Gaganahan ka bang kumain kung ang pagkain ay galing sa kabaong?
Pero ayon sa ilang comment sa viral post ni Vincent Levi Bayona Doletin nitong Lunes, February 27, 2023, gutom, hindi kilabot, ang naramdaman pag-angat ng takip ng kabaong.
Ang tumambad kasi ay mainit at umuusok na barbecue imbes na malamig na bangkay.
Sa interview ng Coconuts Manila, si Vincent ay isang funeral shop owner sa North Cotabato na na-inspire sa coffin dance meme na nag-viral sa TikTok noong kasagsagan ng pandemic, taong 2020.
Naisipan niyang gamitin ang isang kabaong na regalo mula sa kaibigan sa Santo Tomas, Pampanga (unused, of course), at gawin itong smoker o sugbahanan.
Dalawang araw ang ginugol ni Vincent at ng kanyang pinsan upang mabuo ang coffin grill na may cooler compartment sa kabilang bahagi.

NETIZENS REACT
Pahayag ni Vincent sa caption ng kanyang post, “legit ang lasa” ng inihaw na niluto sa kanyang coffin grill.
Samu’t sari ang nakuha nitong reaksiyon. At press time, ang kanyang post ay may 783 reactions, 458 comments, at 7,100 shares.
May mga humanga sa kanyang creativity, at nagsabing “panalo” ang kanyang idea.
Mayroon pang nag-suggest na isali ito sa susunod na Sayap Sinugba Festival sa Nobyembre at sigurado itong magte-trending.
Karamihan sa mga comments ay nasa wikang Bisaya.
Komento naman ng isang netizen (published as is), “ayos yan ah haha prang malaking oven hehehe”
Sinundan niya ito ng tanong kung ano ang lasa ng inihaw sa ‘kabaong’ na game namang sinagot ni Vincent ng: “prang max's sarap to the bones” at sinundan ito ng isang laughing emoji.

Sa isang banda, mayroon ding mga nagsabing kahit magutom sila ay hinding-hindi nila titikman ang barbecue galing sa coffin ihawan.
Sabi ng isang netizen sa wikang Bisaya, published as is, “yuts bahala magkutoy ni tyan ko hnd ko mgkaon barbeque” at sinundan ito ng tatlong vomiting emojis. (via Google translate: “di bale nang kumalam ang tiyan pero hindi ako kakain ng barbecue na iyan.”)
Ang iba ay nagsabi ring hindi nila kayang sikmurain ang tinagurian nilang “Samgyup sa lamay.”

Ang Samgyup ay pinaikling Samgyupsal o Korean barbecue na sikat sa alin mang dako ng bansa.
Ilan pa sa nakakaaliw na comments ay, “Cremate while you marinate...” at “sa unang kagat, higa agad.”
Marami man ang nagpapakita ng interes na mahiram o magamit ang coffin grill, sinabi ni Vincent na wala pa siyang plano na gawing business venture ito.
“It’s just so my family and I have something to use if we go to the beach or the pool. It’s just at my house,” dagdag kuwento niya.