Nang dahil sa Internet, ang batang dinukot noong 1951 ay natagpuan at muling nakasama ang pamilya matapos mawalay sa kanila sa loob ng higit 70 years.
Ito ang nakakaantig na kuwento ni Luis Armando Albino, 79.
Nang dukutin si Luis noong siya ay six years old, matagal siyang hinanap ng kanyang pamilya.
Pero isinarado ang kaso matapos ang ilang dekada na hindi siya natagpuan.
Sa kabila nito, kumapit ang pamilya sa pag-asang buhay pa siya, ulat ng The Associated Press noong September 23, 2024.
Taong 2020, nag-try ng online ancestry test si Alida Alequin, 63.
Ginagamit ng ganitong test ang iyong DNA para ma-estimate ang "geographic origins" ng iyong mga ninuno.
Ginawa lang ito ni Alida bilang katuwaan, pero nagsilbi itong tulay para matunton ang nawawalang tiyuhin.
Lumabas sa resulta ng online ancestry test na may 22-percent match si Alida sa isang lalaki.
Kinutuban si Alida. Naisip niya na baka ang naka-match ay ang nawawalang kapatid ng kanyang ina.
Gumawa ng sariling imbestigasyon si Alida at kalaunan ay humingi siya ng tulong sa mga awtoridad.
Sa tulong ng pulisya, Federal Bureau of Investigation, at Justice Department, natunton nila ang naka-match ni Alida sa East Coast.
Sabi ni Alida, ang lalaki ay lolo na. Isa siyang retired firefighter at Marine Corps veteran na nagsilbi sa Vietnam.
Siya nga ang nawawala niyang tiyuhin, si Luis.
Read: The life of Peter Ligot as his late father’s caregiver
THE BOY WHO WAS TAKEN IN 1951
Nawalay si Luis sa pamilya noong February 21, 1951.
Nilapitan daw ng isang babae ang batang lalaking naglalaro kasama ang kanyang kuya sa isang parke sa West Oakland.
Sa salitang Espanyol, sinabihan ng babae ang Puerto-Rican boy na ibibili niya ito ng candy kung sasama siya.
Dinukot ng babae ang bata at inilipad siya sa East Coast.
Ipinaampon ang bata sa mag-asawang itinuring siya bilang isang tunay na anak, ayon sa The Bay Area News Group.
Hindi na ibinunyag kung saan sa East Coast tumira si Luis.
Binanggit sa report na noong nangyari ang insidente, ini-report ng Oakland Tribune ang tungkol sa inilunsad na malawakang paghahanap sa batang si Luis.
Isinailalim din sa interogasyon ang kuya ni Luis na si Roger Albino, na iginiit na isang babaeng nakabandana ang tumangay sa kapatid.
Bigo ang pamilya at mga kamag-anak ni Luis na mahanap siya.

Pero kuwento ni Alida, patuloy na umasa ang kanilang pamilya na matatagpuan din si Luis.
Sa kasamaang palad, bago nangyari ito, pumanaw ang ina ni Luis noong 2005.
Read: Man's saliva matches with DNA from a murder 36 years ago
THE ONLINE DNA TEST
Samantala, matapos mag-match ang resulta ng online ancestry test ni Alida sa isang lalaki, kumilos na siya.
Nag-reach out noon si Alida sa lalaki subalit wala itong natanggap na sagot, ulat ng The Mercury News.
Panandalian silang tumigil sa paghahanap.
Nang pumasok ang 2024, muling nagsaliksik si Alida at ang kanyang mga anak.
Hinalungkat nila ang mga lumang larawan sa news articles sa Oakland Public Library. Kumbinsido si Alida sa kanyang kutob nang makita ang larawan nina Luis at Roger sa microfilm ng lumang Tribune newspapers.
Nagtungo sa Oakland police si Alida para ibahagi ang kanyang natuklasan.
Nakumbinse ang mga imbestigador na muling buksan ang kaso ng missing person dahi sa nakalkal ni Alida.
Natunton sa East Coast si Luis, na nagbigay siya ng DNA sample.
Inihambing ito sa DNA ng ina ni Alida.
Noong June 20, 2024, nagtungo ang mga imbestigador sa bahay nina Alida para sabihing natagpuan na ang kanyang tiyuhin.
“We didn’t start crying until after the investigators left,” ani Alida sa Mercury News.
“I grabbed my mom’s hands and said, ‘We found him.’ I was ecstatic.”
Read: The life of Lyn May, famous for “statuesque body, monstrous face”
LUIS REUNITED WITH HIS FAMILY
Noong June 24, kasama ang FBI, dumating sa Oakland si Luis at nakaharap nito ang kapatid na babae at pamangkin na si Alida.
Kinabukasan, dinala ni Alida si Luis sa tirahan ng kanyang kuyang si Roger.
“They grabbed each other and had a really tight, long hug. They sat down and just talked,” ani Alida sa The Mercury News.
Pinag-usapan din nila ang araw ng pagdukot kay Luis at ang kanilang military service.
Nagbakasyon daw ng tatlong linggo si Luis para makasama si Roger.

Iyon na ang huling pagkakataong nakita ni Luis si Roger na pumanaw noong August 2024.
Pinasalamatan ni Luis si Alida at sinabihang, “Thank you for finding me.”
Ani Alida, nais niyang magsilbing inspirasyon ang kanilang kuwento sa mga katulad nilang may parehong pinagdaanan.
Pahayag niya, “I would say, don’t give up.”
