Matapos magnegatibo sa COVID-19 at sumailalim sa 14-day self-quarantine, tuloy ulit sa pagtatrabaho si Senator Sherwin Gatchalian, 46.
Sa isang Instagram post matapos ng kanyang self-isolation noong March 17, sinulat ni Senator Win: “My self-quarantine look.
"Finally, I'm out and back to work.
"Time to make sure our constituents in Valenzuela and the country have food to eat and well protected from the veerus.”
Kahit nasa bahay, nakikipag-meeting daw ang mambabatas sa ilang government officials gamit ang online telecommunication app.
Kagabi, April 13, sa Department of Education naman nakipag-usap ang senador.
Dahil dito, pinayuhan si Senator Win ng kanyang nobyang si Bianca Manalo, 32, na maghinay-hinay sa trabaho.
Sa Instagram, nag-post ang beauty queen-turned-actress ng larawan ng senador habang nasa harap ng laptop at nakikipagpulong.
Sa caption, sinabi ng Bb. Pilipinas-Universe 2019 na commendable ang ginagawa ni Senator Win, pati na ng mga kapatid nitong sina Valenzuela Mayor Rex Gatchalian at Valenzuela Representative Wes Gatchalian.
Mensahe ni Bianca sa kanyang post: “To my very hardworking senator, relax; you and your brothers did a great job. #ValenzuelaCity”
Katulad ni Senator Win, nag-self quarantine din si Bianca, simula March 12, dahil na-expose siya sa nobyo, na na-expose naman sa isang guest speaker sa Senado na nagpositibo sa COVID-19.
BIANCA-SHERWIN LOVE STORY
Hanggang ngayon, hindi pa nagkukuwento ang beauty queen at ang senador kung paano umusbong ang kanilang pag-iibigan.
Pero November 20, 2019 ay nagdiwang sila ng kanilang unang anibersaryo bilang magkasintahan.
Bago nito, umiiwas ang dalawa mapag-usapan ang namumuo nilang relasyon.
Taong 2018, ang alam ng publiko na boyfriend ni Bianca ay si Pandan, Antique Mayor Jonathan Tan.
Naisapubliko ang relasyon nina Bianca at Mayor Jonathan dahil sa aksidenteng paglubog ng speedboat na sinasakyan nila habang nag-a-island hopping sa karagatan ng Culasi, noong Marso 2018.
Pero pagkatapos ng insidente, wala nang balita pa tungkol sa relasyon nila.
Pagkalipas ng isang taon, noong November 2018, namataan ng ilang netizens na magka-date sina Bianca at Senator Win.
Matapos nito, namataan din ang dalawa na magkasama rito sa Pilipinas noong Abril 2019 at sa Hong Kong noong Hulyo 2019.
Mas lalong lumakas ang bulung-bulungan na may relasyon na ang dalawa noong magkasama silang dumalo sa 50th birthday celebration ng dating senador at ngayo’y Sorsogon Governor Francis “Chiz” Escudero.
