Tawagin na lang natin siyang Butch, 57, at tubong Pasig City.
Nakakuwentuhan siya ng writer na ito bago siya nangibang bansa noong mid-2023.
Nababasa raw niya sa Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) ang features tungkol sa mga tumatama sa lotto.
Aminado si Butch na addict siya sa lotto. Araw-araw siyang tumataya, walang palya.
At hindi lang sa pagtaya ng lotto siya naging addict—gumon din siya sa sugal.
Aniya, “Lahat ng uri ng sugal. Kung hindi ako sugarol, mapera sana ako ngayon. Pero walang magagawa, naging lifestyle ko na ang pagsusugal.”
Pumayag siyang i-share ang kanyang mga naging karanasan, huwag na lang aniyang babanggitin ang kanyang tunay na pangalan.
Pagbabahagi niya, noong elementary siya ay pansamantala siyang dinala ng kanyang parents sa kanyang lolo sa isang baryo sa Laguna.
“Wala na kasing kasama si Lolo noon, pero malakas pa, nakapagsasaka pa.
“Paborito niya akong apo at mahal ko naman siya kaya pumayag ako.”
Doon na na-expose si Butch sa iba’t ibang sugal.
Read: Old coins from Medieval Ages discovered
EARLY EXPOSURE TO GAMBLING
Habang nakatira sa kanyang lolo, tuwing umaga kapag weekend ay umiigib si Butch ng tubig sa nag-iisang poso sa baryo.
“Grade III ako noon. Habang naghihintay kami ng turn para makaigib sa poso, mahaba kasi ang pila, may mga nagkaka-cara y cruz.
"Ito yung inihahagis sa ere ang dalawang barya at kung puro head o tao pagbagsak, panalo yung naghagis. Pag parehong tail, panalo ang tumaya.
“Lagi akong may barya sa bulsa na puro singko sentimos na natitipid ko sa baon sa school, may value pa iyon noon, dekada '70.
“Nakatuwaan kong tumaya. Ilang beses akong nanalo. Ang saya-saya ng pakiramdam ko.”

Mula noon, hinihintay na niya ang pagsapit ng weekend para makapag-cara y cruz.
Bukod doon, ang lolo niya ay mahilig din sa sugal.
Kapag tapos na ito sa gawaing bukid, suma-sideline ito sa pagiging kubrador ng huweteng.
Kapag walang pasok si Butch, kasa-kasama siya ng kanyang lolo sa pagkokolekta ng taya sa huweteng.
Nagsasabong din ang kanyang lolo, at may mga alaga itong panabong na manok.
Bukod sa isinasama siya nito sa pagsasabong, tinuruan din siya nito kung paano mag-alaga ng sasabungin.
Ani Butch, “Wala naman kasing ibang libangan noon sa baryo kundi sugal. May tindahan din ang kapitbahay namin na pag hapon na ay may pa-Bingo. Natuto rin ako.”
Aniya, wala namang sumasaway sa mga bata sa pagsali sa sugal dahil kultura ito noon sa baryong kinalakihan.
Kaya bago pa man siya magtapos ng elementary, sa murang isipan ay hasang-hasa na sa pagsusugal si Butch.
Read: Burger bought in 1995 remains intact
RESORTED TO STEALING JUST TO GAMBLE
Nang nasa high school na si Butch ay mas lumala ang pagkahilig sa sugal—at mas lumakas ang loob.
Lahad niya, “Hindi rin naman ako pinagbabawalan ni Lolo. Kapag masama ang pakiramdam niya, ako na ang nagkukubra ng taya ng mga suki niya sa huweteng.
“Sa koleksyon kasi ng taya, halimbawa ay nakakubra ako ng PHP300, mayroon akong diyes porsiyento o PHP30.
"Ang ginagawa ko, itinataya ko rin sa huweteng sa pagbabakasakaling tatama ako.”
May naging kabarkada rin siya, si Lando, na tinuruan siyang magbaraha.
“Lucky nine, tong-its... lahat nang sugal sa baraha, itinuro niya sa akin. Kapag may namatay kahit sa mga kalapit na baryo, dumarayo kami ng sakla. Pakiramdam ko nga noon ay amoy baraha na ako.”

Ang problema ni Butch, madalas ay talo siya sa sugal.
“Malas yata ako. Nakakatawa nga kasi lahat nang pamahiin para suwertihin ako sa sugal na naririnig ko sa mga kababaryo ko noon ay sinusunod ko. Pero wala pa rin.”
At naramdaman niyang hindi na niya kayang alisin sa sistema ang sugal.
“Minsan ay sinabihan ako ni Rolando na dadayo kami ng sakla. Wala akong pera. Naisipan kong tingnan ang pitaka ni Lolo na noon ay natutulog.
"Ewan ko, pero kumupit ako ng PHP10 para lang may pansakla ako.”
Hindi na niya inulit ang pagkupit sa pitaka ng kanyang lolo. Pero para makapagsugal, iba naman ang naisip niyang klase ng pangungupit.
“Minsan yung mga dumalagang manok na hindi naman isinasama ni Lolo sa bilang dahil ang kabisado lang niya ay ang mga alaga niyang panabong, ibinibenta ko. Pati yung mga bunga ng saging at niyog na tanim niya.”
Read: Judge officiates wedding of criminal soon after sentencing
PBA ENDING, MAHJONG
Magtatapos na sa high school si Butch nang mamatay sa bangungot ang kanyang lolo. Malungkot niyang sambit, “Ang sabi ay kumain daw ng instant noodles, tapos ay natulog agad. Hindi na nagising.”
Isang tiyahin niya at ang asawa nito ang nakasama niya sa bahay matapos ilibing ang kanyang lolo. “Hindi ko sila nakasundo, kaya sabi ko sa parents ko, after graduation ay uuwi na ako sa amin sa Pasig.”
Read: Influencer without belly button earns PHP2M per month
Nang bumalik siya sa poder ng mga magulang, kumuha siya ng one-year automotive course.
“Hindi rin naman ako kayang pag-aralin sa kolehiyo kaya yun na lang ang kinuha ko. Mahilig kasi akong magkutinting ng sasakyan.”
At tuloy lang ang hilig niya sa sugal, “Kasikatan ng PBA [Philippine Basketball Association] noon. Nagpapataya ako sa ending.
"Bale may 100 combinations ng numero. Kung ano ang last digits sa winner versus loser, yun ang panalo.”
Naging mitsa rin ang pagpapataya niya ng ending para mapasubo siya sa gulo.
“May kapitbahay kasi kami na may pa-mahjong. Lagi akong natambay roon hanggang sa natuto ako. Minsang wala akong pera, yung mga taya sa ending ang inilaban ko. E, naubos.
“Galit na galit sa akin yung tumama sa ending, gusto akong hatawin ng tubo. Buti na lang may pera yung kapatid ko, siya ang nagbayad.”
Read: Guy arrested for giving low rating to Italian restaurant?
WORKED ABROAD, GOT ADDICTED TO SLOT MACHINES
Nang matapos ni Butch ang kinuhang vocational course ay pumasok siyang apprentice sa isang talyer.
“Ang maipagmamayabang ko lang, parang nasa pagmemekaniko talaga ang linya ko. Mahusay ako sa sasakyan. Mga ilang buwan na apprentice, ginawa agad akong assistant mechanic ng may-ari ng talyer. Bata pa kasi ako, malakas at maliksing kumilos.”
Pero walang natitira sa kanyang suweldo.
“Nauubos sa sugal. Minsan nga iniyakan ako ni Ermats [nanay] kasi kailangan ni Tatay ng pambili ng gamot dahil nagkasakit, wala akong naiabot. Mas mahal ko pa raw ang sugal.
"Sa hiya ko, napilitan akong mag-advance sa talyer kasi first time niyang nagsabi sa akin ng pera.”
Makalipas ang ilang taon sa talyer, walang naipon si Butch dahil sa pagsusugal.
Nagkataon naman na isang kaklase niya ang nagyayang mag-apply sila sa Japan bilang trabahador sa poultry.
“Suwerteng natanggap kami at nakaalis. Sabi ng nanay ko, mag-ipon daw ako at pagbalik ko ay magtayo ako ng sariling talyer para hindi na ako mag-abroad uli.”
Nang nasa Japan na, na-expose si Butch sa mas nakaka-addict na sugal.
“Slot machines! Nakaka-high pag natiyempuhan mo, tapos bubuhos yung mga premyo.”
Pero sa una lang siya sinuwerte. Sa mga sumunod na pagkakataon ay puro kamalasan na ang inabot niya.
“Nang umuwi ako, walang-wala ako.
"May mga nautangan pa ako sa Japan para lang may maipasalubong ako sa parents ko. Pati yung nahiraman ko ng placement fee dito sa Pilipinas, hindi ko pa nabayaran nang buo pagbalik ko.
“Hiyang-hiya ako sa ermats, saka sa tatay ko.”
Read: Thief disguised as blonde woman arreste
HEARTBREAKING LOTTO EXPERIENCE
Namasukan na lang muli si Butch bilang mekaniko, at napangasawa niya ang anak ng may-ari ng talyer.
Hindi na siya pinayagan ng misis mag-abroad. Ito na rin ang nagsilbing antidote niya sa kanyang pagiging gambling addict.
Natatawa niyang sambit, “Ang tapang po ni Kumander. Minsang nasa sugalan ako, sumugod. Itinaob yung mesa. Yung mga baraha, ikinaskas sa mukha ko.”
Sabi ng nanay niya, nagpapasalamat ito na ang kanyang misis ang napangasawa dahil narendahan nito ang kanyang pagsusugal.
“Saka noong nagbuntis na si Misis, medyo parang naisip kong dapat na akong magtino dahil madadagdagan na kami.”
Kung meron man siyang hindi maiwasan, yun ay ang pagtaya sa lotto. “Mula nang magsimula ang lotto, wala akong palya.”

At isang pangyayari sa kanyang pagiging lotto bettor ang hindi makakalimutan ni Butch noong 2007.
“May alaga akong number combination. Kung bakit noong araw na iyon, naisipan kong palitan ang isang numero. Wala... basta naisip ko lang palitan.”
Kinabukasan, gayun na lang ang gimbal niya nang ang lumabas na kumbinasyon ay ang matagal na niyang inaalagaan.
“Nanigas ang katawan ko. Pakiramdam ko ay humiwalay sa katawan ko ang aking kaluluwa. Milyonaryo na sana ako.”
Dahil sa pagkadismaya at labis na pagsisisi, tila nawala siya sa sarili at naglakad nang walang direksyon.
“Sa Cubao na ako nakita ni Misis. Hindi ko rin alam kung bakit ako nakarating doon.
"May ale na nagsabi sa akin na ring daw nang ring ang cellphone ko, bakit ayaw kong sagutin. Iniabot ko sa ale, siya ang nakausap ni Misis at sinabi kung nasaan ako.”
Nang mahimasmasan, na-realize ni Butch na dahil limang kumbinasyon pa rin ang nakuha niya, malaki-laki pa rin ang tinamaan niya.
“Pero hindi milyon, kaya nakapanghihinayang.
“Pati si Misis, nanlumo. Pero sabi nga, pag hindi ukol, hindi bubukol. Naisip ko rin, sana tinayaan ko pa rin yung alaga kong kumbinasyon kahit nagpalit ako ng isang numero.”
At minsan pa, na-realize niyang malas talaga siya sa game of chance.
Sa ngayon ay nasa abroad si Butch bilang Overseas Filipino Worker.
Pumayag siyang magtrabahong muli sa ibang bansa dahil kasama niya ang kanyang misis—na kaya siyang rendahan sakaling kumaway na naman ang kanyang gambling addiction.
Read: Wife pays house rent to millionaire husband
