Ipinaaaresto ng mga netizen si Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Deputy Administrator Mocha Uson.
Nag-trending nitong Biyernes, April 3, ang #ArrestMochaNow.
Ang hashtag ang nagsilbing panawagan ng netizens para papanagutin sa batas si Uson, 37, dahil sa umano’y pagpapakalat ng fake news.
Mali kasi ang OWWA official sa ginamit nitong litrato sa latest post ng kanyang Mocha Uson Blog sa Facebook.
Sa post, ibalita ni Uson ang pagdating sa bansa ng paunang 15,000 sets ng personal protective equipment (PPE).
Ang naturang mga kagamitan ay bahagi ng isang milyong PPE na binili kamakailan ng Department of Health (DOH).
Huwebes ng umaga, April 2, nang in-upload ang post sa Mocha Uson Blog.
Hinalaw ang post mula sa online report ng The Philippine Star.
Kalakip ng post ang dalawang litrato: sa isa, ang aktuwal na delivery sa airport; sa isa pa, ang ilang healthcare frontliners na nakasuot ng PPE.
Pero nitong Biyernes ng umaga, napansin ng mga netizen na mali ang litratong ginamit sa artikulo.
Anila, ang PPE na suot ng frontliners ay donasyon ng SM Foundation, at hindi ang binili ng DOH.
MEDICAL CITY DOC WANTS TO REPORT USON’S “FAKE NEWS”
Pinatotohanan ito ni Dr. Sheena Ong, resident doctor sa Department of Anesthesia ng The Medical City.
Sa isang Facebook post, sinabi ni Dr. Ong na ang helmet-face shields at N95 masks na suot ng frontliners sa litrato ay donasyon ng SM Foundation.
Ang blue gowns at gloves naman ay property daw ng The Medical City.
Ipinost pa ni Dr. Ong ang link sa announcement ng SM Foundation ng nabanggit na donasyon.
Binigyang-diin ng doktor na taliwas sa ini-report ni Uson, ang naturang mga PPE ay hindi pagmamay-ari ng DOH.
Umapela rin si Dr. Ong sa netizens na tumulong upang maireklamo sa kinauukulan ang mga dapat managot.
“Kindly report her post as fake news and also forward complaints to Philippine Star for using that picture in their article in the first place.
“It is misleading,” saad sa post ng doktor.
USON SAYS SORRY
Bandang 10:00 ng umaga nitong Biyernes, pinalitan ng The Philippine Star ang litrato, at humingi ng paumanhin.
Pasado 1:00 ng hapon naman nang tanggalin ng Mocha Uson Blog ang picture.
Pagkatapos nito, nag-apologize rin ang OWWA deputy administrator.
Ngunit desidido ang mga netizen na papanagutin siya sa batas.
Gamit ang #ArrestMochaNow, ni-retweet nila ang fact-check post ng CNN Philippines.
Sa fact check, makikita ang screenshots ng original post ni Uson, at ng edited post na may bagong litrato.
Tinawag naman ni Uson na "attack against me on social media" ang fact-check tweet ng CNN.
Sa open letter ng OWWA official para sa CNN, sinabi niyang umamin din ang The Philippine Star sa pagkakamali sa litrato, pero "I do not understand why you, CNN Philippines, have singled me out in this fiasco."
FAKE NEWS PEDDLING IS PUNISHABLE UNDER BAYANIHAN ACT
Samantala, nakiisa si dating Solicitor General Florin “Pilo” Hilbay sa panawagan ng netizens laban kay Uson.
Sa isang tweet, hinamon ni Hilbay ang gobyerno na arestuhin si Uson base sa nakalagay sa Bayanihan Act.
Sabi ng dating Solicitor General: “The Bayanihan Act dangerously criminalizes fake news.
“O sige nga #ArrestMochaNOW.”
Tinukoy ni Atty. Hilbay ang Bayanihan to Heal as One Act (Republic Act 11469), na isinabatas nitong March 25.
Ayon sa Section 6 (f) ng Bayanihan Law, makukulong ng dalawang buwan at pagmumultahin ng PHP10,000 hanggang PHP1 million ang “Individuals or groups creating, perpetuating, or spreading false information regarding the COVID-19 crisis on social media and other platforms, such information having no valid or beneficial effect on the population, and are clearly geared to promote chaos, panic, anarchy, fear, or confusion;
“and those participating in cyber incidents that make use or take advantage of the current crisis situation to pray on the public through scams, phishing, fraudulent emails, or other similar acts.”
Nagkataon namang sa livestream public address ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Biyernes ng gabi, nagbanta siya sa mga nagpapakalat ng fake news.
Aniya: "Kung mag-fake news kayo, mumurahin ko kayo araw-araw."
BAYANIHAN LAW VIOLATORS?
Ang agresibong reaksiyon ng netizens laban kay Uson ay inugnay din sa pag-imbestiga ng National Bureau of Investigation (NBI) kay Pasig City Mayor Vico Sotto.
Kung idinidiin ng netizens ang OWWA official sa paglabag sa Bayanihan Act, todo-tanggol naman sila na walang violation dito ni Mayor Vico.
Nitong Miyerkules, pinagpapaliwanag ng NBI ang alkalde sa posibleng paglabag daw sa Section 6 (a) ng Bayanihan Act.
Alinsunod sa Section 6 (a), mananagot ang sinumang local government official na lumalabag sa quarantine guidelines ng gobyerno.
Nanindigan naman si Mayor Vico na tumatalima ang Pasig sa quarantine protocols ng gobyerno.
Kinuyog ng batikos ng netizens at maraming celebrities ang NBI para depensahan ang Pasig mayor.
Anila, may double standard ang gobyerno sa pagpapatupad ng batas.
Hindi raw pinanagot ng NBI si Senator Koko Pimentel, na nagpunta sa Makati Medical Center kahit Person Under Investigation (PUI) na siya sa COVID-19, at pagkatapos ay nag-shopping pa sa isang mataong grocery store sa BGC, Taguig City.
Nang lumaon, nag-anunsiyo ang NBI na bibigyan din ng imbitasyon sa kanilang tanggapan si Senator Koko sa posibleng paglabag sa quarantine protocols.
Si Senator Koko ay kaalyado ni Pangulong Duterte.
Nagpositibo sa virus ang senador, at nagpapagaling pa rin hanggang ngayon. Wala pang balita sa mga maaaring nahawaan niya sa ospital at grocery.
