Balik-trabaho si Sarah Geronimo apat na araw matapos ang secret wedding nila ng actor-athlete na si Matteo Guidicelli.
Ngayong Lunes ng umaga, February 24, nag-update sa social media ang ilang taga-The Voice Teens.
Ayon sa kanila, taping day ngayon ni Sarah para sa ABS-CBN reality-based singing contest kung saan isa siya sa coaches.
Bago nangyari ang kasal nina Sarah at Matteo noong February 20, Huwebes, nag-taping din muna siya para sa The Voice Teens.
“SHE’S VERY HAPPY”
Ang production staff ng The Voice na kasama ni Sarah sa bagong video ay siya ring mga kasama ng Popstar Royalty sa video na lumabas noong Huwebes.
Makikita sa bagong video na ipinost ni @jumarjomar na blooming at nakasuot ng pink close-neck sweatshirt si Sarah.
Kapansin-pansin ang ngiti ni Sarah sa video clip.
Maririnig din ang pagbati niya ng “Hi, good morning!”
Napahalakhak pa ang singer-actress nang magbiro ang isang staff na baka mag-viral uli ang video.
Tanong ni Sarah: “Nag-viral ba?”
Caption ng nag-post ng video: “From ‘good morning’ video nung wedding day to ‘good morning Mrs. Guidicelli’ na today!!!
“SHE’S SO HAPPY!!! [heart emojis]
“WE’RE SO HAPPY FOR HER AND MATT!!!”
Nag-tweet din ang uploader ng video tungkol sa nakakikilig na kuwento sa kanila ni Sarah bilang maybahay ni Matteo.
Kuwento ni Sarah, binati raw niya si Matteo ng "Good morning, asawa ko."
Sa post naman ni Carlo Yanesa, nabanggit nitong kinikilig daw ang The Voice coach kapag tinatawag siyang “misis.”
Tweet niya: “Eto na nga. Napagkwentuhan namen ni Sars na nagviral ung vid. Tinawanan ako. Naabangan daw kasi [ang kasal].
“Happy for you Misis. At kinikilig sya pag tinatawag nun.”
Nai-post din ang larawan ng pagbisita ng mag-asawang Regine Velasquez at Ogie Alcasid, na parehong malapit kay Sarah, sa set ng The Voice Teens ngayong umaga.
Makikita rin sa larawan ang fellow coaches ni Sarah na sina Lea Salonga at apl.de.ap.
SARAH-MATTEO WEDDING
Inabangan ng marami ang napabalitang kasal nina Sarah at Matteo noong February 20, Huwebes.
Ngunit nagduda ang marami dahil noong umaga ng Huwebes ay nag-post ng video ang isang staff member ng The Voice Teens para ipakitang nagti-taping si Sarah.
Ayon naman sa source na nakausap ng PEP.ph, agad na umalis si Sarah matapos ang taping bandang 3:30 p.m.
Lumipas ang gabi, pero walang lumabas na balita kung natuloy ang kasal.
Kinabukasan, February 21, bumulaga ang balitang natuloy nga ang kasal nina Sarah at Matteo.
Pero nabahiran ito ng gulo dahil sa pagpapa-blotter ni Jerry Tamara, ang close-in security ni Sarah, laban kay Matteo.
Reklamo ni Tamara, sinuntok umano siya ng aktor dahil pinagbintangan siya ni Matteo na nagsumbong sa ina ni Sarah, si Divine Geronimo, tungkol sa kasal.
Sa blotter report ni Tamara sa Taguig police, dumating daw si Mommy Divine pagkatapos ng seremonya.
Hiniling umano ni Divine na makausap si Sarah dahil hindi siya nasabihan tungkol sa kasal.
Nang nagkita si Divine at ang pamilya Guidicelli, doon umano nagsimula ang komosyon.
Itinanggi naman ni Matteo na may sinuntok siya noong gabing iyon.
