Ipinahayag ng non-showbiz boyfriend ni Kiray Celis na si Stephen Estopia ang pagmamahal niya sa aktres sa pamamagitan ng Instagram nitong Martes, January 14.
Ito ay kasabay ng pagdiriwang ng kanilang unang buwan bilang magkasintahan.
Mensahe ni Stephan, 23, para sa 25-year-old actress na kung tawagin niya ay "Mommy" (published as is):
“Happy 1st monthsary mommy!! sorry na late post ko thank you sa lahat. Sa efforts. Sa love. Sa pag mamahal sa family ko.
"Thank you for making me feel loved and special. I love you ery much mommy [heart emojis] happy monthsary [kissing emojis]"
Kung susuriin ang Instagram account ni Stephan, makikitang marami siyang ipinu-post na mga larawan nila ni Kiray.
Kalakip nito ang sweet captions kagaya ng “I am not the best, but i promise i will love you with all my heart.”
KIRAY'S PHOTO ON BOYFRIEND'S WALLET
Sa isang recent post naman ni Kiray, ibinahagi niya ang importansiyang ibinibigay sa kanya ng boyfriend.
Ipinost ni Kiray ang larawan ng wallet at cellphone ng kanyang kasintahan.
Makikita na ang wallpaper ng cellphone ni Stephan ay ang larawan nilang dalawa.
Nakalagay naman sa wallet nito ang recent photo ni Kiray, pati na rin ang larawan ng Kapuso comedienne noong bata pa ito.
KIRAY’S NEW BOYFRIEND
Sa presscon ng pelikulang D'Ninang noong nakaraang linggo, nagsalita si Kiray tungkol sa kanyang bagong boyfriend.
Ayon kay Kiray, matagal na niyang kilala si Stephan dahil best friend ito ng kapatid ng aktres.
Inilarawan ni Kiray ang boyfriend bilang “super mabait” at “sobrang marespeto.”
"Kasi family-oriented ako, sobrang nirerespeto niya ang magulang ko and ang mga kapatid,” dagdag niya.
Sa naturang presscon din ibinunyag ni Kiray na December 2019 nang maging magkasintahan sila.
Umaasa rin si Kiray na si Stephan na ang makakatuluyan niya.
