PEP Ka-Loveteam Quiz Banner
×

Yantok-wielding quarantine enforcer suspended; QC drops charges against fish vendor

Fish vendor heard wailing as he is mauled: “Wala naman po akong ginagawa, e.”
by Jet Hitosis
Published Apr 30, 2020
Oplan Task Force Disiplina announces withdrawal of charges of resistance and disobedience to persons of authority against fish vendor Michael Rubuia; suspension of unnamed enforcer who beat Rubuia with a yantok stick; and commitment of Rubuia to a rehab center.
PHOTO/S: Quezon City Police District-Station 10 on Facebook, Screengrab from YouTube

Pinaghahataw ng yantok, kinaladkad, pinaghahataw uli ng ilang beses, binitbit na parang baboy nang inaresto, at saka ikinulong.

Iyan ang sinapit ng isang fish vendor na naabutan umanong naglalako ng isda nang walang suot na face mask sa Quezon City.

Wala rin umanong maipakitang quarantine pass si Michael Rubuia, 38, na walang permanenteng tirahan, nang sitahin siya sa Panay Avenue sa Barangay South Triangle.

Nangyari ang insidente bandang 12:30 ng tanghali nitong Lunes, April 27.

Ang sumita kay Rubuia ay mga tauhan ng Oplan Task Force Disiplina, na nasa ilalim ng Office of the Mayor ng Quezon City.

Kasama nila ang ilang barangay tanod.

Inakusahan ang vendor ng paglabag sa enforced quarantine.

Batay sa detalye ng police report, na iniulat ng The Philippine Star, tinangka umano ni Rubuia takasan ang mga taga-Task Force Disiplina na sumita sa kanya.

Nakorner ng mga awtoridad ang vendor hindi kalayuan sa kanyang paninda, sa tapat ng isang condominium building sa Panay Avenue.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Sa nasabing lugar nakuhanan ng video ang mga sumunod na nangyari.

Naisapubliko ang mga CCTV footage at mga video—na kuha ng mga nakasaksi sa insidente—at mabilis na nag-viral nitong Lunes ng gabi.

THE VIRAL VIDEO FOOTAGE

Sa video, makikitang nakatayo si Rubuia habang napapaligiran ng limang quarantine enforcers.

Karamihan sa mga ito ay taga-Task Force Disiplina, at barangay tanod naman ang iba pa.

Pilit na isinasama ng mga awtoridad si Rubuia, pero tumatanggi ito.

Hanggang sa isa sa mga enforcers ang humampas sa binti ng fish vendor, gamit ang yantok stick.

Ilang beses hinampas ang binti ng vendor hanggang sa mapaupo ito.

Dito na pinilit ng mga quarantine enforcers na itayo at isama si Rubuia.

Tumanggi si Rubuia at mahigpit na nangunyapit sa bakal na handrail.

Nagtulung-tulong naman ang tatlo sa quarantine enforcers upang kalasin ang pagkakakapit ni Rubuia sa bakal.

Habang nangyayari ito, paulit-ulit na hinahampas ng isang enforcer si Rubuia.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Sabay na maririnig sa video ang pagsigaw ng “aray” at ang pagmamakaawa ni Rubuia, at ang lutong ng hagupit ng yantok sa kanyang balat.

Tuluy-tuloy ang enforcer sa paghahataw ng yantok, na tumatama sa mga binti at braso ng vendor.

RUBUIA: “WALA NAMAN PO AKONG GINAGAWA, E!”

Mapapakinggan din sa video ang pagsigaw ng ilang taong nakapaligid sa kanila.

Sinasaway ng mga tao ang enforcers sa pananakit kay Rubuia.

Nang makalas sa pagkakakapit sa bakal, kinaladkad ng mga enforcers si Rubuia sa gilid ng bangketa.

Ayaw pa ring sumama ni Rubuia sa mga awtoridad, at patuloy siyang hinahataw ng yantok.

Sa isang punto sa video, malinaw na maririnig ang umiiyak na sigaw ng vendor: “Wala naman po akong ginagawa, e!”

Sa huli, para maisakay sa L300, mistulang baboy na pinagtulungang bitbitin si Rubuia ng apat sa mga enforcers.

Nakasunod sa kanila ang video camera ng ilang saksi, na patuloy ang pasigaw na paninita sa mga nanakit at umaresto kay Rubuia.

CONTINUE READING BELOW ↓
NOOD KA MUNA!

“Hindi dapat iyan ganyan, e,” sita ng babaeng kumukuha ng video sa enforcer na namalo ng yantok.

“We have all the rights!

“Hindi bawal ang kumuha [ng violators], pero you are abusing your power.

“Hindi n’yo dapat gulpihin ang isang tao!” pahabol na sigaw ng babae sa mga enforcers.

Alinsunod sa protocol sa mga inaaresto, idiniretso si Rubuia sa Quezon City General Hospital.

Nagtamo siya ng mga sugat sa binti at mga galos sa braso.

Pagkatapos, dinala si Rubuia sa Quezon City Police District (QCPD) Station 10 sa EDSA Kamuning.

Kinasuhan siya ng resistance and disobedience to persons of authority.

QC GOVERNMENT LAUNCHES PROBE

Kinondena ng Quezon City government ang insidente.

Sa pahayag na inilabas ng pamahalaang lungsod nitong Martes, April 28, sinabing hindi nito kukunsintihin ang anumang “acts of violence or violation of human rights” ng mga tauhan nito.

Kinumpirma ng city government na sinimulan na nito ang “full blown investigation” sa nangyari.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Tiniyak nitong pananagutin ang sinumang sangkot sa insidente “[who] have acted unlawfully or improperly.”

Nagpaalala rin ang pamahalaang lungsod sa mga tauhan nitong nagpapatupad ng enforced quarantine:

“While the City Government reiterates its resolve to fully enforce ECQ Protocols at this time of the COVID-19 pandemic, all its personnel and agents are strongly reminded to always conduct themselves with proper decorum and restraint, and to observe compassion and tolerance, especially in these difficult times.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

TASK FORCE DISIPLINA TO DROP CHARGES AGAINST VENDOR

Kinabukasan, sinabi ng pamahalaang lungsod na naglabas ang kanilang Legal Department ng "show cause order" para pagpaliwanagin ang quarantine enforcers na sangkot sa insidente.

Kinumpirma ito sa panibagong statement ng Quezon City government nitong Miyerkules, April 29.

Inirekomenda ni Ranulfo Ludovica, action officer ng Oplan Task Force Disiplina at dating QC councilor, ang preventive suspension ng kanyang mga tauhan habang iniimbestigahan ang mga ito.

Inatasan din ni Ludovica ang Task Force Disiplina na iurong ang kaso laban kay Rubuia.

Ngunit kapag nakalabas na sa piitan, ayon kay Ludovica, ililipat nila si Rubuia sa drug treatment and rehabilitation center ng lungsod sa Barangay Payatas.

Ito ay matapos magpositibo raw si Rubuia sa drug test, ayon kay Ludovica.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

YANTOK-wielding ENFORCER SUSPENDED

Sa panayam ng CNN Philippines kay Ludovica nitong Miyerkules, kinumpirma ng action officer na napatawan na ng 60-day suspension ang enforcer na nanghataw ng yantok kay Rubuia.

Sa report ng CNN, hindi pinangalanan ni Ludovica ang enforcer.

“Noong nakita namin ang CCTV ay nakita namin na may viniolate ang aking tao,” sabi ni Ludovica sa CNN interview.

“Kasi iyong pagkahampas niya po, hindi lang isa, dalawang beses, okay lang din po.

“Pero nakita namin more than six o seven times niyang hinampas iyon.

“Doon nakita namin na may pagkakamali ang enforcer namin,” pag-amin ni Ludovica.

Bilang command responsibility, humingi ng paumanhin si Ludovica sa ginawa ng kanyang mga tauhan.

Inunang suspendihin ang nanakit na enforcer, dahil pinigilan lang daw ng iba pang kasama nito ang pumapalag na si Rubuia, ayon kay Ludovica.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Tinawagan ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang QCPD-Station 10 ngayong Huwebes ng umaga, April 30.

Inalam namin kung nakalabas na ng kulungan si Rubuia.

Ayon sa nakausap naming pulis, na tumangging pangalanan siya, nananatiling nakapiit ang vendor sa kanilang himpilan.

Gayunman, aniya, nasa police station din daw ng mga oras na iyon ang mga tauhan ng Quezon City government.

Pinag-uusapan umano ng mga opisyal ng QCPD Station 10 at ng mga taga-QC City Hall ang tungkol sa pagpapalaya kay Rubuia, ayon sa pulis.

RUBUIA FREED

Sa latest update sa report ng Inquirer.net, nakumpirmang nakalabas na ng piitan si Rubuia.

Nakalaya ang vendor bago magtanghali ngayong Huwebes.

Kumpirmado ring iniurong na ng Quezon City government ang kasong isinampa nito laban kay Rubuia.

Quote ng Inquirer.net sa QCPD report: “Said PUPC (person under police custody) was released in good physical condition based on a Resolution from the Office of City Prosecutor signed by Senior ACP RANIEL S CRUZ."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Kasama ng mga tauhan ng pamahalaang lungsod ang mga kapatid na lalaki ni Rubuia nang lumaya ito, ayon sa parehong report.

Sa umere namang report ng TV Patrol sa ABS-CBN, makikitang kapiling na ni Rubuia ang kanyang pamilya.

QUARANTINE VIOLATORS IN QUEZON CITY

Nangyari ang pananakit kay Rubuia halos isang linggo makaraang mabaril at mapatay ng isang pulis-QC ang retiradong sundalong si Winston Ragos.

Inakusahan din ng paglabag sa quarantine protocol si Ragos nang sitahin ng grupo ni Police Master Sergeant Daniel Florendo nitong April 21.

Nangyari ang insidente malapit sa isang quarantine control checkpoint sa Barangay Pasong Putik sa Quezon City.

Inakala raw ni Florendo na bubunot ng baril si Ragos kaya binaril at napatay niya ang dating Philippine Army soldier.

Pinabulaanan ng mga witnesses na bubunot si Ragos.

Wala ring anumang kuha sa video na may baril si Ragos.

Kinumpirma lamang ng pamilya ni Ragos at ng pamunuan ng Army na dumaranas ng post-traumatic stress disorder (PTSD) si Ragos.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Kinasuhan ng homicide at na-inquest na si Florendo.

Inilibing naman si Ragos nitong April 26, makaraang bigyan ng full military honors sa Libingan ng mga Bayani sa Taguig City.

POSTSCRIPT. Isang malaking katanungan sa parehong kaso ni Ragos, dating Philippine Army, at kaso ni Rubuia, isang fish vendor: Kung walang video, papaano na?

Kung walang video ng abuse of power ng quarantine enforcers—aaksiyunan ba ng QC government ang isang reklamo?

Kundi na-capture ng camera, kundi nakatutok ang witness, kundi nagkaroon ng pruweba, kundi nag-viral ang pagmamalupit at pagiging bayolente ng pulis ng QC—mabigyan pa kaya ng hustisya ang mga pinagmalupitan?

Suwerte-suwertehan na lang ba ang buhay ng mamamayan sa panahon ng enforced quarantine? Suwerte ka kung may witness, mas suwerte ka kung may nag-video, at malas mo na lang kung nag-iisa ka?

Kasama na ring katanungan: Anong klaseng training mayroon ang mga police enforcers ngayong namamayagpag sila?

Limang enforcers laban sa isang violator, 12:30 ng hapon—yantok ang katapat? Apat na enforcers laban sa isang violator, 2:30 ng hapon—baril at dalawang bala ang katapat?

Ganoon na lang ba ang daga sa dibdib ng ating quarantine enforcers?

Kung ganito nang ganito, di maglalaon ay baka naman mas nakakatakot pa ang quarantine kaysa sa virus.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓
Read Next
PEP Live
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Oplan Task Force Disiplina announces withdrawal of charges of resistance and disobedience to persons of authority against fish vendor Michael Rubuia; suspension of unnamed enforcer who beat Rubuia with a yantok stick; and commitment of Rubuia to a rehab center.
PHOTO/S: Quezon City Police District-Station 10 on Facebook, Screengrab from YouTube
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results