Pumanaw na si Bocaue, Bulacan Mayor Eleanor “Joni” Villanueva-Tugna nitong Huwebes, May 28.
Siya ay 42 anyos.
Si Mayor Joni ay nakababatang kapatid ni Senator Joel Villanueva.
Asawa niya si dating CIBAC Party-list Representative Sherwin Tugna.
Anak siya ni House Deputy Speaker at CIBAC Party-list Representative Bro. Eddie Villanueva, ang founder ng Jesus Is Lord (JIL) Church Worldwide.
Ayon sa official statement ng JIL, binawian ng buhay si Mayor Joni bandang 5:06 ng hapon ngayong Huwebes, dahil sa sepsis secondary to bacterial pneumonia.
Si Mayor Joni ang executive director ng JIL.
Unang nakumpirma ang pagpanaw ni Mayor Joni sa Twitter post ni PDP-Laban executive director Ron Munsayac.
Si Mayor Joni ay miyembro rin ng ruling party PDP-Laban.
Nagpaabot ng pakikiramay at dasal si Munsayac para kay Mayor Joni, na inilarawan niya bilang isang “exemplar local chief executives” ng partido.
Umapela rin ng panalangin si Munsayac para sa pamilya Villanueva, partikular na para kina Bro. Eddie, Senator Joel, at former Congressman Sherwin.
Naulila rin ni Mayor Joni ang apat niyang anak.
SENATOR JOEL MOURNS SISTER
Isang itim na litratong walang caption ang tweet ni Senator Joel nitong Huwebes ng gabi.
Gayunman, simula nitong May 23 ay sunud-sunod ang tweet ng senador, na nananalangin ng "healing."
Nitong May 27, diretsahan nang umapela ng dasal si Senator Joel para kay Mayor Joni.
Bandang 10:24 ng umaga nitong Huwebes nang huling mag-tweet ang senador para sa nakababatang kapatid.
Nagpaabot ng pakikiramay sa mambabatas ang mga kapwa senador niyang sina Sonny Angara at Sherwin Gatchalian.
Dasal para sa buong pamilya Villanueva rin ang hinihiling ng JIL.
Nitong March 10 lang ay pumanaw naman ang ina ni Mayor Joni na si Adoracion “Dory” Villanueva.
THE MAYOR WHO WON VIA COIN TOSS
Nitong April ay naging laman ng mga balita ang lady mayor matapos siyang mamili ng tone-toneladang gulay mula sa vegetable farmers ng Mountain Province.
Ang mga pinamiling gulay ay ipinamahagi ni Mayor Joni sa mga taga-Bocaue bilang ayuda sa mga ito sa kalagitnaan ng enhanced community quarantine.
Taong 2016 nang unang mahalal sa posisyon si Mayor Joni.
Iprinoklama siya bilang halal na alkalde matapos siyang manalo sa coin toss.
Ito ay matapos makakuha ng parehong bilang ng boto—16,694—si Joni at ang mahigpit niyang katunggaling si Jim Valerio.
Batay sa Resolution No. 10083 ng Commission on Elections (Comelec), ang mga kandidatong magtatabla sa nakuhang boto ay dedesisyunan sa pamamagitan ng tatlong beses na paghahagis ng barya.
(Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika)
