Naniniwala ang comedienne-singer na si Gladys Guevarra na hindi kailangan ng mass testing para sugpuin ang COVID-19 sa bansa.
Taliwas ito sa apela ng ibang mga artista na sana ay maging available ang mass testing habang unti-unting pinapayagang magbalik-trabaho ang mga manggagawa sa government at private sectors.
Kabilang sa nagsalita tungkol dito ay ang aktres na si Angel Locsin at ang broadcaster na si Atom Araullo.
Rason ni Gladys, hindi solusyon ang mass testing para huwag lumaganap ang virus dahil wala pang vaccine laban dito.
Hindi rin naman daw magagamot ng mass testing ang mga taong dinapuan ng virus.
Komento ni Gladys: "Andaming artistang umaapila ng MASS TESTING.
"Opinyon ko to ha? Pwede mo ko sagutin kung mali ako. Naisip ko lang naman din.
"Ano ba kase ang magagawa rin ng Mass testing? Matanong ko lang.
"eh kahit mag Mass testing, kung wala pa naiimbentong Vaccine, ano gagawin? Isusupot yung mga infected?
"I mean, diba? Ite-test mo lahat, para ano? Para lang malaman sino na mga infected? hala!"
Base ito sa Facebook post ni Gladys, gabi ng May 19, Lunes.
Kalakip ng rolling eyes emoji, idinahilan din ni Gladys na may mga first-world countries na hindi nagpapatupad ng mass testing.
Patuloy niya: "hala! Eh yung mga 1st world country nga di maapula yang lintek na virus na yan.
"Eh ano ga ang gagawin nila???? Diba? Ikaw palagay mo?
"Baka ba pag nalaman natin kung sino mga infected, pwede na lumabas, tapos ihiwalay yung mga pila at nakalagay...
"Pila ng mga Infected at Pila ng hindi infected. Ganire ba?
Naniniwala si Gladys na mas mabuting ilaan ang pondo ng bayan sa pagbibigay ng ayuda ng gobyerno kaysa pagkagastusan ang testing kits.
PHP275 billion ang budget ng gobyerno sa ipinamigay na PHP5,000 hanggang PHP8,000 cash aid sa low-income households para sa buwan ng Abril at Mayo.
Sa pagpapatuloy ng Facebook post ni Gladys, sabi niya: "At pag nagpa MASS TESTING, maglalabas ulit ng malaking halaga ang gobyerno para sa kits?
"At maghihintay tayo ng matagal sa results?
"Imbes na yang pondo nakakatulong ngayon sa pagkain sa pangkalahatan, lalo mas mga nangangailangan? Diba?"

NETIZENS AGREE
Habang isinusulat ang artikulong ito ay may higit 700 comments sa post ni Gladys.
Marami ang sumang-ayon kay Gladys na "waste of time and money" lang ang mass testing.
Tingin nila ay mas mahalaga ang sundin ang quarantine protocols na huwag lumabas ng bahay kung walang essential activities.

Sinang-ayunan ni Gladys ang komento na disiplina at kooperasyon ng bawat isa ang kailangan.
Dagdag ni Gladys, "kapit pa tayo and more dasal."

May mga nagsabi pang puros apela lang daw ang alam ng iba, at hindi inisip na hindi rin naman magiging "back to normal" kapag mayroong mass testing.


NETIZENS DISAGREE
Sa kabilang banda, marami rin ang kumontra kay Gladys.
Ipinaliwanag ng mga ito na makakatulong ang mass testing para matukoy kung sino ang mga taong positibo sa COVID-19 at kailangang gamutin.
Nang sa gayon ay iyong mga taong malusog at walang sakit ay mapayagang magbalik-trabaho.
May netizen ding nagbanggit na ang ibang Asian countries, tulad ng Vietnam, ay naging matagumpay sa pagsasagawa ng mass testing at pagkontrol ng bilang ng COVID-19 cases doon.

Isang netizen ang naghalintulad sa mass testing sa paglalaba kunsaan pinaghihiwalay ang mga de kolor sa puting damit para hindi magkahawaan ng kulay.

May netizen din ang nagsabing ang layunin ng mass testing ay parang isang tikling ng kamatis na inihihiwalay ang mga nabubulok para huwag madamay ang ibang bunga.

Ipinaliwanag din ng isang netizen na mahalaga ang mass testing para patuloy na makapaghanapbuhay ang mga taong walang sakit.
Lalo na't malaki ang epekto sa ekonomiya mula nang pansamantalang sinuspinde ang trabaho ng ibang mga negosyo at kumpanya mula nang ipatupad ang enhanced community quarantine noong March 16 sa buong Luzon.
Sa Metro Manila, nagsimula ang ECQ noong March 14.

PH'S TESTING CAPACITY
As of May 8, nakakapagsagawa ng 7,300 COVID-19 tests kada araw ang Pilipinas.
Nasa 20 raw ang bilang ng accredited lab facilities na may kakayahang mag-test ng hanggang 12,000 katao kada araw.
Ito ang datos na ibinigay ni Vince Dizon, chief deputy implementer ng National Task Force COVID-19, nang makapanayam siya ni Karen Davila ng ABS-CBN News.
Magdadagdag pa raw ito ng 50 labs by the end of May.
Tinanong ni Karen kung bakit ang Vietnam, ang role model sa South East Asia, ay nagawang maglunsad ng 112 labs, gayong mas marami raw resources ang Pilipinas.
Bakit napaghulihan ang bansa pagdating sa mass testing?
Sagot ni Dizon: "I cannot speak to how Vietnam did it.
"I can, however, tell you that they did it very well.
"And they are one of the benchmarks for ramping up testing not just in Asia but in the world."
Sabi pa ni Dizon, tinatrabaho ng gobyerno ang pagkakaroon ng mas malawak na testing sa bansa.
"To your other question I really would rather not dwell in the past.
"Right now, Sec Galvez, the president, we are all moving towards the future..."
Si Carlito Galvez Jr. ang chief implementer ng COVID-19 policy sa bansa.
Patuloy ni Dizon, "I would rather talk about the future, how we wanna do do it.
"And right now, what want to do is ramp up our testing capacity to 30,000 per day. That is our target.
"Right now, we are at 12,000.
"I am confident with the help of the private sector and the government working together, and the government being a facilitator, helping out our labs, we can achieve this goal of 30,000 tests per day lab capacity by May 30."
Sa pagkakaalam daw ni Dizon ay PHP16 billion ang budget ng Department of Health para sa "various laboratory supplies, equipment and all the necessary materials" na kinakailangan para mapabilis ang testing capacity sa bansa.
Ang mass testing ay inirerekomenda ng World Health Organization para mabilis na maagapan ang pagkalat ng COVID-19.
“We have a simple message for all countries: test, test, test," saad ni WHO Director General Dr. Tedros Adhanom Ghebreyesus noong March 16.
Dagdag niya, "All countries should be able to test all suspected cases. They cannot fight this pandemic blindfolded; they should know where the cases are."
(Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika)
