Viral ngayon ang video ng paghingi ng tulong kay Raffy Tulfo ng isang dating personal assistant (PA) laban sa young actress na dati nitong amo.
Sa Wanted sa Radyo radio program na napanood sa YouTube nitong Lunes, December 2, dumulog sa broadcaster si Annalaine Revilla.
Si Annalaine ay dating PA ng hindi pinangalanang aktres, na tinatawag niya sa pangalang "Manika."
Paglalarawan ni Tulfo, isang "batang aktres mula sa Star Magic" ang inireklamo ni Annalaine.
Kuwento ni Annalaine, mahigit isang buwan siyang nagtrabaho para sa young actress bilang stay-in PA.
Gayunman, itinuring daw siyang kasambahay ng celebrity, gayundin ng ina nito, ng kapatid nitong lalaki, at ng live-in partner ng huli.
“Simula nung dumating ako dun, halos hindi na sila kumikilos.
“Parang ang dating, parang naging kasambahay nila ako,” giit ni Annalaine.
OVERWORKED, UNDERPAID?
Dagdag pa ng dating PA, P7,000 lang ang buwanang pasuweldo noon sa kanya ng young actress kahit pa umano “umaabot ng 24 hours pag may taping” ang serbisyo niya rito.
Bukod dito, sinabi ni Annalaine na pinagbintangan siya ng aktres na magnanakaw.
Nagawa pa umano siyang siraan ng aktres sa isang kapwa niya PA sa pamamagitan ng private message.
Sinabi ni Tulfo na nakausap niya ang celebrity at sa balik-reklamo ng pamilya ng aktres, sinabi umano ng mga ito na "mabait sila pero abusado" si Annalaine.
Mariin itong itinanggi ng dating PA.
Ayon kay Tulfo, gusto ng young actress na makipag-ayos sa dating empleyado kaya pinapag-usap sila ng broadcaster sa telepono.
YOUNG CELEBRITY AIRS SIDE
Depensa ng young actress, itinuring ng kanyang pamilya na kamag-anak si Annalaine.
Sinabi ng celebrity na "napikon" siya nang idamay umano ni Annalaine ang ina sa naging reklamo nito.
Itinanggi rin ng aktres na itinuring nilang kasambahay si Annalaine, at hindi raw totoong tinawag niya itong magnanakaw.
Aniya, binanggit lang niya sa dating empleyado na “may nawawala akong mga gamit," pero wala siyang ipinost sa social media kung may pinaghihinalaan siya.
Hindi naman pinabulaanan ng celebrity na hindi sapat ang ipinasuweldo niya kay Annalaine.
Sa huli, hindi na isinahimpapawid ang pag-uusap sa telepono ng aktres at ng dati nitong PA.
Ayon kay Annalaine, nangako ang young actress na babayaran ang kulang sa kanyang suweldo.
Tungkol sa paghingi ng sorry, isinagot ni Annalaine: “About dun sa mga ginawa niya, hindi pa naman kami nag-uusap pa.
"Yung talagang settled down talaga na nakakapag-sorry-han na.
"Pero ipina-realize ko sa kanya na sana ako na ang last na tao na gagawan nila ng ganun."
NETIZENS TRY TO GUESS YOUNG ACTRESS'S IDENTITY
Samantala, tinangka ng netizens na tukuyin ang pagkakakilanlan ng aktres na Star Magic talent na paksa ng reklamo.
Gayunman, walang kumpirmasyon sa tunay na pagkakakilanlan ng inireklamong young actress.
Wala ring inilalabas na pahayag ang pamunuan ng Star Magic tungkol sa isyu hanggang sa mailathala ang report na ito.
May halos 2.5 million views na ang naturang video sa YouTube hanggang kagabi, December 3.
