Nanawagan si Gretchen Ho na pagtuunan ng pansin ang mga positibong aspeto ng isinasagawang 2019 Southeast Asian (SEA) Games sa kabila ng “pamomolitika at korapsyon.”
Si Gretchen ay kasalukuyang nagko-cover ng SEA Games para sa ABS-CBN.
Ngayong Huwebes, December 5, nag-post ng mensahe si Gretchen sa Twitter bilang reaksiyon sa mga kontrobersiya kaugnay ng paghu-host ng Pilipinas sa 2019 SEA Games.
Kabilang na rito ang isyu sa P50-M cauldron para sa torch-lighting ceremony, diumano’y aberya sa food and accommodation ng mga atleta, unfinished facilities, mismanagement umano ng pondo, at iba pa.
GRETCHEN: LOOK ON THE BRIGHT SIDE
Mensahe ni Gretchen, huwag kalimutan ang magagandang bahagi ng malaking international sports event na ginaganap sa bansa.
Sunud-sunod na tweets ng dating volleyball player:
“Ang daming magagandang kwento ang mahuhugot mula sa mundo ng sport.
“Sana kahit pagkatapos ng #SEAGames2019, tuloy tuloy pa rin ang pagbabahagi natin ng mga ito [smile emoji]”
“High morale ang lahat ngayon dahil sa #SEAGames2019. Sana ituloy natin yung ganitong pagpapahalaga sa mga atleta.”
May mungkahi rin ang Kapamilya host para paigtingin ang suporta sa Filipino athletes.
Aniya, “Para umunlad ang sports sa Pilipinas, kailangan tuloy-tuloy ang suporta ng gobyerno at private sponsors. Hindi lang sa mga sikat ha? Sa grassroots.”
Tweet pa ni Gretchen: “Alam naman natin yung mga problema sa sports — pamomolitika at korapsyon.
“Pero nakikita rin natin na marami nang pagbabago, at marami na ring mga batang atleta ang naglalakas-loob para ipagtanggol ang sport na kinalakihan nila.
“Patuloy lang tayo, Pilipinas [Philippine flag emojis] #SEAGames2019”
GRETCHEN NOT SPARED FROM CONTROVERSY
Maging si Gretchen ay nadawit sa ilang isyu kaugnay ng pagko-cover niya ng SEA Games.
Ilan netizens ang bumatikos kay Gretchen dahil sa mga tanong niya sa Singaporean beach volleyball player na si Mark Shen noong November 28.
Ayon sa netizens, ang mga tanong ni Gretchen ay walang kinalaman sa sport ng Singaporean athlete.
Inakusahan pa si Gretchen ng netizens na naghahanap daw ng butas para batikusin ang pamahalaan, kasunod ng mga isyu at reklamong nagsulputan kaugnay ng SEA Games.
Sa interview na ipinost sa Twitter, inusisa ni Gretchen si Mark tungkol sa accommodation at reception.
Ito ay kaugnay ng alegasyong na-stranded umano sa airport ang ilang foreign athletes mula airport hanggang accommodation sa hotel.
Tinanong din ni Gretchen ang Singaporean volleyball player tungkol sa pagkain, transportasyon, at facilities na lahat ay nabalutan ng isyu.
Naging safe naman ang mga sagot ng Singaporean athlete at tiniyak na matiwasay ang serbisyo at pasilidad sa bansa.
Narito ang ilang netizens na pumuna sa interview ni Gretchen:


Pinag-usapan din si Gretchen nang kumalat sa social media ang mga larawan nila ni Pasig Mayor Vico Sotto habang nanonood ng laban ng Vietnam at Pilipinas sa women’s volleyball.
Maging si Mayor Vico ay napa-react na rin dahil sa pagbatikos sa kanya kaugnay ng lumabas na larawan nila ni Gretchen.
