyang pamilya.
Matindi ang naging galit ni Sharon nang pagbantaan ng rape ng isang netizen ang anak ng Megastar na si Frankie Pangilinan, 19.
Aniya, sana raw ay tumakbong Pangulo si Vice President Leni Robredo dahil disente ito.
Bahagi ng naging pahayag ni Sharon: “I don’t know what’s happened to our country.”
“I hope VP Leni runs for president next time dahil hindi na rin makakatakbo si Tatay next time. One term lang ‘di ba.”
Ang tinutukoy na “Tatay” ni Sharon ay si Pangulong Rodrigo Duterte.
Dugtong ng Megastar: “Sana manalo si VP Leni kung tumakbo siya. Baka sakaling bumalik ang pagka-disente ng karamihan sa atin.”
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika
