Sobrang saya si Coco Martin para sa kaibigang si Vice Ganda matapos aminin nito ang relasyon kay Ion Perez.
“Alam mo naman si Vice, ang hinahanap lang niya talaga ay yung magmamahal lang talaga sa kanya,” lahad ni Coco.
“Totoong magmamahal sa kanya... kasi nasa kanya na ang lahat. Wala nang hihilingin pa 'yan sa buhay, e.
"Maayos na rin ang family niya, nagmamahalan sila, healthy si Tita [ina ni Vice].
“Ang kulang na lang ay magpupuno sa puso niya, at nahanap na niya ngayon.
"Kaya proud ako sa kanya at masayang-masaya ako dahil sobrang saya niya."
Naipakilala na ba ni Vice si Ion sa kanya?
“Hindi pa, di pa kami nakakapag-meet,” tugon ng Kapamilya Primetime King.
“I'm sure, si Vice, ayaw niyang ipa-meet sa akin. Kasi dati, pag may boyfriend 'yan, lagi kong inaaway.
“Siyempre, lalaki ako, e. Dahil mahal ko siya, kaibigan mo at bilang lalaki, pinoprotektahan mo. Ayaw mo siyang lolokohin, pagsasamantalahan.
“Pero sa ngayon, sa mga naririnig ko, sa nababalitaan ko, napakabait ni Ion.
"Kaya natutuwa ako na nakahanap na rin siya sa wakas ng magpapasaya sa kanya at magmamahal nang totoo."
Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at Cinema News si Coco sa ABS-CBN Christmas Station ID shoot noong Nobyembre 10, Linggo, sa Studio 4 ng ABS-CBN Compound, Quezon City.
EXCITED TO WORK WITH AGA MUHLACH
Idolo ni Coco si Aga Muhlach, kaya na-excite siya nang magpahayag si Aga ng interes na mag-guest sa FPJ’s Ang Probinsyano.
“Kinilig. Mag-guest? Siyempre naman, napakalaking karangalan namin, lalung-lalo na ako,” sambit ni Coco.
“Sabi ko, bata pa lang ako at alam ni Kuya Aga yun kung gaano ko siya iniidolo.
“Siyempre, kung papalarin at magge-guest namin siya sa Probinsyano, isang malaking karangalan sa aming lahat yun."
Positibo ang pagtanggap ni Coco sa memes kaugnay sa FPJ’s Ang Probinsyano.
“Kahit ako naman natatawa, e, pero ano yun, tinitingnan ko siya as positive.
“Sabi ko nga, basta hangga't nakakapagbigay tayo ng magandang inspirasyon, napapaligaya natin ang mga Filipino, nandito pa rin po kami."
COCO'S MMFF ENTRY
Nalungkot si Coco nang hindi pumasok sa First 4 ng 45th Metro Manila Film Festival (MMFF) ang pelikula nila ni Jennylyn Mercado na 3Pol Trobol: Huli Ka Balbon.
“Kasi, ginawa ko talaga yung pelikula para sa Pasko, e,” pag-amin ni Coco.
“Sabi ko, talagang nilu-look forward ko every Christmas na kasama ako sa Metro Manila Filmfest kaya nung di nakapasa yung script, sabi kong ganun, ‘Talagang pagbubutihan ko.’
"Kaya nung syinut ko na siya, ang mindset ko talaga is walang iba kundi ang pelikulang ito, gagawin ko talaga para sa araw ng Pasko."
Pero nawala ang kalungkutan ni Coco dahil nakapasok sa Final 4 ang pelikula niya.
“Nung nakapasok na siya, sobrang tuwang-tuwa kami.
"Talagang hirap na hirap ako sa pelikulang ito. Ako ang nagdirek, ako ang nagsulat, ako rin ang nag-produce, ako ang umarte.
“Sabi ko nga, napakaespesyal sa akin ng pelikulang ito.
"Gusto ko ring pasalamatan lahat ng taong nakatrabaho ko especially yung mga artista dahil sa suporta na ibinigay nila sa akin."
