Hindi pinalampas ni Nadine Lustre, 26, ang mga pahayag ng dating DZMM anchor na si Jobert Sucaldito, 58, laban sa ABS-CBN.
Sa hearing ng Kongreso para sa franchise renewal ng ABS-CBN noong Lunes, June 29, kabilang ang radio host sa mga dating empleyadong naglahad ng sentimyento laban sa network.
Tinanggal si Sucaldito sa DZMM noong Enero 2020 matapos niyang sabihan si Nadine sa ere na tumalon na lamang ng building.
Muli itong binanggit ng radio host sa kanyang pagharap sa Senado noong Lunes.
Sa kanyang Instagram Stories ngayong araw, July 1, binuweltahan ni Nadine si Sucaldito dahil hindi raw nito nakikita ang kamalian sa kanyang pahayag.
Saad ng aktres, “You’re not seeing the bigger picture, Mr. Sucaldito.
“It’s messed up how you are completely unashamed of what u said.
“It’s never okay to push someone to commit suicide.”
Hindi rin daw makapaniwala si Nadine na ginagamit ni Jobert ang isyu nila noon upang siraan ang ABS-CBN ngayon.
“I can’t believe you’re using this issue to fight our home network whose only objective is to protect us.
“Kahit pagbali-baliktarin mo, mali yung sinabi mo,” sabi ni Nadine.
Giit pa ng aktres, tinanggal si Sucaldito sa DZMM dahil mali ang sinabi nito laban sa kanya.
“Inalis ka sa trabaho dahil MALI YUNG SINABI MO and how is this even on congress?!
“Someone enlighten me. PLS.”

“SICK AND TIRED OF THESE BOOMERS”
Ang ipinagtataka pa raw ni Nadine ay kung bakit pinapalabas na siya ang may sala gayong siya na nga itong sinabihang magpakamatay.
Napapagod na raw siya sa mga taong ginagawang biro ang salitang suicide.
“Ikaw na nga 'yung sinabihan na tumalon tapos parang kasalanan mo pa??
“Im sick and tired of these boomers treating mental issues like it’s a mf joke.
“Ayoko na. Di ko na kaya mga ganap mamsh!”

THE NADINE LUSTRE-JOBERT SUCALDITO WORD WAR
Nagsimula ang alitang Nadine at Jobert nang depensahan ni Jobert ang veteran entertainment editor na si Ricky Lo.
Ito ay matapos pasaringan ni Nadine si Ricky dahil sa artikulo nito tungkol sa hiwalayan nila ni James Reid.
Sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) unang lumabas ang balita tungkol sa JaDine breakup, sa pamamagitan ng Cabinet Files ni Jojo Gabinete, pero si Ricky ang napagdiskitahan ni Nadine.
Malamang dahil, sa kolum ni Ricky sa The Philippine Star noong January 4, nabanggit niya ang tungkol sa umano’y “mental illness” ni Nadine.
Hindi ito nagustuhan ng aktres.
Sa online edition ng pahayagan na lumabas din noong January 4, tanggal na ang bahaging ito.
Sumunod na araw, January 5, sa kanyang Instagram Stories, bumanat si Nadine sa veteran showbiz editor.
Sabi roon ni Nadine, “First off, that was so low @therealrickylo @philippinestar.
"Second, none of what you said was true & It is NEVER okay to use someone’s mental situation/tragic past just to prove a point. Mental Illness is a very sensitive matter.
"& last, you think you know so much abt me, you can’t even get my last name right. ANU NA, 2020 NA!!"
Hindi naman ito nagustuhan ni Jobert.
Sa radio program na Showbuzz noong January 6, tinalakay ni Jobert at ng co-host niyang si Ahwel Paz ang mainit na isyu ng hiwalayan nina Nadine at James.
Bahagi ng litanya ni Jobert: "Hindi kami ang may pakulo nitong lahat ng ito.
“Wala kaming alam sa buhay ng mga idols ninyo. Sila ang naggawa-gawa ng kuwento na ang pagkamali namin ay pinatulan namin...
“Di ba, yun naman ang gusto nila? Kunu-kuno may mga labas ang puwet, naka-T-back pa dun sa building."
Patuloy na birada ni Jobert kay Nadine: “'Tapos may mga nakalagay na caption, parang gustong tumalon.
“Sana tumalon na lang, kung ganun din lang naman pala."
Ang tinutukoy ni Jobert ay ang post ni Nadine sa Instagram noong December 25, 2019, kung saan naka-T back ang aktres habang nasa terrace ng isang condominuim unit.
Nakalagay sa caption ni Nadine: “I can't be who you want.”
THE FACEBOOK RANT
Binanatan muli ni Jobert si Nadine sa kanyang Facebook post noong January 8.
Bahagi ng kanyang sinabi, “Nakakaawa rin si Nadine Lustre dahil sa masyado yata niyang isinaisip that she's that big already...
“Tulad nitong off na reaction niya sa sinulat ni kaibigang Ricky Lo who has gained the country's respect as an entertainment editor, hindi siya dapat naging sarkastiko - if she felt na na-offend siya halimbawa sa naisulat about her, the best thing that she could have done was call Ricky Lo and told him her side of the story.
“Hindi yung sasabihin niyang 'As if you know so much about me' or something to that effect with matching 'You cannot even spell my last name right' which is near impossible.
“'Tapos dinugtungan pa niya ng 'Nu na, 2020 na' na parang super angas ang dating...
“MR. RICKY LO DESERVES AN APOLOGY FROM YOU....
“Kung nagawa mo ngang bastusin ang isang Ricky Lo, the more na puwede mong gawin to any of us.
“Tama Ining? Bawas lang ng yabang bago pa mahuli ang lahat...
"Itong isyu ng kiyemeng hiwalayan ninyo ni James Reid na napatunayang fake pala ay gawa ninyo.”
Pagpapatuloy ni Jobert sa Facebook (published as is): “Nag-ingay ka lang para kiligin ang mga fans ninyo dahil may niluluto kayong mga projects together.
“Walang problema roon kung iyon ay sadya ninyong pinlano para mapag-usapan kayo.
“Ang pinaka-kasalanan lang namin ay pinatulan namin kayo thinking na totoo ngang may problema sa relasyon ninyo.
“Iyon pala, YOU JUST TOOK US FOR A RIDE! Congratulations then!
“Nagtagumpay kayo sa first phase ng drama ninyo..."
Binura na ito sa Facebook ni Jobert.
Dahil sa kanyang mga sinabi at dahil sa isinapublikong reklamo ni Nadine, pinatawan si Jobert ng indefinite suspension ng DZMM.
Wala pang inilabas na pahayag si Jobert ukol dito.
Napatunayan ng mga sumunod na pangyayari na totoo ngang naghiwalay sina Nadine at James. Hindi ito gimik.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika
