Yung kakain ka lang sana tapos biglang naging milyonaryo ka.
Ito ang pambihirang nangyari sa isang lalaking iniluluto ang uulaming kuhol sa kawali.
Iniluwa ng isa sa kuhol ang isang maliit at bilog na bagay na parang bato. Agad mapapansin ito dahil kumikinang.
Kinuha ito ng lalaki, at saka itinapon.
Pero nagdalawang-isip siya, at pinulot ang bato sa pag-aakalang baka may halaga ito dahil kakaiba ang itsura.
At tama ang naging desisyon niya: ang bato ay isa palang di pangkaraniwang perlas na posibleng higit isang milyong piso ang halaga.
Ito ang kuwento ni Amorn Prakongkwan, 54, isang paint shop owner mula sa Chonburi, Thailand.
Kuwento ni Amorn sa The Pattaya News, isa pala itong Melo pearl, na "extremely rare," ayon sa International Gem Society website.

Nabubuo ang Melo pearl sa loob ng Melo volute o Melo snail, isang large edible sea snail na matatagpuan sa mababaw na tubig sa Thailand.
Maliit na porsiyento lamang ng mga Melo snail ang nakakabuo ng Melo pearl. Bukod dito, inaabot ito ng maraming taon bago mabuo, kung kaya’t mas rare ito sa iba pang uri ng perlas.
Mapapanood sa The Pattaya News na hawak ni Amorn ang isang certificate mula sa Gem and Jewelry Institute of Thailand (GIT), patunay na authentic ang ipinasuri niyang perlas.

Mababasa sa certificate na isa itong drop-shaped natural pearl, kulay orange, na 10.33 carat ang timbang.
Ang halaga ng Melo pearl ay $1,500 (PHP83,000) per carat.
Ibig sabihin, ang hawak na Melo pearl ni Amorn ay higit pa sa PHP830,000.
Pero ayon sa mga eksperto, ang presyo nito ay maaari pang tumaas, depende sa puwedeng ialok ng buyer at maaaring umabot sa 1 million baht o PHP1.6 million.
Bumili ng kuhol si Amorn na ang presyo ay 80 baht (PHP130) kada dalawang kilo, at hindi niya inaasahang isa rito ay nagtataglay ng perlas na magpapabago ng kanyang buhay.
As of March 24, 2023, hawak pa rin ni Amorn ang perlas at pinag-iisipan kung magkano niya ito ibebenta.
