Hiwalay na ang Brazilian-Japanese model-actor na si Daniel Matsunaga sa kanyang Polish model girlfriend na si Karolina Pisarek.
Ito ay ayon sa ulat ng isang Polish website noong December 27, 2019.
Ang dahilan ng kaniwalang hiwalayan: ang "infidelity" diumano ni Daniel.
Nakalagay sa isang bahagi ng balita ng nasabing website:
“Karolina Pisarek is single again.
“The participant of 'Top Model' parted with her boyfriend - according to gossip media, because of his infidelity.”
Kapansin-pansin namang walang bagong posts sina Daniel at Karolina na magkasama sa kani-kanilang Instagram accounts.
Hindi katulad dati na maya’t maya ay mayroong bagong posts tungkol sa kanilang sweet moments together.
Ang huling post ni Karolina ay noon pang November 28, 2019 kung saan binati niya si Daniel sa ika-31 kaarawan nito.
Si Daniel naman ay huling nag-post ng larawan nila ni Karolina noong September 3, 2019.
Unang inamin ni Daniel ang relasyon nila ni Karolina noong October 2017.
Nagdiwang sila ng kanilang ikalawang anibersaryo noong August 1, 2019.
Pagbati pa noon ni Daniel sa nobya: “Happy anniversary my love!!2 years !!i love you!! see u soon!cant wait to see you smile like this again!”
Nagpadala na ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ng text message kay Daniel upang hingin ang kanyang panig ukol sa balitang ito.
