Usap-usapan online ang pagsusuot ng wedding gown ng isang nanay sa graduation ng kanyang anak sa Mariveles, Bataan.
Hati ang reactions ng netizens sa topic.
Ang mga kritiko, tinawag na “nagpapa-trend” at “agaw-eksena" ang ina dahil sa napiling kasuotan.
"Kala ko ikakasal nung una, yun pala magsabit lang ng medalya," banat ng isang netizen.
Dagdag ng isa pa: "Sorry pero ibinabagay sa occasion ang suot."

Ang iba, nag-joke tungkol sa eksena.
May nagbirong naligaw yata ang bride.
Hirit ng isa pa, multi-tasking daw ang bride na umalis muna sa reception at nagpunta sa graduation.
Pero may mga positibong comments din.
Deserve raw ng ina ang magsuot ng magarbong gown dahil humakot ng mga medalya ang anak niyang nagtapos sa elementary.
Honor student kasi ang bata.
"Kahit naman ako kung ganyan kadami ang awards ng anak ko... at wala akong paki sa sasabihin ng iba, baka red carpet pa yan..." supportive comment ng isang netizen.

Read: Rolan Popatco Jr.: Proud Aeta now a medical technologist
MOM DEFENDS, EXPLAINS WEARING GOWN
Naganap ang recognition day sa Baseco Elementary School noong March 30, 2026.
Ang mommy na nag-viral ay si Mary Grace Gundayao-Galgao, na ayon sa kanyang profile, ay isang working mother, fish vendor, at content creator.
Batay sa kanyang previous posts, honor students lahat ang tatlo niyang anak na lalaki.
At very proud siya sa achievement ng kanyang anak na kaka-graduate sa elementary.
Para rin daw siyang nagtagumpay bilang magulang.
Bahagi ng kanyang post: “Hindi lang anak mo ang umaakyat sa stage…kasama ka rin sa bawat hakbang na iyan.
“Yung mga puyat mo. Yung pagod mo. Yung sakripisyo at tahimik mong suporta.
“Hindi man ikaw ang may medalya, alam mong parte ka ng tagumpay na iyan.”
Nagawa pang magbiro ni Mary Grace sa magarbong gown na kanyang isinuot.
Aniya, “Kung hindi lang din ganito ang suot mo sa araw ng parangal ng anak mo.. Wag na lang [um-attend] oi Jowk lang...”

Matutukoy rin sa mga posts ni Mary Grace na nakaabot na sa kanya ang reactions ng netizens sa kanyang isinuot na wedding gown.
Para maipagtanggol ang sarili laban sa mga batikos, nag-post siya ng picture kasama ang anak na may overlay ng comments mula sa bashers.
Pagtatanggol niya (published as is), “Anong masama sa suot ko..?? Deserve ko naman siguro.. Magsuot ng pinakamagandang outfit kc may karangalan din nman po ang anak ko
“…proud lang naman ako as a mom...Desente naman tinggan... Sleeveless daw po ang bawal..
“Pero bakit ganun.. Ano man ang isuot mo May masasabi at masasabi sila sayo”

Sa mga mas nauna pang post, ipinaliwanag din ni Mary Grace kung bakit wedding gown ang kanyang isinuot sa recognition day ng anak.
Hinalungkat pa nga raw niya ito sa baul dahil yung binili niyang damit via online shopping ay hindi raw maganda.
Ang kuwento niya sa March 28, 2026 post (published as is): “Dahil graduation mo na,, dapat angat tayo sa lahat,, ,Pasinsya na at di nagkamali yata yung pinadala sa akin ni seller.. Kaya ayaw ko omorder. Online eh... But anyways ok na to.”
Ang sabi naman niya sa isang post nitong March 31, “Sa hirap ng buhay kailangan maging wais tayo,, Mahal na ang gasolina...”
Sa overlay text, nakasaad ang: “POV: Yung subrang mahal na ng gasoline ngayon Kaya kailnagan wais,, gown na nakatago sab aul, may pakinabang [laughing emojis].”
Naging praktikal lamang si Mary Grace sa pagkakataong ito.
Yun nga lang, maraming netizens ang mas piniling punahin ang kanyang kasuotan kaysa batiin siya at ipagdiwang ang mga karangalang naabot ng kanyang anak.
Pero sa bandang huli, winner pa rin siya. Bilang isang content creator, ang pagba-viral niya ay malaking bagay.
And beyond the comments about her wedding dress, naipabatid niya sa publiko kung gaano siya ka-proud bilang nanay.
Read: High school student in Butuan gets 41 local, international awards
