Paninindigan.
Ito ang inihayag ni Sarah Geronimo na sikreto upang magtagal ang isang relasyon sa kabila ng mga pagsubok na haharapin nito.
Aminadong nag-ala "Dr. Love" si Sarah nang hingan siya ng love advice ng isang contestant sa blind auditions ng ABS-CBN reality show na The Voice Teens: Season 2 noong February 17.
Si Sarah ay coach sa show tulad ng kapwa singers niyang sina Lea Salonga, Bamboo, at apl.de.ap.
Ang contestant na nagngangalang Gabriel Anduyan ay hindi napili ng coaches, pero bago umalis ng stage ay nanghingi ito ng payo kay Sarah.
Tanong ni Gabriel: "Puwede po manghingi ng advice, specifically kay Coach Sarah?"
Natatawang sagot ni Sarah, "Ako pa, iho, ang hiningan mo ng advice. Ako nga hindi ko ma-advice sarili ko."
Kinontra ni Coach Lea ang sinabi ni Sarah na hindi ito marunong mag-advice tungkol sa pag-ibig.
Sabi ni Coach Lea, "You lie! Look at the ring on your finger!"
Ang engagement ni Sarah, 31, sa boyfriend of six years nitong si Matteo Guidicelli, 29, ay naisapubliko noon lamang November 2019.
Napatakip ng bibig si Sarah habang natatawa, at makikitang suot nga nito ang engagement ring na may malaking diamante.
Naulinigan naman ito ng The Voice Teens contestant, na nagsabing hanga siya sa tagal ng relasyon ni Sarah kay Matteo.
Sabi ni Sarah sa contestant, "Bakit mo natanong yun?"
"Para po hindi tayo mag-iyakan sa huli," saad ng contestant, na ang inspirasyon daw sa pagkanta ay ang girlfriend nito.
Pagkatapos ay binanggit ni Sarah na pareho sila ni Daniel Padilla ng pananaw tungkol sa pag-ibig.
Napanood daw kasi ni Sarah ang guest apperance ni Daniel sa Gandang Gabi Vice noong August 2018.
Ibinahagi ni Daniel doon na higit limang taon na silang magkarelasyon ng girlfriend niyang si Kathryn Bernardo.
Kuwento ni Sarah, tinanong din daw si Daniel kung ano ang sikreto ng long-lasting relationship nila ni Kathryn.
"And then, sabi ni Daniel, 'Kasi gusto namin.'"
Sang-ayon daw si Sarah sa sinabing iyon ni Daniel.
Patuloy ni Sarah tungkol sa pakikipagrelasyon: "It's a choice that you make if you feel na talagang she brings out the best in you.
"'Tapos naggro-grow kayo pareho, tanggap niyo ang isa't isa, maganda ang naibubunga niyo sa isa't isa...
"Patuloy niyo i-nurture ang inyong pagmamahalan. Yun lamang po."
SARAH AND MATTEO'S COLORFUL RELATIONSHIP
Tila ganito ang ginawa ni Sarah kaya nagtagal ang relasyon nila ni Matteo na dumaan din sa mga pagsubok.
Ilang beses naharap ang magkasintahan sa kontrobersiya, lalo na noong unang tatlong taon ng kanilang relasyon.
March 2015 nang maiulat sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) na tila hindi pa lubusang aprubado ang relasyon ng dalawa sa ina ni Sarah na si Divine Geronimo, o kilala sa showbiz circles bilang Mommy Divine.
Kapansin-pansin kasi noon ang pagiging missing-in-action ni Mommy Divine sa 25th birthday celebration ni Matteo na dinaluhan ni Sarah.
Ilang araw matapos ang okasyong iyon, nakorner si Matteo ng entertainment reporters sa isang media event, at natanong siya tungkol sa relasyon niya sa mga magulang ni Sarah.
Sinabi noon ni Matteo na malaki ang respeto niya sa mga magulang ni Sarah kahit may mga bagay na hindi sila pareho ng "mindset."
Aniya, "They're the people Sarah loves the most so I love them, too, and I want to love them, too.
“And I hope everything will be better and happier in the future, kumbaga."
May iba pang kontrobersiyang pinagdaanan sina Sarah at Matteo. Pero nanatiling matatag ang dalawa lalo na sa mga sumunod na taon ng kanilang pagiging magkasintahan.
SARAH-MATTEO ENGAGEMENT
Back to present time, marami sa fans ni Sarah ang kinilig sa tinuran ng Popstar Royalty sa The Voice Teens.
Bihira kasi itong magsalita tungkol sa usaping pag-ibig.
Low-key lang si Sarah pagdating sa relasyon nila ni Matteo, kahit pa nitong nagdaang tatlong buwan mula nang isapubliko nila na sila ay engaged na.
Patunay nito ang kaalamang noon pang 2018 nag-propose si Matteo kay Sarah.
Sinikreto lang daw ito ng couple, ayon sa nakababatang kapatid ni Matteo na si Paolo Guidicelli.
SECRET WEDDING
Naging malihim din sina Sarah at Matteo tungkol sa preparasyon para sa kanilang kasal.
Pero usap-usapan na sa showbiz circles na sa darating na Marso nakatakda ang kanilang pag-iisang-dibdib.
Hanggang sa nito ngang Huwebes, February 21, ay lihim na nagpakasal sina Sarah at Matteo sa pamamagitan ng civil wedding.
