“Fake news.”
Ito ang reaksiyon ni Alan Peter Cayetano,chairman ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC), sa balitang walang “Best SEA Games Organizer” award.
Inalmahan ni Cayetano, na kasalukuyan ding Speaker ng Lower House, ang balitang ito na lumabas ngayong Huwebes, December 5.
Ito ay kasunod ng pagba-viral ng balita nitong Miyerkules, December 4, tungkol sa pagtanggap ng Pilipinas ng naturang pagkilala mula sa Sports Industry Awards Asia (SPIA) para sa pag-oorganisa sa 30th Southeast Asian (SEA) Games.
Idinaos ang awarding ceremonies nitong Martes ng gabi, December 3.
Kaagad itong ibinalita ng official news agency ng gobyerno, ang Philippine News Agency (PNA).
Titulo ng artikulo ng PNA: “Asia award body hails Phisgoc as ‘best SEAG organizer.’”
Sa news item, makikita sa litrato ng event na personal na tinanggap ni Cayetano ang award.
Mabilis na na-pick up ng iba pa at pawang mga lehitimong news organizations ang naturang balita, na kaagad nag-viral.
BEST SEA GAMES ORGANIZER AWARD, A PRESS RELEASE?
Miyerkules ng gabi, ipinost sa Facebook ni Eric Cabahug, isang award-winning screenwriter, ang parehong report mula naman sa FOX Sports, at tinawag niya itong “misleading.”
Sa post, sinabi ni Eric na ang balita tungkol sa Best SEA Games Organizer award ay “a press release from Phisgoc.”
Ang totoo, giit ng Carlos Palanca awardee, “there was no ‘Best SEA Games’ award,” at hindi totoong pinarangalan ang PHISGOC “as ‘Best SEA Games Organizer.’”
Paliwanag ni Eric: “The award that was given to Allan Peter Cayetano was a citation for his individual contribution to sports (apparently based solely on his involvement as chairman of the organizing committee for the 2019 SEAG).”
JUST A “PERSONAL COMMENT”
Ayon kay Eric, ang “Best SEAG” ay binanggit lang ng chairman ng SPIA, si CEO Eric Gottschalk, kay Cayetano nang iabot ang trophy sa kongresista.
Saad pa sa post ni Eric, “The ‘Best SEAG’ statement was merely a remark made by the SPIA chairman as he handed the trophy to Cayetano.
“It was a personal comment that he based purely on the number of events in the current edition of the Games.”
Dagdag pa ni Eric, ang awarding ceremonies ng SPIA ay kabilang sa mga aktibidad na inorganisa ng SEA Games, at “probably even sponsored by Phisgoc.”
Sa official website ng SPIA, inilarawan nito ang award-giving body bilang "most Authentic and Credible Awards and Conference Platform for the Sports Industry in Asia."
Sa parehong post, nagbigay rin si Eric ng link sa listahan ng official awards na ipinagkaloob ng SPIA.
Nakumpirma sa naturang link sa official website ng SPIA na walang kategorya para sa Best SEA Games Organizer.
CAYETANO ON RECEIVING THE AWARD: “AKO MISMO NAGULAT”
Pero sa interview kay Cayetano, na naka-post sa official Facebook account ng kongresista, nanindigan siya sa tinanggap na award para sa pag-oorganisa ng SEA Games.
“Ako mismo nagulat ako, dito sa award na ito,” sinabi ni Cayetano sa harap ng mga reporters.
“Nakakalungkot lang na maraming fake news na umiikot na sinasabing hindi totoo yung award, o kaya gobyerno daw ng Pilipinas ang SPIA, or inisponsoran namin.
“These are all not true,” giit ng PHISGOC chief.
Sinagot din ng kongresista ang pagkuwestiyon ng ilan kung bakit tumanggap na ng Best SEA Games Organizer award ang bansa, gayung sa December 11 pa matatapos ang sports event.
“Nakakalimutan kasi nung mga nagtutuligsa, or mga nagpe-fake news, our hosting started the day that I accepted the (SEA Games) flag in Malaysia.
“So marami pong event na wala sa media, from hosting the technical officials, from bringing in the SEA Games federation, mga conference the last year and a half na naganap, kasama lahat yan sa hosting," paliwanag ni Cayetano.
PHISGOC MUM, PNA TAKES DOWN REPORT
Samantala, hiningan ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ng komento ang pamunuan ng PHISGOC tungkol sa post ni Eric, pero hindi ito nagbigay ng anumang pahayag hanggang sa mailathala ang report na ito.
Ilang beses ding sinilip ng PEP.ph ang artikulo ng PNA tungkol sa award, na ginamit na batayan sa iniulat ng mga news organizations, pero na-take down na ito sa kanilang website pasado 4:00 ng hapon ngayong Huwebes.

