Inakusahan ng isang netizen ang actress-philanthropist na si Angel Locsin ng pagpa-prioritize sa jeepney drivers kaysa kapakanan ng mga pasahero.
Ito ay matapos na talakayin ni Angel, 35, ang kalbaryo ng mga driver ng pampasaherong jeepney sa kanyang docu-reality show na Iba ‘Yan.
Nitong Linggo, July 5, itinampok sa Iba ‘Yan ang mahirap na kalagayan ng mga tsuper ng traditional jeepneys sa Quezon City.
Halos apat na buwang hindi nakapamasada ang mga ito dahil sa COVID-19 pandemic.
Nagkakaisa ang hiling ng mga tsuper na sana ay payagan silang muling makabiyahe para kumita naman sila.
Nang araw ring iyon, ipinost ni Angel sa Instagram ang mga litratong kuha sa terminal ng jeep sa Balintawak.
Sa nabanggit na terminal naabutan ng lockdown ang maraming tsuper.
Dahil dito, ilang buwan nang sama-samang namumuhay ang jeepney drivers sa nabanggit na lugar.
Caption ni Angel: "Hari ng kalsada. Para sa masa."
COMMUTERS FIRST BEFORE JEEPNEY OPERATORS
Isang netizen ang nagkomento sa Instagram post na ito ni Angel.
Diretsahan itong nagtanong kung nakasakay na ba sa lumang jeep ang aktres.
O kung naranasan na ba nitong makalanghap ng usok mula sa tambutso, o ng amoy ng gasolina mula sa jeep.
Pero mistulang sinagot din ng netizen ang sarili niyang tanong para kay Angel.
Posibleng hindi raw nakakasakay sa traditional jeepney si Angel dahil “sanay kayo sa magagarang sasakyan.”
Sana raw, ayon sa netizen, ay ang “kapakanan ng nakakaraming pasahero sa araw araw ang isipin” ni Angel, at hindi ang concerns ng “kukunting mga operator.”
Sinabi ng netizen na ginagamit ng mga nabanggit na jeepney operators ang mga tsuper “para isulong ang pagpapatakbo ng mga bulok na sasakyan sa daan sa halip na sumunod sa modernization ng mga jeep.”
Hiniling ng netizen na sana ay maawa rin daw ang aktres sa “kalikasan na sumasagap sa maduming hangin na dulot ng mga lumang mga sasakyan sa lansangan.”
ANGEL WANTS DRIVERS’ PLIGHT TO BE HEARD
Sinagot ni Angel ang netizen.
Sinabi ng aktres na sanay siyang mag-commute noong bata pa siya.
Reply ni Angel (published as is): “lumaki akong nag commuter :)”
Kinatigan din ni Angel ang sinabi ng netizen na dapat maayos ang kondisyon ng mga jeepney na bumibiyahe sa lansangan.
Pero hiniling ng aktres sa netizen na pakinggan din sana nito ang panig ng mga tsuper, na labis na nagdurusa—maging ang kanilang mga pamilya—ngayong may pandemya.
Saad pa sa komento ni Angel: “true naman na dapat maging road ready ang mga jeep :)
“bigyan mo lang ng pagkakataon na pakinggan yung mga hinaing ng mga kababayan nating jeepney drivers :)”

ANGEL AND PISTON 6
Hindi ito ang unang pagkakataong nagpakita ng malasakit si Angel para sa jeepney drivers ngayong may pandemic.
Noong nakaraang buwan, nakiisa ang aktres sa panawagang palayain na lang at huwag nang ikulong ang anim na tsuper na nag-rally sa Caloocan City dahil hindi pa sila makapamasada.
Ang anim ay miyembro ng transport group na Pinag-Isang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON).
Tinagurian silang "PISTON 6."
Nagpadala si Angel ng mga face masks, alcohol, at multivitamins sa PISTON 6 habang nasa detention cell ng Caloocan City Police ang mga ito.
Makalipas ang ilang linggo, ginastusan din ng Shop & Share intiative ni Angel, at ng kapwa aktres na si Anne Curtis, ang COVID-19 testing sa apat sa PISTON 6.
Layunin ng Shop & Share na mapondohan ang mass testing sa mahihirap na komunidad.
SUSPENSION OF MASS TRANSPORTATION
Dahil sa enforced quarantine na ipinatupad simula March 17 laban sa COVID-19 pandemic, sinuspinde ang mga pampublikong transportasyon.
Bagamat nagbalik-operasyon na ang ilang public transportation—tulad ng mass transit at transport network vehicle services (TNVS)—sa ilalim ng general community quarantine (GCQ) nitong June 1, hindi pa pinabiyahe ang mga jeep.
Kailangan kasing cashless ang paraan ng pagbabayad ng pasahe upang maiwasang magkahawahan.
SOME JEEPS CAN NOW PLY THEIR ROUTES
Nitong Biyernes, July 3, sa wakas ay pinayagan na ring mamasada ang traditional jeepneys.
Obligado lang na magpatupad ng minimum health protocol ang mga ito sa kanilang mga pasahero.
Kabilang sa mga protocol na ito ang pagkuha ng body temperature ng mga pasahero, pagsusuot ng masks at gloves ng driver, at pagsasakay ng kalahati lang ng kapasidad ng jeep.
Bukod sa health protocol, dapat ding mapatunayang roadworthy, o maayos ang kondisyon ng jeep, bago ito makabiyahe.
Dapat nainspeksiyon muna ng Land Transportation Office (LTO) ang jeep para mabigyan ng certification na ito ay roadworthy.
Bahagi ng pag-iinspeksiyon ang emission testing at pagsusuri sa mga gulong, headlights, taillights, at preno ng jeep.
Iisyuhan ng LTO ng QC Code ang jeep na pinapayagang mamasada.
Ipi-print ng tsuper ang QR Code at idi-display ito sa loob ng jeep.
Alinsunod sa Memorandum Circular (MC) 2020-026 ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), 6,002 sa kabuuang 55,000 jeeps sa Metro Manila ang pinayagang mamasada sa 49 na ruta simula nitong Biyernes.
JEEPNEY MODERNIZATION PROGRAM
Taong 2017 nang ilunsad ang jeepney modernization program.
Layunin nitong pagsapit ng 2020 ay unti-unting i-phaseout ang mga jeep na mahigit 15 taon nang namamasada.
Layunin nitong tiyaking ligtas at kumportable ang biyahe ng commuters.
Mariin naman itong tinututulan ng transport groups.
Giit nila, mawawalan sila ng pagkakakitaan dahil wala naman silang kakayahang pinansiyal para mag-convert sa modernized jeepneys.
Sa taya ng Landbank of the Philippines, nagkakahalaga ng PHP1.4 million-PHP1.6 million ang isang modern jeep.
Nobyembre 2019 nang pinayagan ng Department of Transportation (DOTr) ang mga lumang jeep na mamasada ngayong 2020.
Kailangan lang na ipasa nito ang motor vehicle inspection system o ang roadworthiness test ng LTO.
Nagtitiwala na lang ang mga jeepney drivers at operators na magiging malinis at tapat ang mga nasa LTO na namamahala sa kanila.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika
