"Hindi Po kami nagmamarunong at hindi po ito contest ng pagalingan. Trabaho Lang Po."
Parte ito ng mahabang paliwanag ni Ormoc City Mayor Richard Gomez sa paratang na hindi siya pabor sa pagpapauwi ng libu-libong overseas Filipino workers (OFWs) sa kani-kanilang mga probinsya.
Ang returning 24,000 OFWs ay kabilang sa beneficiaries ng Balik Probinsya, Bagong Pag-asa program ng gobyerno.
Layon ng programa na tulungan ang OFWs at iba pang mamamayang nasa Metro Manila na nais umuwi sa kanilang mga probinsya at doon na makapagsimula ng bagong buhay.
Isa sa mga adhikain ng Balik Probinsya program na ma-decongest ang Metro Manila na maituturing na hotspot sa pagkalat ng pandemic.
Noong May 25, 2020, unang nag-post si Richard sa Facebook.
Nakatanggap umano siya ng text message mula sa Department of Interior and Local Government (DILG) regional office at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Nakasaad ditong tatlong eroplano ang darating sa Tacloban airport lulan ang ilan sa returnees.
Ikinadismaya ito ni Richard dahil noong araw ring iyon ang text message at pagdating ng mga eroplano.
Reklamo ng actor-turned-politician: “DILG, NHA, OWWA, what happened to all the protocols that you guys are trying to formulate for returning residents?!!!”
Katuwiran ni Richard, ang kawalan ng protocol ay may malaking banta sa pagkalat ng virus, lalo pa’t nagtagumpay ang Ormoc City na maging COVID-free sa gitna ng pandemic.
Ang reaksiyong ito ni Richard ay umani ng kritisismo mula kay Chief Presidential Counsel Salvador Panelo.
PANELO TAKES A SWIPE AT RICHARD
Sa programa niyang Counterpoint sa RTV Malacañang nitong Miyerkules, May 27, may mga patama si Secretary Panelo sa mga naging pahayag ni Richard.
Binanggit ng kalihim ang bahagi ng pahayag ni Richard, gaya ng nagawa ng Ormoc na maging COVID-free sa gitna ng pandemya.
Nagsalita rin si Panelo sa pahayag ng aktor na isang infected person lang ay maaari nang kumalat ang virus sa kanyang siyudad.
Katuwiran ni Panelo, ang tinatayang 24,000 OFWs na nakabalik sa bansa ay dalawang buwan nang nag-stay sa cruise ships para mag-quarantine at sumailalim sa test at matiyak na wala silang COVID-19.
Kapansin-pansin sa pahayag ni Panelo na idinidiin niya ang salitang "kagalingan" bilang pagtukoy kay Richard at sa pagiging virus-free ng Ormoc City sa gitna ng health crisis.
"Richard, pinapakinggan kita, sabi mo handang-handa ang siyudad mo. Meron kang 200-300 beds, meron kang quarantine centers," anang kalihim.
"Madaling sabi, kaya ka nga walang COVID case sapagkat napaghandaan mo na.
"So, nagtataka lang ako, bakit bigla ka namang natatataranta na sabihan ka na within the hour or within 24 hours, may darating? E, ready ka na nga, e."
Aniya pa, hindi raw dapat pangambahan ang mga darating na returnees dahil dokumentado at may certification naman daw ang mga ito kung saan sila residente, kung sa Ormoc ba o sa Leyte.
Dugtong ng Kalihim: "But dahil nga magaling ka at wala ka ngang COVID, kaya ako hindi ako nag-aalala na kahit i-text kita ngayon, kung ako si DILG Secretary [Eduardo Año] na meron siyang darating na 100 na tao, I don’t think...
"Dahil nga sa kagalingan mo at wala kang COVID at naka-ready ka na, naka-ready ka na lahat, hindi ka matataranta."
Sabay bawi ni Panelo na may punto rin naman ang Ormoc Mayor.
Sambit ni Panelo: "Kahit ako ready, pagsabihan niyo naman ako. Pa’no kung wala ako rito, o kung anong ginagawa."
Pero nagpaalala rin siya sa sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na huwag nang pahirapan ang may 24,000 OFWs na nagbabalik sa kani-kanilang probinsya.
Pinakiusapan din niya ang returnees na makipagtulungan din sa kanilang LGUs at sumunod na lamang sa protocols. Gaya raw ng pagsailalim muli sa quarantine kung kinakailangan.
RICHARD SPEAKS UP
Sinagot naman ni Richard ang mga naging pahayag ni Secretary Panelo sa pamamagitan ng mahabang Facebook post noong May 28, Huwebes.
Paglilinaw ni Richard, handa siyang tanggapin ang "locally stranded individuals and OFW’s" mula sa Balik Probinsya program.
Pero kailangan daw ng sapat na pag-iingat at paghahanda.
Pahayag ng actor-politician: "At sa gitna ng aming pag tanggap sa mga returneees iniingatan namin na hindi rin dapat malagay sa piligro yung 250,000+ na residents ng Ormoc City.
"To be clear: Returnees have a constitutional right to come home but health protocols are in place because public health must be upheld and safeguarded even and especially as we do that.
"Meaning, there are ways to satisfy both if everyone is in sync and protocols are set in place and observed.”
RICHARD REACTS TO “NATATARANTA” CLAIMS OF PANELO
Itinanggi rin ni Richard ang akusasyon sa kanya ni Secretary Panelo na natataranta siya nang malamang paparating na ang returnees.
Katuwiran ni Richard, may ibinigay na protocol ang DILG pagdating sa mga umuuwing residente.
Pero hindi raw ito tinupad nang makatanggap siya ng ura-uradang text tungkol sa pagdating ng returnees noong May 25.
Sagot ni Richard sa pahayag ng Chief Presidential Counsel: “Hindi po ako natataranta tulad Po ng sinasabi ninyo.
"Sumusunod lang po kami sa naunang utos ng DILG mismo sa briefing na ginawa nila sa LGU last Thursday, May 21, na 3 days prior to arrival of repatriates ay dapat may coordination from their LGU of origin and notice from the national agencies para ang ito ay mapaghandaan ng maayos."

Ang nangyari raw kasi, nang matanggap niya ang text message mula sa government agencies sa returnees ay "nasa Palo, Leyte na at hinahanap ang magsusundo sa mga mag Balik Probinsya."
May mga puntong ginawa si Richard, pero ang summary niya, nagkulang sila sa paghahanda dahil sa last-minute text messages mula sa national government agencies—ang DILG at OWWA.
Sa madaling sabi, nagkaroon ng kakulangan sa komunikasyon at hindi nasunod ang mga itinalagang protocol ng government agencies.
Ang siste, si Richard daw ang sinisisi ng returnees dahil hindi umano sila naasikaso paglapag ng kanilang eroplano sa Ormoc.
Anang aktor: "At lalong hindi rin naman Alam ng mga ofw na di nasabihan at di naka pag coordinate ang national agencies sa LGU sa pag dating nila kaya hindi sila naasikaso sa airport o bus station.
"Nagmumura at nagrereklamo sa social media na di daw pinahalagahan ang mga karapatan nila, pinabayaan daw sila ang kung anu ano pang masasakit na pananalita ang naka post against sa akin at sa Ormoc City Government."
Giit ni Richard: "Kailangan namin malaman Sana in advance para tama yung laki ng sasakyan na magsusundo, may mga medical team na nakahanda etc."
Nagkomento rin si Mayor Richard tungkol sa katuwiran ni Panelo na may 300-bed capacity ang Ormoc para sa COVID-19 patients.
Anang alkalde, hindi lamang para sa OFWs ang kanilang quarantine facilities, kundi pati na rin sa iba pang locals na nangangailangan.
"The point being, we are honest enough to disclose ilan lang yung capacity namin and we will not pretend to be heroes by accommodating more than that at any given time.
"Because the system cannot collapse.
"It will be disastrous."
DILG REVEALS THERE WAS A MISCOMMUNICATION
May 26—isang araw matapos ang text message at paglapag ng returnees sa Tacloban airport—nag-text daw si DILG Secretary Año kay Richard.
Inamin umano ni Año na nagkaroon talaga ng “miscommunication.”
Sagot daw ni Richard kay Año: "And I said 'it’s ok, Sec. let’s work on what we have now and let’s make sure this program will be successful. Magtulungan po tayo.'"
Lumalabas na may utos umano mula kay Pangulong Rodrigo Duterte na pabilisin ang pagpapauwi sa OFWs.
Tukoy pa rin ni Richard sa pag-uusap nila ni Año, "He explained that the President wanted to waste no time and kaagad pinauwi ang mga OFW’s.
"In short, ang naging problema is di na na cascade sa LGUs na wala na yung 3 days protocols for coordination at dapat pag dating sa province ng mga tao, dapat tanggapin na agad.”
Idiniin ng aktor na sumagot daw siya kay Secretary Año na handa raw silang sumunod sa Pangulo at gagawin nila ang kanilang makakaya “because we are the soldiers on the ground.”
Kaya raw hindi akma ang patutsada ni Panelo na nataranta siya nang malaman ang tungkol sa pagdating ng repatriated OFWs sa Ormoc.
Paalala pa ni Richard kay Panelo: "Wag niyo po masamain pag humihingi kami ng coordination sa inyo. Hindi po kami kalaban.”
Ipinunto rin ni Richard na maging ang DILG regional office sa kanilang lugar ay nagulat tungkol sa pagdating ng returnees.
Sabi ni Richard, nakikiusap sila na magkaroon ng coordination para maging maayos ang proseso.
Aniya, ang LGU are “partners of the national government.”
"If this fails we fail, too.
"Hindi Po kami nagmamarunong at hindi po ito contest ng pagalingan. Trabaho Lang Po.
"Kung nananatili kaming covid negative it is not for personal glory, because at the core of every effort we put out there is the commitment to protect and save lives of our people.
"And it is a daily and consistent commitment from different sectors and the cooperation of everyone in the community to keep it that way."
Nabanggit din ni Richard na may mga umuuwi na hindi dumaan sa testing at quarantine.
Giit niya: "Case in point Meron na ngayon 2 na positive sa Covid 19 sa Leyte — ang isa sa Baybay City and isa sa Tanauan town.
"Dumating sila na walang testing at ngayon nandito na sa Probinsya. As per established protocols, we are all doing contact tracing."
RICHARD'S MESSAGE FOR RETURNEES IN ORMOC
Sa huli, tinalakay rin ni Richard sa kanyang Facebook post ang ibang lumapag na OFWs na nagmumura at nagrereklamo kung bakit kailangan pa silang i-quarantine.
Ang iba raw, hinihingi na sa hotel dapat ang kanilang accommodation.
Pahayag ni Richard, "PaaLala at pakiusap Po, hindi ito bakasyon. Nasa gitna tayo ng pandemic, May digmaan laban sa covid-19.
"Wala po sa capacity ng LGU na 5-star ang quarantine accommodations,” ani Richard sa kanyang post.
Umapela si Richard na sana ay maintindihan ng returnees na ipatutupad ng LGU ng Ormoc ang standard protocol, gaya ng pag-isolate o quarantine, bago sila makauwi sa kanilang mga tirahan.
"Hinanda naman namin ng maayos yung quarantine area. And I cannot/will not in conscience endanger the lives of so many just for a few who feel inconvenienced.
Giit ng Ormoc mayor: "We must do what we can to keep each other safe.
"Buhay pinaguusapan dito. Mag tulungan Po tayo.
"Konting tiis Lang po, this is our fight. We are all in this together. God bless us all."
Alam mo ba ang latest sa showbiz? Find out kung anong level ang showbiz IQ mo by subscribing to PEP.ph Viber Chatbot here: https://bit.ly/PEPBotQuiz
