Nagbigay ng kanyang saloobin si Aga Muhlach, 50, kasunod ng pagkatalo niya kay Allen Dizon bilang best actor sa katatapos lang na Metro Manila Film Festival (MMFF).
May mga nadismaya na hindi kay Aga iginawad ang acting trophy para sa performance niya sa Miracle In Cell No. 7, na nanguna sa box-office race.
Ang hinirang na best actor ay si Allen Dizon para sa pelikulang Mindanao.
Hindi itinanggi ni Aga na gusto niyang manalo, pero sa tinagal-tagal niya sa industriya ay natuto na raw siyang huwag umasa.
“Sinong may ayaw noon, ano?" sabi ni Aga sa interview niya sa ABS-CBN late-night talk show na Tonight With Boy Abunda (TWBA) na umere nitong Miyerkules, January 9, 2020.
“Pero sa akin, sa tinagal-tagal ko na rin sa industriyang ito, I’ve had my share of… yung mga ganyan…
“Even when I was younger, I would really expect… parang, ‘I wanna win in this awards night, in this award-giving body. I wanna win!’ Biglang talo ka.
“So, I’ve learned. I’ve learned not to expect.”
Sabi pa ng dramatic actor, sa tinatagal-tagal niya sa showbiz, natukoy na niya kung ano ang mahalaga para sa kanya.
“And pati yung mga tropeyo, I’ve learned not to take that seriously, really.
“Para sa akin, ang tropeyo ko... hindi ito showbiz, a... ang tropeyo para sa akin, pag ang pelikula ko pinanood.”
Ano ang tingin niya sa acting trophy?
“Gusto ko siya. Masarap sa gabing yun pag nanalo ka.
"Pero pag di ka nanalo, it doesn’t change you."
Masaya rin daw si Aga kung sino mang katunggali niya ang mananalo ng award, dahil alam niya ang pakiramdam kapag nanalo.
“Kaya kung sino man ang manalo, masaya ako para sa kanya.
“Like for Allen, he won best actor.
“I’m, like, ‘Wow, I know that feeling.’ Alam ko yung feeling ng nananalo, masarap.
“Congratulations, really. Congratulations!
“Walang masama. Okay na yun.
“Okay lang talaga yun,” diin ng aktor.
Binanggit din ng host na si Boy Abunda na sa bilang niya ay tinatayang may 13 acting trophies na si Aga.
Maging si Robin Padilla ay nag-post sa Instagram at nagbigay ng kanyang opinyon kung bakit hindi si Aga ang nanalo.
Ayon sa action star, dahil marahil adapted sa isang Korean hit movie ang pelikula ni Aga kaya hindi iginawad dito ang tropeyo.
Bahagi ng komento ni Robin (published as is): “Sa akin opinyon baka dahil Adaptation po kasi ang miracle kaya nahirapan po ito lumusot sa criteria ng mga masusing artist at jurors”
