“Huwag na kayong umasa.”
Ito ang prangkahang sinabi ni Lea Salonga sa fans nila ni Aga Muhlach nitong Martes, May 26.
Tinanggihan daw kasi ng 50-year-old drama actor na makasama sa isang online benefit concert ang 49-year-old internationally-known singer.
Si Lea muli ang headliner sa Bayanihan Musikahan Facebook Live concert sa Biyernes, May 29.
Layunin ng concert series na mangalap ng pondo para matulungan ang mga pamilyang apektado ng pandemic sa bansa.
Ito ang pangalawang beses na magpe-perform si Lea para sa Bayanihan Musikahan.
Sa una niyang performance nitong April 3, nakalikom si Lea ng mahigit PHP1.7 million donation.
FANS WANT AGA AS SPECIAL GUEST
Sa tweet ni Lea nitong Martes, May 26, kinumpirma niyang guests niya sa Biyernes ang kapwa singers na sina Erik Santos at Ice Seguerra.
Ngunit may inaasam na special guest ang fans ni Lea.
Asang-asa ang Twitter followers ng singer na baka sa online concert na ito ay mangyayari na ang matagal nang pinakahihintay na reunion nina Lea at Aga.
Pero binigo sila ng sumunod na tweet ni Lea.
Naka-address ang mensahe sa “mga fans ng #LeAga.”
Tweet ni Lea: “huwag na kayong umasa na may bibisita.”
Ayon sa music icon, “invited” si Aga sa concert.
Pero tumanggi raw ang aktor.
Dahil dito, tinawag ni Lea ng “OA” si Aga, dahil “ayaw magpakita.”
“AGA PLEASE SAY YES” TRENDS
Mabilis ang naging response sa Twitter ng dismayadong shippers nina Lea at Aga.
Ang "shippers" ay terminong ginagamit para sa mga fans na gustong pagtambalin o magkaroon ng romantic involvement ang dalawang personalidad.
Pina-trending nila ang “AGA PLEASE SAY YES," upang kumbinsihin ang aktor na pumayag nang mag-guest sa online concert.



Kapansin-pansin ding iisa ang profile picture nila—ang litrato nina Aga at Lea na magkasama.
Ang picture ay kuha noong December 2017, ang huling beses na nagkasama ang dalawa.
Dinalaw noon ni Aga si Lea sa New York, at kumain sila sa isang Japanese restaurant sa Manhattan.
Sa kasalukuyan, sinabihan ng isang Twitter user si Aga na nag-effort pa silang gawan ng “captions, edits, at pics” ang “LeAga Tuesdate.”
Pero sa huli, “hopia” lang daw pala sila.
Ang hopia ay slang ng hoping o pinaasa lang sa wala.

Ang ibang shippers naman, pinipilit ang aktor na magbago ng isip.
May “chance” pa raw si Aga na baguhin ang desisyon nito.


Kahit daw “di na kumanta si Aga,” basta mag-guest lang ito sa online concert ni Lea.


At press time, walang reaksiyon si Aga sa pagte-trending niya sa Twitter.
Wala naman kasing Twitter account ang veteran actor.
LEA IS AGA’S THE ONE THAT GOT AWAY
Dating leading man ni Lea si Aga.
Nagtambal sila sa dalawang pelikula, ang Bakit Labis Kitang Mahal (1992) at Sana Maulit Muli (1995).
Bagamat kinakiligan ang kanilang love team, hindi nagkaroon ng romantic relationship ang dalawa.
Hanggang sa naisapubliko noong 2013 ang love letter ni Aga para kay Lea.
Bahagi ang sulat ng libro ni Lea na Lea Salonga Playlist: A Celebration of 35 Years.
Nailathala ang libro noong June ng taong iyon.
Sa sulat, ipinagtapat ni Aga na si Lea ang kanyang “the one that got away” o TOTGA.
Ang TOTGA ay iyong taong pinaniniwalaan nating inilaan para sa atin, pero hindi nakatuluyan.
Mababasa pa sa sulat na hindi raw nagkaroon ng pagkakataon si Aga na masabi kay Lea kung gaano niya ito kamahal.
Nag-viral sa social media ang love letter ni Aga.
Maraming fans ang kinilig, pero nanghinayang din kina Aga at Lea.
REUNION PROJECT
Sa Lea Salonga Playlist concert noong February 2014, muling nagpakilig sina Aga at Lea.
May bitbit na bouquet of flowers, umakyat sa stage si Aga.
Kinantahan siya ni Lea ng “Sana Maulit Muli," ang theme song ng huli nilang pelikula na may parehong titulo.
Pagsapit ng July 2015, muling ipinalabas ang digitally restored version ng Sana Maulit Muli movie.
Nang mga panahong iyon, maugong ang balitang magkakaroon ng reunion movie sina Lea at Aga.
Pero ilang beses naudlot ang proyekto, hanggang sa hindi na ito natuloy.
Ngayon naman ay maiintindihan din kung bakit umaayaw si Aga—na kilalang isa sa pinakamahusay na dramatic actors ng bansa, na sa katunayan nga'y mahirap makahanap ng pelikula niyang hindi siya magaling.
Kumakanta rin si Aga at may boses ito, ngunit halos walang matandaang nag-perform ito in public.
Sa mga nakakakilala sa aktor, alam nilang mahihiya itong kumanta.
Dagdagan pang ang makakasabayan niya sa musikahan ay isang Lea Salonga—na awardee sa Broadway at West End, na kumanta na sa Oscars, na singing voice ng pamosong Disney characters, na naka-duet na si Josh Groban at iba pang malalaking pangalan sa musika.
At mas malamang, dahil ang imbitasyon ay para sa isang musikahan online, mahihingan ng kanta si Aga.
Pag tumanggi naman siya at naroon na si Lea sa tabi niya, at nariyan pa ang kinikilig na mga LeAga fans, magmumukha pa siyang killjoy.
Kasal si Lea sa Chinese-Japanese entertainment software company executive na si Robert Charles Chien.
Mayroon silang isang anak na babae.
Napangasawa naman ni Aga ang dating beauty titlist-actress na si Charlene Gonzales.
Biniyayaan sila ng kambal, sina Andres at Atasha.
(Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika)
