Isa sa special mention si Pasig City Mayor Vico Sotto sa live speech ni President Rodrigo Duterte, Biyernes ng gabi, April 3.
Direktang sinagot ng President Duterte, 75, ang binabato ng netizens na may kinalaman siya sa diumano'y pamumumilitika kay Vico, 30.
Giit ng Pangulo, wala siyang kinalaman sa imbestigasyon ng National Bureau of Investigation kay Vico.
"Ngayon yung kay Mayor Vico...
"Isang beses lang ako magsalita, yung pag-proclaim ko ng emergency. Sabi ko, 'Huwag ito, huwag doon.' Pagkatapos doon, wala na.
"Nandito lang ako. Wala akong pakialam sa operasyon ng NBI kung anong gusto.
"Karamihan mga abugado 'yang mga 'yan. Ang qualification kasi ng NBI abugado, e."
Wala raw sa job description ng Pangulo ang personal na mag-imbestiga ng sinumang huhulihin ng awtoridad.
"Wala akong... Kayo, huwag kayong...Hindi ako... Trabaho ng police 'yan.
"Ang akin policy, sa taas. Ito, huwag ninyong gawin. Ito, gawin mo. Iyan.
"Ang mag-impose niyan police o military. Wala akong pakialam pagkatapos kung sino mahuli."
Huwag na raw siyang intrigahin pa hinggil dito.
NETIZENS CALLING FOR "#PROTECTVICO"
May kinalaman ang isyu sa pagkuwestiyon ng NBI tungkol sa diumano'y paglabag ni Vico sa quarantine protocol ng gobyerno.
Partikular na rito ang pagpayag ni Vico na bumiyahe ang tricycle drivers sa Pasig City, sa kabila ng tigil-pasada para sa mass transportations habang may community quarantine.
Noong hapon ng April 1 natanggap ni Vico ang reklamo mula sa NBI.
Umalma si Vico dahil malabo raw ang basehan ng reklamo ng NBI na iimbestigahan siya sa paglabag ng Bayanihan Heal As One Act.
Ang insidenteng inirereklamo sa kanya ay nangyari raw noong March 19, at hindi pa saklaw ng Bayanihan Act, na naisabatas lamang noong March 24.
Dagdag ni Vico, sinunod ng local government ng Pasig City ang lahat ng direktiba hinggil sa community quarantine.
Wala naman daw masama kung naghayag man siya ng opinyon noong March 19 sa posibleng pagpasada ng mga tricycle sa kanilang lugar para sa "health and public safety" purposes.
Agad nag-trend sa Twitter ang "#ProtectVico" dala ng maingay na protesta ng netizens, celebrities, at media personalities sa pagpuntirya kay Vico.
Tanong ng mga tagasuporta ni Vico, bakit pinupuntirya ang isang alkalde na umaani ng papuri sa taumbayan dahil sa magandang performance nito sa gitna ng krisis sa bansa?
Gayong may local officials na sumusuway sa quarantine protocol pero binibigyan ng "compassion" ng gobyerno?
Ilan sa mga artistang dumepensa kay Vico ay sina Angel Locsin, Bianca Gonzalez, Zsa Zsa Padilla, Janine Gutierrez, at Julie Anne San Jose.
Nadawit si Pangulong Duterte sa isyu nang pati siya ay batikusin ng ibang netizens.
"SHOOT THEM DEAD" SPEECH
Kinagabihan ng April 1, lalong nagpuyos ang galit ng netizens dahil sa "shoot them dead" speech ng Pangulo.
Umalma ang netizens na nagsabing sa halip na pananakot ay mas kailangan ang mabilis na pagresponde ng pangulo sa pangangailangan ng taumbayan sa panahon ng krisis.
Ilan pa sa mga artistang nag-react sa tingin nilang pananakot ng Pangulo ay sina Angelica Panganiban, Liza Soberano, at Lauren Young.
Gayundin sina Saab Magalona, Khalil Ramos, Ping Medina, at Sam YG.
Malinaw na nakarating na sa Pangulo ang pag-alma ng ilang mamamayan sa isyung ito. Bilang tugon, sinabi nitong misinterpreted ang kanyang pahayag.
Hindi raw niya inutos sa pulisya o military na mamaril na lang basta nang walang dahilan.
"At wala akong sinabi, remember this, abugado ko, I never said in public, 'Shoot to kill, period.'
"Sinabi ko, always 'yan, 'If you think your life is in danger, maging byuda ang asawa mo at mga anak mo mawalan ng tatay, pag tinignan mo na delikado ang buhay mo, unahan mo nang patay.'"
Para raw iyon sa mga kasong "self-defense pati performance of duty" kunsaan nanlaban o nanakit ng awtoridad ang taong inaaresto.
Sabi pa ng Pangulo, "Hindi ako basta-basta bibitaw ng salita."
Dagdag niya, "Matagal akong prosecutor sa Davao city.
"Hindi ko naman pinagyayabang. Iyan ang totoo. Eight years I was doing trial...
"The police must overcome kung inaresto niya."
on netizens posting "#OUSTDUTERTE"
Malinaw ding nakarating sa Pangulo ang trending Topic sa Twitter na "#oustdutertenow."
Aniya, "Huwag na iyang #oustduterte na mga fake news."
Alam daw niyang marami ang nag-aabang kung paano maipaparating sa taumbayan ang pondong PHP275 billion para sa apektado ng COVID-19 crisis.
Aniya, "Yang kaltas-kaltas. The mayor, hindi niya gawin iyan kasi matatalo siya sa elections, nor the barangay captains, but down the line hindi ko masabi.
"I am not accusing anybody.
"So to really avoid and probably a disaster na hindi naabot sa tao, sinabi ko sa secretary ng DSWD, ikaw na ang humawak."
Sabi pa ng Pangulo, si DSWD Secretary at Lieutenant General Rolly Bautista ang bahala kung paano ang gagawing distribusyon.
Baka puwede raw tumulong ang "military" o mga kabataan mula sa Reserve Officers Training Corps (ROTC) sa pamimigay ng ayuda sa nangangailangan.
"Ang problema ngayon hindi kaya ang distribution, kulang ang tao niya...
"Distribution lang naman iyan, hindi yan pamumulitika.
"Basta dumating lang dun, walang problema. Hindi naman panahon ng pulitika."
Sinabi rin niya na ang proseso sa disbursement ang nagpapatagal ng paglabas ng pondo.
"Mag-process lang ng papel, hindi makuha ng tatlong araw," aniya.
Lalo pa raw kung PHP275 billion ang pinag-uusapan.
Kung anu't ano man, sisiguraduhin daw ng Pangulo na magkakaroon ng masususing "audit" sa iluluwal na pondo.
