Bago pa man umamin sina Andrea Torres at Derek Ramsay na sila, halata na ng marami na may namamagitan sa kanila base na rin sa social posts ng The Better Woman lead stars.
Kahapon, September 25, nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at ilang piling reporters sina Andrea at Derek sa last taping day ng teleserye nila sa Antipolo, Rizal.
Dito ay kitang-kita ang kaligayahan nilang dalawa.
Tinanong ng PEP.ph si Andrea kung gaano siya kasaya ngayon.
“Gaano kasaya? Sobrang saya,” pakli ng 29-year-old Kapuso actress.
“Marami ang nakakapansin ng difference.
“Parang ngayon lang din naman ako naging vocal. Ngayon lang din naman ako nagpu-post.
“Dati, my family, work or sarili ko, kaya siguro halatang-halata.
“But then, ganun nga kasi, minsan kapag masyado kang happy, hindi mo na ma-keep sa sarili mo. Hindi mo na rin ino-overthink.”
Bukod sa pagiging leading man sa The Better Woman—na magpi-finale episode na bukas, September 27—ano si Derek sa puso o buhay niya ngayon?
“The closest guy to me right now!” natawang sabi ni Andrea.
In love sila sa isa’t isa?
“Asawa ko siya sa The Better Woman, e!” natatawa pa ring sagot ng aktres.
Kaya hiniritan siya ni Derek ng “Ang showbiz mo!”
IT JUST HAPPENED
Ayon kina Andrea at Derek, walang ligawang namagitan sa kanila.
“It just happened,” sabi nila.
Biro tuloy ng kaharap niyang press kay Andrea, hindi ito nagpaligaw.
“Hindi namin plinano, e,” sabi naman niya.
Hindi ba siya nagdalawang-isip dahil sa “playboy image” ni Derek?
“Hindi naman kasi ako yung nagdya-judge agad,” sagot ni Andrea.
“Noong nag-meet kami, wala naman akong impression, wala naman akong itinatak sa utak ko.
“More on, naaano lang ako na, ‘Shucks, wala kaming common friends, wala akong nababalitaan kung paano ba siya tratuhin.’ More on ganun lang.”
Hindi ba “natakot” ang mga magulang ni Andrea na magkaroon siya ng relasyon kay Derek?
Ayon sa Kapuso actress, “Si Mommy kasi, siyempre nakakasama ko kasi siya sa set. Nakikilala naman niya.
“Witness naman siya sa lahat ng nangyari sa amin. So, okay talaga siya kay Derek.
“Kasi, from the very start, nakita niya na marespeto, friendly rin sa kanya.”
Ang ama raw ni Andrea ang medyo napaisip tungkol kay Derek.
Nakangiting kuwento ng Kapuso actress, “Si Daddy yung medyo, ‘Ano kaya?’ Pero confident naman ako na magugustuhan niya.
“Si Daddy, siyempre noong una, ‘Hmmm... ano kaya?’ Pero hindi pa naman niya nami-meet.
“Once na na-meet na niya si Derek, yun, puro magaganda ang nasabi niya.
“So, nakakatuwa.
“Kasi si Daddy rin yung kapag ayaw niya, ayaw niya. Medyo mahirap siyang ma-impress.”
DEREK BEING ACCEPTED BY ANDREA’S PARENTS
Natawa si Andrea nang tanungin ng PEP.ph kung ngayon lang naging ganun katanggap ng kanyang magulang ang lalaking mahal niya.
Saad niya, “Nakakatuwa lang din kasi kasama namin sila sa mga plans namin.
“Kasi, close nga kami sa parents namin.
“At saka masarap yung may blessing ng parents namin.”
Dalawang beses na raw nakakapag-dinner si Andrea at ang kanyang mga magulang sa bahay nina Derek.
Sinang-ayunan ni Andrea ang obserbasyong tila maganda ang impluwensiya sa kanya ni Derek, partikular na sa pagiging “vocal” ng kanyang nararamdaman.
“Good influence siya sa akin,” sabi ng dalaga.
“Marami siyang naituro sa akin. Very open kasi kami sa isa’t isa.
“Di ba, minsan may nakakahalubilo tayo na binabago ka niya?
“Siya, binabago niya ako dun sa bad habit na meron ako.
“Yung parang ganyan, masyado kong iniisip ang ibang tao.
“Parang nakakatuwa lang na wala siyang ibang thought kung hindi i-push ako to be myself, para makita ang worth mo.
“Ina-accept ka niya for who you are, kung ano ang mga gusto mong sabihin. Kung ano talaga ang mga nasa isip mo.”
Pagsang-ayon pa ni Andrea, “Yes, it pays to wait.”
