Napadalhan na ng Department of Justice (DOJ) ng subpoena si Senator Aquilino "Koko" Pimentel III kaugnay ng akusasyong paglabag sa quarantine protocol.
Ipinadala ng DOJ ang subpoena sa 56-anyos na senador ngayong Martes, April 14.
Kinumpirma ito ni Prosecutor General Benedicto Malcontento, ayon sa report ng CNN Philippines.
Inanunsiyo rin ni Malcontento na itinakda sa May 20 ang preliminary investigation kay Pimentel.
Kaugnay ito ng reklamong inihain ni Attorney Rico Quicho sa DOJ laban sa mambabatas.
Sa reklamong in-email ni Atty. Quicho sa DOJ nitong April 6, iginiit niyang nilabag ni Pimentel ang Republic Act No. 11332 (Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events).
Ito ay matapos magtungo sa Makati Medical Center (MMC) ang senador, noong March 24, kahit Person Under Investigation (PUI) na siya.
THE MAKATI MED ISSUE
Inihatid ng senador sa MMC ang asawang si Kathryna Yu-Pimentel, na may scheduled Ceasarian operation.
March 25 ng umaga, inanunsiyo ni Pimentel na positibo siya sa coronavirus disease o COVID-19.
Aniya, nalaman niya ang test result habang nasa loob siya ng MMC, kaya dali-dali siyang umalis.
Kinondena ng MMC ang ginawa ni Pimentel, na pina-quarantine ang ilang tauhan ng ospital.
Humingi ng paumanhin ang senador, na tinanggap naman ng MMC.
Nang tumanggi ang MMC na kasuhan si Pimentel, nagpatulong si Atty. Quicho sa mga kapwa niya abogado upang papanagutin ang mambabatas.
Sa Facebook post ni Atty. Quicho ngayong Martes, sinabi niyang pinahaharap siya sa tanggapan ng DOJ “within 5 days from lifting of ECQ and to file hard copy of Complaint vs #kokopimentel together with Annexes and to swear under oath.”
Ang extended enhanced community quarantine ay tatagal hanggang April 30.
“MY LAWYERS WILL DO WHAT IS NECESSARY”
Samantala, nakuhanan ng ABS-CBN News ng reaksiyon si Pimentel tungkol sa subpoena mula sa DOJ.
Sagot ng senador: “My lawyers will do what is necessary. I will defer to them.”
Ang reklamo sa DOJ ay hiwalay pa sa imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) laban kay Pimentel para sa parehong paglabag.
Una nang sinabi ng NBI na iimbitahan nila sa kanilang tanggapan ang senador kapag magaling na ito.
Tatlong linggo matapos magpositibo sa COVID-19, patuloy na nagpapagaling si Pimentel sa virus.
