Hindi napigilan ni Julie Anne San Jose na kiligin nang mag-post ng comment sa kanyang Instagram account ang lead singer ng Parokya ni Edgar na si Chito Miranda.
Ginawan kasi ni Julie Anne ng cover ang kanta ng Parokya ni Edgar na “Bagsakan.”
Ang “Bagsakan” ang 2005 hit rap song ng nabanggit na banda kunsaan kasama pa nila sa pagra-rap ang yumaong “King of Pinoy Rap” na si Francis Magalona at ang rapper ding si Gloc-9.
Content ni Julie Anne sa kanyang YouTube channel ang cover niya ng “Bagsakan,” at sa interview sa kanya ni Cata Tibayan ng 24 Oras, inamin niyang nauhaw at nabulol siya sa pag-rap ng parts nina Chito, Francis, at Gloc.
Pero sulit naman daw ang hirap niya dahil sa nakuhang mensahe ng paghanga mula kay Chito.

“Kinilig ako,” pag-amin ni Julie Anne.
Hinahamon naman niya ngayong tapatan nina Mark Bautista, Christian Bautista, Aicelle Santos, at Rayver Cruz ang ginawa niyang pagra-rap.