Mukhang humabol sa Valentine’s Day ang isang female patient kahit sariwa pa ang sugat mula sa butt lift at may drains pang nakakabit sa kanya.
Ito ang parte ng post ng isang plastic surgeon sa Italy kasunod ng pagtakas umano ng kanyang 38-year-old female patient matapos magpa-butt lift.
Ang masaklap pa, tinakasan ng pasyente ang kanyang medical bills na aabot sa higit PHP1 million.
Ang kuwentong ito ay naitampok sa isang national newspaper sa Italy at naibalita rin sa Italian TV news program.
Ulat ng Il Messaggero (The Messenger), kilalang Italian newspaper, tumakas sa ospital ang isang female patient sa isang clinic sa Montesacro district sa Rome noong umaga ng Valentine’s Day, February 14, 2024.
Sumailalim daw ang pasyente sa six-hour butt-lift procedure noong February 13, at umalis kinabukasan nang hindi nagbabayad.
Wala raw nagawa ang medical staff sa pagtakas ng pasyente na suot pa ang drains—ang aparatong ikinakabit para saluhin ang extra fluids na lalabas sa operated area.
Nakita umano ng isang staff member ang pagsakay ng pasyente sa kotse na marahil ay minamaneho ng kanyang partner, sabi sa ulat.
PLASTIC SURGEON FILES COMPLAINT
Nagsumite ng reklamo ang plastic surgeon na si Maximilian Catenacci sa Fidene police station, na kinumpirma naman ng mga pulis.
Ayon sa report, umaabot sa 20,000 euros (PHP1.2 million) ang total fee ng operasyon, "including operating room rental, anesthesia, prostheses, doctor's fee, and health care."
Ang deposit lamang daw ng babaeng pasyente ay 1,000 euros (PHP60,000).
Nangangahulugang tinakbuhan niya ang PHP1.1 million balance.
Read: Lugar na most-viewed photo in history, ano na ang itsura ngayon?
Sa kanyang Facebook account, ipinost ng plastic surgeon na si Maximilian ang kanyang pangit na karanasan.
Parte ng kanyang post (translated to English): “[P]erhaps she was in a hurry to go and celebrate Valentine's Day with drainage in tow …
Aniya pa, initials lang ang inilagay niya sa kanyang post—si Mrs. A.F.—para maipagpatuloy ng mga pulis ang imbestigasyon nito.
Umaasa raw ang doktor na sana ay maibalik ang tinangay na drains ng salarin na ikinabit sa kanya matapos ang butt surgery.
Ipinost din ng doktor ang inirecord niyang video nang maitampok ang kuwentong ito sa TG5 (TeleGiornale 5), isang Italian news program.
Sa comments section naman ng post ng video, may mga nakisimpatya sa sinapit ng doktor.
Anila, nalulungkot sila para sa doktor na matapos ibigay ng kanyang serbisyo ay tinakbuhan siya ng salarin.

Pero nagkomento ang iba na kinukuwestiyon ang pangyayari dahil sa Italy ay inuuna umano ang pagbabayad bago ang medical services.


Samantala, ang social media accounts ni Maximilian ay may 30,000 Facebook followers.
Sa kanyang TikTok account, ang content niya ay mga advice at pagpapakita ng mga isinagawang cosmetic surgeries sa kanyang mga pasyente. Meron siyang 34,000 TikTok followers.
May sarili rin siyang website para sa kanyang services as a cosmetic and plastic surgeon.
