Tinawag ng isang netizen na “pakitang tao” ang pagtulong ni Heart Evangelista sa mga taga-Sorsogon na sinalanta ng bagyong Tisoy kamakailan.
Sa post ng 34-anyos na actress-social media influencer nitong Miyerkules, December 18, makikitang kasama siya ng militar sa paghahatid ng relief goods sa Sorsogon.
Ang relief goods ay resulta ng donation drive na inilunsad ni Heart.
Sa caption, nagpasalamat ang misis ni Sorsogon Governor Chiz Escudero sa lahat ng nagbigay ng donasyon para sa mga binagyo sa probinsiya.
Saad sa post ni Heart: “Words cannot express how thankful I am to friends, family, and everyone who donated for the relief operations. (heart emoji)
“Sorsogon is forever grateful to all of you and your kind hearts.
“It has been quite rough these past few weeks but I know in my heart that all will be well because these wonderful Sorsoganons are filled with strength and resilience. #MahalKongSorsogon.”
HEART GETS COMPARED WITH ANGEL LOCSIN
Pero hindi nagustuhan ng isang netizen ang pagpu-post ni Heart sa social media ng pagtulong sa mga binagyo “with matching buhat kahon na nakaHEELS.”
Sinabi pa ng netizen na “masyadong pakita tao” ang post ni Heart, na kung gusto raw talagang makatulong ay pribado dapat—gaya ng ginagawa ni Angel Locsin.
Komento ng netizen (published as is): “Why do you need to post that your helping people with matching buhat kahon na nakaHEELS o funny miss.
“Masyado pakita tao.
“If you really want to help make it in private like ms @therealangellocsin she’s helping people many years pero she is not posting it to social media, it just happened someone did a stolen shot to her helping people.
“But you hindi bagay halata hindi galing sa puso.
“Be yourself nlang kesa magpaka hypocrisy.
“Anyway this is only my opinion sa photos mo. Peace!”
FANS DEFEND HEART
Hindi sinagot ni Heart ang basher, pero kinuyog ito ng kanyang mga fans.
Katuwiran ng isang follower ni Heart, ang post ng actress-visual artist ay upang makumpirma sa mga nag-donate na nakarating sa nangangailangan ang ibinigay nilang tulong.

Giit naman ng isa pa, magsisilbing inspirasyon ang post ni Heart upang makakalap ng mas marami pang ayuda para sa mga binagyo.

Isang Instagram follower ni Heart ang dumepensa sa kanya at nagsabing mabilis ang naging pagbangon ng lalawigan dahil sa mga dumating na tulong.

Isa ang Sorsogon sa matitinding sinalanta ng Tisoy nitong December 2.
Batay sa latest update ng provincial government ng Sorsogon, ilang pamilya ang nananatili pa rin sa mga evacuation sites sa ilang bayan sa probinsiya.
THE HUMANITARIAN-VOLUNTEER IN ANGEL
Sinita rin ng ilang fans ni Heart ang basher at sinabing wala sa lugar ang pagkukumpara nito kina Heart at Angel.


Nauna nang kumalat sa social media ang mga litrato ng pagtulong ni Angel sa mga nilindol sa Mindanao noong Oktubre.
Noong nakaraang linggo, nagsulputan din ang mga larawan ni Angel habang namimili ng relief goods para sa mga sinalanta ng Tisoy sa Northern Samar.
Dahil sa mga ginagawang ito ni Angel, napabilang siya kamakailan sa Heroes of Philanthropy list ng Forbes magazine.
Pero paliwanag ng isa pang follower ni Heart sa basher, kaibigan ni Angel ang kumukuha ng mga litrato niya.
Dahil dito, alam ni Angel na lalabas sa social media ang mga pictures niya kahit pa hindi siya mag-post sa sariling social media account.

Sa tindi ng batikos na inabot ng basher, kinabukasan, December 19, ay nag-delete na ito ng account sa Instagram.
