Nagbigay ng pahayag si Senator Grace Poe-Llamanzares hinggil sa nalalapit na pag-e-expire ng franchise to broadcast ng ABS-CBN.
Nakatakdang magtapos ang prangkisa ng Kapamilya network sa March 30, 2020.
Malaking pangamba ito sa libo-libong empleyado ng network, kabilang na ang mga artista, kung sakaling hindi ma-renew ang lisensiya ng ABS-CBN.
Ayon kay Poe, sa House of Representatives pa rin magmumula ang inisyatibo upang ma-renew ang broadcasting franchise ng giant network.
“It emanates from the House. Dapat talaga nag-uumpisa sa House,” bungad niya nang makausap ng entertainment press sa birthday celebration ng kapatid na si Lovi Poe sa The Frazzled Cook Restaurant, Quezon City, nitong February 3.
Gayunpaman, may pribilehiyo raw ang Senado na gumawa ng inisyatibo para banggitin ito sa Senate deliberation.
“But there are instances, for example, when it’s budget deliberation, we can have a hearing simultaneously…
“The Senate can take the initiative to start the hearing just to get the ball rolling.
“So, in this case, March na, e, magma-March na, so mukhang sa tingin ko, may obligasyon kami na, at least, umpisahan na.”
Tinanong din ang senadora kung may sapat bang oras upang ma-address ang isyu, lalo pa’t papalapit na ang Marso.
Saad niya, “Ganito lang yun, kung sa Senado, sa tingin ko, may oras kami.
"Dahil sa Senado, mabilis din kaming mag-hearing, lalung-lalo na kung nakahanda na lahat ng tanong."
Si Poe ay nagsilbi ring chairperson ng Movie and Television Review and Classification Board mula October 2010 hanggang October 2012.
SENATOR POE SAYS ABS-CBN CAN APPLY FOR PROVISIONAL PERMIT TO operate
Binanggit din ni Poe ang isang posibleng paraan para pansamantalang maipagpatuloy ng ABS-CBN ang pagbo-broadcast, hangga’t hindi pa nari-renew ang lisensiya nito.
“Kung nag-expire na ang prangkisa at hindi pa tapos ang franchise deliberations, ang option ng anumang prangkisa na nasuspinde muna ay humingi ng provisional permit to operate mula sa NTC [National Telecommunications Commission].
“So ang tanong, bibigyan ba sila ni Mr. Cordoba ng NTC ng permit to operate temporarily, provisional?”
Ang tinutukoy ni Poe ay si NTC Commissioner Gamaliel Cordoba.
“So, yun ang ginagawa ng maraming ibang nag-expire na, pero hindi pa tapos yung [renewal ng] prangkisa—provisional permit to operate.”
Dagdag pa ng senadora, “Ako, makakapagsalita lamang para sa Senado.
“Marami akong nakausap na mga kasama natin doon, suportado naman nila ang pagre-renew.
"Pero siyempre, kikilatisin din mabuti ang magiging kasunduan sa franchise.
“Pero alam mo, ang Senado, kahit na iapruba namin iyan, pag ito ay hindi gumagalaw sa Kongreso, wala ring mangyayari.”
Aniya pa tungkol sa kinakaharap na isyu ng ABS-CBN: “Para sa akin naman, maraming nabibigyan ng trabaho, napatunayan din naman na nakakapagserbisyo sila.
“Walang perpekto. Lahat ay may pagkakamali.
"Kaya lahat iyan ay tinitimbang at mabibigyan ng pagkakataon na iprisinta nila ang kanilang mga magiging plano, kung mabibigyan sila ng prangkisa ng 25 taon pa.”
Isa pang malaking balakid sa hangarin ng ABS-CBN na ma-renew ang kanilang prangkisa ay si Pangulong Rodrigo Duterte mismo.
Ilang beses sinabi ng Pangulo na haharangin niya ang franchise renewal ng ABS-CBN dahil sa hindi raw pag-ere ng istasyon ng kanyang political ad noong 2016 presidential elections kahit na bayad na ito.
Sa pinakahuling balita ng Politiko/Abante nitong Lunes, February 3, hindi pa rin pasok sa agenda ng nakatakdang hearing ng House Committee on Legislative Franchises ang anumang panukalang batas para sa franchise renewal ng ABS-CBN.
