Magaganap ngayon ang awards night ng 12th Eurasia International Film Festival sa Almaty, Kazakhstan.
Ang indie film nina Ai-Ai delas Alas at Allen Dizon titled Area ay in competition sa feature films category sa 2016 Eurasia IIF.
Maugong ang balita na malaki ang chance ni Ai-Ai na manalo ng Best Actress award dahil pinupuri ng manonood ang pagganap niya bilang aging prostitute sa pelikula na mula sa direksyon ni Louie Ignacio at hango sa mga tunay na pangyayari.
Hindi maipaliwanag ni Ai-Ai ang kaligayahan na naramdaman nang lapitan at kausapin siya ng lady director na si Miriam Heard ng Chile.
Pinuri ni Heard ang performance ni Ai-Ai sa Area. Si Heard ang direktor ng Wastelands na in competition din sa EIIF.
Sa exclusive interview ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Ai-Ai, sinabi ng Comedy Queen na naluluha siya dahil nagustuhan ng foreign audience ang Area.
“Nakakaluha yung appreciation nila. Hindi man ako manalo, sobra na yung warm reception nila sa akin.
“Sabi ni Direk Miriam, napakagaling ko raw at tamang-tama ang timpla ng acting ko.
“Hindi raw over at saka, galing sa ilalim at sa puso. Marami pa siyang sinabi na hindi ko na naintindihan dahil nagulat ako nang lumapit siya sa akin at nagpa-picture,” ang kuwento ni AiAi tungkol sa unforgettable experience niya ngayong hapon sa kanyang dinaluhan na international film festival.
Kasama ni Ai-Ai sa Kazakhstan ang Area producer na si Dennis Evangelista na pinatotohanan ang balita na pinupuri ang performance ng Comedy Queen sa Area.
“We are crossing our fingers for Ms. Ai-Ai delas Alas. After the screening, everyone is raving about her amazing performance as Hillary.
“Majority of the press people in Kazakhstan is predicting her victory. Teenagers who embraced her said that after watching the movie, they deeply missed their mother.
“Delas Alas truly touched the heart of the audience. For that alone, she is a winner. Win or lose we are proud of her. Mabuhay!” ang hopeful na pahayag ng producer.