Hindi pa tapos ang legal entanglement sa pagitan ni Kris Aquino at ng dati nitong talent agent, endorsement closer, at digital company project director na si Nicko Falcis.
Ito ay dahil nakabinbin pa sa Branch 117 ng Taguig Regional Trial Court ang kasong credit-card fraud na isinampa ng aktres, TV host, at web star laban kay Nicko.
Biyernes ng umaga, January 23, naganap ang pagdinig ng kaso, at dinaluhan ito ni Nicko, kasama ng kanyang abogadong si Atty. Regi Ponferrada ng Ponferrada Ty Law Offices.
Naroon din ang legal counsel ni Kris na si Atty. Klinton Torralba ng Divina Law, pero hindi nito kasama ang kanyang kliyente.
Naganap ito sa sala ni Judge Ambrosio de Luna.
Naghain si Nicko ng mosyon na payagan siyang makaalis ng bansa at maresolba agad ang kasong credit-card fraud na nakaamba sa kanya.
Pinayagan ng korte ang hiling ni Nicko na magtungong Thailand, kunsaan mayroon siyang inaasikasong trabaho at negosyo.
Ngunit hindi pa nadi-dismiss ang kasong credit-card fraud.
KRIS'S "AFFIDAVIT OF DESISTANCE"
On record, sinabi ng abogado ni Kris na nakapagsumite na si Kris ng "Affidavit of Desistance" sa korte.
Ang Affidavit of Desistance, ayon sa batasnatin.com, ay ang written statement ng isang complainant na nagsasabing hindi na ito interesadong tumestigo o ipagpatuloy pa ang kasong isinampa nito.
Pero ayon sa korte, bago maresolba ang kaso ay kailangan munang humarap si Kris upang maghain ng kanyang "Affidavit of Desistance" sa public prosecutor ng Taguig.
Hindi raw kasi ang Taguig public prosecutor ang nakapirma sa unang dokumentong isinumite ni Kris upang mahinto ang kasong credit-card fraud.
Sinabi naman ng abogado ni Kris na muling magsusumite ang kanyang kliyente ng "Affidavit of Desistance" sa Taguig public prosecutor.
Karugtong pa rin ito ng nauna nang napabalitang settlement nina Kris at Nicko.
Noong October 16, 2019, isinapubliko ng dalawa ang kanilang kasunduang tinatapos na nila ang lahat ng kanilang "financial issues" at "personal differences."
Iisa ang laman ng kanilang press statement galing sa kani-kanilang legal counsel. Hindi rin nagpaunlak ang dalawang kampo ng panayam sa media.
JUNKED ESTAFA
Una nang nabasura ang kasong estafa na kinaharap ni Nicko, sa pagdinig sa Branch 70 ng Taguig RTC, noong Miyerkules, January 22, 2020.
Sinabi roon ni Judge Ma. Victoria Padilla-Awid na sapat na ang "Joint Motion For Dismissal" na inihain ng kampo ni Kris at kampo ni Nicko.
Nabanggit din ng hukom na binigyan ng mga pagkakataon si Kris humarap sa korte upang personal na kumpirmahin ang mosyong iyon. Pero makailang-beses daw itong hindi dumalo kaya ibababa na ng hukom ang kanyang desisyon.
