Matapos ang halos 13 taon, muling nabuhay ang blooper sa isang live report ng dating GMA News reporter na si Michael Fajatin.
Ito ay dahil inuugnay ang kanyang blooper sa "classroom" blooper ng Kapamilya actress na si Kim Chiu.
Nangyari ang unforgettable booboo ni Michael sa live report nito para sa late-night news program ng GMA-7 na Saksi noong June 8, 2007 .
Nasa Mendiola, Manila, noon si Michael para mag-cover ng rally.
Mula sa studio ng Saksi sa GMA Network, Timog Avenue, Quezon City, ipinakilala ng anchor na si Arnold Clavio ang reporter nilang nagku-cover sa dispersal sa Mendiola.
Dito na nangyari ang nagkabuhol-buhol na introductory spiels ni Michael.
Sabi niya sa kanyang report: “Igan pasado alas-otso nang tahimik na mag-disperse ang mga ralyista sa San Sebastian… ngunit matapos ang ilang negosasyon… ito’y matapos na nag-disperse sila… pagkatapos nito, a, hindi na sila nag-away... nag-away kasi sila sa simula… pagkatapos nito’y nagkaroon sila ng pag-aaway sa simula.”
KIM CHIU’S VIRAL "CLASSROOM" ANALOGY
Hanggang ngayon ay tila hindi pa nakaka-move on ang netizens sa “classroom” analogy ni Kim sa ABS-CBN shutdown.
Sa Laban Kapamilya online forum ng ilang ABS-CBN stars noong May 8, 2020, ikinumpara ni Kim ang mga patakaran sa loob ng silid-aralan sa nangyaring pagpapasara sa ABS-CBN.
Bahagi ng sinabi ni Kim sa kanyang talumpati: “Sa classroom, may batas. Bawal lumabas.
"O, bawal lumabas, pero pag sinabi, pag nag-comply ka na bawal lumabas.
"Pero may ginawa ka sa pinagbabawal nila, inayos mo yung law ng classroom niyo at sinubmit mo uli, ay puwede na pala ikaw lumabas."
Hindi naitawid nang malinaw ng aktres ang mensaheng gusto niyang iparating sa publiko, at pinagpiyestahan ito ng netizens sa social media.
Bukod sa panlalait kay Kim, ginawan pa nila ng memes ang naging pahayag nito.
May ilan pa ngang ginawang lyrics sa isang kanta ang mga sinabi ng aktres.
Bagamat kusa at maayos na humingi ng paumanhin si Kim, patuloy pa rin ang pambabatikos sa kanya.
MICHAEL FAJATIN ON KIM CHIU
Tila nakaka-relate naman si Michael sa dinaranas ni Kim Chiu na pangungutya ngayon.
Nang nag-viral ang "classroom" analogy ni Kim, nanariwa sa alaala ng reporter ang nangyaring blooper noon sa kanya.
Sa kanyang Facebook post nitong May 10, 2020, sinabi ni Michael na may mga pagkakataon daw talaga na hindi maintindihan ng isang tao ang kanyang sarili.
Pero dapat ay minsan lang ito dahil iba na raw kapag paulit-ulit itong nangyayari.
Mensahe ni Michael: “Para po sa lahat ng hindi maintindihan ang sarili paminsan tulad namin ni ms. Kim Chiu masaya po ang mabuhay.
“Wag lang po hindi kayo maintindihan palagi ibang level na po yun.”
Sinamahan ito ni Michael ng quote cards ng sinabi niya at ng mga sinabi ni Kim.
Si Michael ay news director na ngayon ng UNTV News and Rescue.
(Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here!)
